Blog

  • Iris – Ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay

    Iris – Ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay

    ni Alberto Segismundo Cruz

    (Nailathala ng Balaghari, Marso 6, 1948)

    Sa lahat ng bathala at dilag, si Iris – ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay o Reyna ng Bahaghari – ang siyang lipos ng hiwaga sa kanyang kapangyarihan at kaningningan. Tinatangkilik siya ng ilaw at lakas o biyaya ng buhay na dulot ni Apolo at siyang “kalaro” ng Langit na laging bughaw at ng Tubig na sinasalamin nito sa loob ng walang katapusang Tag-araw ng Buhay at Panahon ng Pamumulaklak ng Kabataan.

    Marami ang nagmimithing Dioses sa dilag ni Iris. May iba’t ibang taglay na kapangyarihan, balani, at baluting kaakibat sa katauhan, nguni’t ni sino man ay walang makatawag man lamang sa kanyang pansin, sa mula’t mula pa. Lahat ay umasa sa kanyang pagtingin at pagpapala, hanggang sa maging ganap na alipin, isa na rito si Hermes, na nagkapakpak na tuloy ang mga paa upang maging mabilis sa pagsunod sa kanyang mga pita, sa lahat ng panahon, pagkakataon, at lahat ng saglit sa buong buhay niya . . .

    Paano’y talagang si Iris ang “bukal na hiwaga” ng lahat ng kulay, na nagdudulot ng sining sa daigdig. Ang daigdig na walang kulay, tuyot, at hubad sa tulain ay magiging ganap na patay na planeta kung walang kulay. Datapuwa’t dahilan kay Iris na sadyang may isang bahaghari ng iba’t ibang kulay na nakabalantok sa himpapawid, na ang magkabilang dulo’y mahiwagang nakaangat sa langit at sa di matarok na hanggahan ng lupa, di kalayuan sa tinatawag na “guhit-tagpuan” ng daigdig ay nagkabuhay, nagkaroon ng kahulugan, at nangyari tuloy na magkatao ito, hanggang sa umunlad at makilala ang dalawang uri ng Paraiso, pagkatapos, ng daan-daang taon, ang Paraisong Nagmaliw, na nakita lamang sa guniguni ng isang dakilang Milton.

    Kaya nga’t buhat nang umusbong ang isang hamak na ugat, na nagmula sa isang mahiwagang binhi ng Katalagahan, iyang halama’y umunlad at yumabong din; datapuwa’t kasabay ng pagyabong na ito ay ang pagkakaroon ng likas na kulay ng kanyang mga sanga at dahon, na “hango” at “hiram” sa kulay na nasa bahaghari ng dakilang Iris.

    Ang bunga ng kahoy, na makikilala sa kulay kung hilaw o hinog na’y mahiwagang biyaya rin ng Katalagahan, na “ibiniyaya” naman nang lipos ng kababalaghan ni Iris, sa tulong ng kanyang balag na “bukal” ng kulay. Kaya’t ang mga unang tumao sa iba’t ibang panig ng daigdig, lalo na sa kagubatan, kabilang na rito ang mababangis na hayop at taong-bundok, ay nakakilala agad kung alin ang bungang-kahoy na maaaring mapakinabangan at maaaring makapagdulot pa ng pagkain sa kanila. Kasabay niyan, ay napagtiyak din naman nila, na ang mga dahon ng kahoy, sa taglay na kulay nito, ay maaaring mabatid agad ang lagay ng panahon at halumigmig. Kung luntian at nasa yamungmong, ang taglilim at panahon ng kasariwaan ay patuloy; datapuwa’t kung abuhin na at nangalalanta na, nangangahulugang mainit ang singaw ng panahon kundi man nananalasa ang matinding init ni Apolo, na nagpaparamdam sa ubaning Lupa ng kanyang lakas at kapangyarihan.

    Gayon din naman, si Iris, sa pamamagitan ng kanyang mahiwagang kapangyarihan, ay naaaring magpabatid, kapagdaka, sa paghihilamos lamang ng langit, alalaong baga, kung umuulan man, walang ibig na sabihin ito kundi ”naghihilamos” lamang ang kaayaayang mukha ng langit, matapos na maglamay sa buong magdamag sa pagtangkilik sa mga anak ng liwanag sa kandungan ng gabi. Ang mga anak na ito’y walang iba kundi sina Buwan at mga Bituin.

    Subali’t matapos ang mahabang panahon ng pag-inog ng daigdig at takbo ng mga pangyayari, ang pag-iisa ni Iris ay kanyang dinamdam. Maaaring mayaman siya sa kulay at kaningningan, maaring may mga alipin siyang Dioses, na pangunahin na si Hermes, na nauutusan niya nang kasing-bilis ni Kidlat, datapuwa’t ang puso niya’y laging tumitibok nang masasal.

    Sa wakas, samantalang nakasandig siya sa pagkakatulog nang di-sinasadya sa tabi ng kanyang mahiwagang balag, walang anu-ano, sa gitna ng karimlan ay parang may biglang napunit na dakilang bagay sa Langit-Silangan. Nagulantang siya at kinusot na mabuti ang kanyang magagandang mata, na nanghiram ng luningning sa mga bituin, sa pag-aalaalang baka iyon ay isang kaaway o isang makapangyarihang mandirigama na nagnanais na umagaw sa kanya.

    Hindi rito natapos ang kanyang agam-agam at sikdo ng dibdib. Kasabay ng pagkahawi ng dilim ay parang isinaboy sa kanya ang sandaigdig na halimuyak buhat sa pabango ng mga bulaklak-gubat, kasabay ang marikit na awit ng mga ibong nagpalipat-lipat sa mga sanga ng kahoy at ng lagaslas ng tubig sa dako roon, sa kabila ng kakapalan ng kakahuyan, na para bagang lumilikha ng isang marikit na kundiman ng pag-ibig na kailan man ay hindi pa niya naririnig sa buo niyang buhay.

    Lalong tumibok nang masasal ang kanyang puso. Hindi siya makatatagal. Hindi maaring di isuko ang kapangyarihan ng kanyang pagka-bathala sa gayong gayuma ng lalong makapangyarihang lakas at balani, na humihikayat sa puso niya.

    Umiibig si Iris. Umiibig ang Reyna ng Bahaghari. At nang unti-unti nang mahawi ang durungawan ng Langit-Silangan na magdamag na may lambong na luksa ng Gabi, ay nakilala niya si Bukang-Liwayway, ang bunsong binatang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag, na tiyak na magmamana ng buong kaharian ni Apolo sa buong panahon ng Katagarawan at Walang Maliw na Pagtanglaw sa Daigdig.

    Walang anu-ano’y narinig niyang may isang tinig na nangungusap, na sa bawa’t bahagi’y sumasaliw man din ang musika ng Katalagahang kangi-kangina lamang ay kanyang naulinigan.

    — Iris! Reyna ng lahat ng Kulay, ibig kong maging alipin mo sa habang panahon. Kung ako’y magiging marapat, nais kong maging himlayan ang iyong bahaghari. —

    — Sino ka? — ang usisa ni Iris, na lipos ng panggigilalas, bagaman naaakit na ganap ang kanyang puso. —

    — Sino pa? Kung hindi si Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag. — At narama, kapagdaka, ni Iris na ang kanyang sinapupunan ay nagka-ilaw, kasabay ng pagsaboy na muli ng mahiwagang halimuyak sa kanyang paligid.

    — Paano ko matitiyak ang katapatan ng iyong pag-ibig, kung ang iyong ama’y kailangan pang magpasiya? – tanong sa di-kawasa ni Iris.

    — Sa pag-ibig ay dalawa lamang ang nag-uusap. Puso lamang na tumitibok ang nagsasalita. Kaluluwa lamang ang nakababatid – ang sa dalawang kaluluwa ng sumusuyo’t sinusuyo! — anang Prinsipe ng WalangMaliw na Liwanag. . .

    — Kay tamis mong mangusap! Bukas din mababatid mo ang aking katugunan. Uutusan ko sa iyo si Hermes, na isang tunay na bayani ng pag-ibig. Inibig niya ang maging alipin kong utusan sa habang panahon, huwag lamang na marinig niya sa aking labi na siya’y hindi ko iniibig bagaman siya lamang ang maaaring makipaghabulan sa kidlat at makahuli ng aking mga kalapating tagapaghatid ng sariling damdamin sa apat na sulok ng himpapawid. —

    — Maghihintay ako, kung gayon! Sa oras ding ito! — At nagtangkang humalik ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag sa Reyna Iris o Reyna ng Bahaghari. Sa pagkakataong yaon, ang sandaigdig na kulay ay lalong kuminang: Gumanda wari ang kagubatan, sa biglang pagbabagong-damit ng mga punong-kahoy, halaman, at mga bunga nito. Gayon din ang pakpak ng mga ibon, paruparo, saka ang langit, tubig, at kalawakan. Lalong naghari ang “kagandahan” ng daigdig sa balat ng lupa, at nag-aanyaya mandin ang Katalagahan sa kabataan. Kaya’t biglang-bigla na lamang bumalantok ang bahaghari. . . Pula, dilaw, luntian, bughaw – mga saligang-kulay na naging tulay kapagdaka, na ang isang dulo ay nasa isang panig ng langit at ang kabilang dulo’y nakahangga naman sa isang mahiwagang pook ng lupa, na diumano’y siyang katutuklasan ng walang maliw na kayamanan.

    Nang masdan ng mga taong-bundok ang balantok o bahaghari sila’y nagpanakbuhan. Akala nila’y babala na iyon ng isang wakas, kundi man tanda ng isang masamang panahon. Nagpanakbuhan sila at sa mga lunday na nasa baybay-dagat ay nag-unahang magsisakay; nguni’t walang anu-ano’y bumuhos ang malamig na ulan – maninipis na hilatsa ng sutlang ulan – na bumasa sa kanila at sa hiwaga ng lamig nito’y nagkaroon sila ng panibagong dilidili.

    Nagsibalik uli sila sa daan upang mapanunghan ang isang maliwanag na katanghalian. Nakita nila, higit sa dati, ang dilag ng kanilang paligid. Nasamyo ang kailan man ay hindi nila nasasamyong hanging may pabango ng mga bulaklak-gubat. Saka nadinig pa ang kailan man ay hindi nila naririnig na musika ng Katalagahan: ang marikit na awit ng mga ibon, ang lagaslas ng batis, ang bru-bru ng dahon, ang dampi ng mayuming alon sa pasigan, saka ang langitngit ng kawayanan, sa dako roon, na sa kanilang humahangang paningin ay walang iniwan sa malantik na baywang ng isang hadang nagsasayaw sa kagubatan.

    Ang mga nagsipamayang ito sa kabundukan at mga kinapal sa lupa na di pa nakasisinag ng kahi’t bahagyang liwanag ng kabihasnan ay parang nahihikayat na lumapit sa mga punong-kahoy, halaman, batis at ilog; at noon nila natuklas, sa unang pagkakataon, na kailangan ang pagtatangkilik nila upang manatili ang mga biyayang nasabi ng Katalagahan na siyang makapagpapatuloy sa kanila sa kabuhayang kasiyasiya roon.

    Nasinag nila sa bughaw, nguni’t maliwanag na tubig, ang naglangoy-langoy na isda, napagkilala nila ang mga dahon ng kahoy na maaaring maging panlunas sa mga karamdaman, natuklasan nila ang bukal nang walang maliw na kabataan, (sapagka’t dalisay na maiinom), saka natagpuan din naman nila ang ilang uri ng hayop na maaari nilang pakinabangan at maaari pang makatulong sa gawain.

    Anopa’t ang sumunod na ikot ng daigdig sa Orasan ng Palad, na maikli lamang sa mga taong-bundok ay maitatala na nang kung ilang daang taon, hanggang sa matutuhan nila ang gumawa ng tahanan buhat sa mga kahoy at iba pang sangkap ng kagubatan at magsipagpatulo ng pawis, samantalang sumisikat ang araw, na nagpapasigla sa kanilang katawan.

    Datapuwa’t sa orasan ng mga Dioses, lalo na sa kay Iris at sa Prinsipe ng Liwanag, ay nagdaan lamang ang maghapon at isa pang magdamag upang sila’y magkawatasan na gaya nang kanilang pinagkasunduan.

    Sa buong liwanag ng araw na dulot ni Apolo, ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag, ay nagtapat sa kanyang ama. Ipinahayag ang laman ng dibdib at ang dahilan ng pagnanais na makita uli si Iris – ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay.

    –Talaga pong iniibig ko si Iris! – pagtatapat ng Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag.

    –Hangal! – ani Apolo.

    — Ibig mong sabihing isusuko mo ang Liwanag natin, na siyang biyaya ng lakas at buhay sa daigdig, sa isa lamang bahaghari ng mga kulay? –

    — Wala po sa isip ko ang isuko ang ating kapangyarihan. Puso ko po ang nagpasiya na ako’y umibig sa kanya hangga’t ako’y Prinsipe ng Liwanag at habang nagiging tungkulin ko ang pumunit sa Kortina ng Gabi sa Langit-Silangan. —

    — Ah! Talagang hangal ka, anak ko. Ngayon pa lamang ay napaaalipin na ang iyong kaluluwa kay Iris. Walang utang na loob. Malaon na akong may balak na ipagtapat sa iyo na ang hirang ko ay si Aurora. Mahabag ka kay Aurora na sa pagbabangon mo pa lamang sa Langit-Silangan ay nagsasabog na ng mga bulaklak sa iyong daraanan. Kahabag-habag siya . . . —

    — Ngun’t, ama ko. Na kay Iris po ang aking puso! — matigas na pahayag ng Prinsipe ng Liwanag.

    — Kung gayon ang ibig mo, kailan man, anak ko, ay hindi matutupad ang inyong nais, sapagka’t hindi maaaring paalipin ang Liwanag – ang biyaya’t lakas ng daigdig – sa kalipunan lamang ng mga kulay. —

    — Ama ko! – Sa kulay po nagkakahulugan ang buong daigdig. Nakilala ang bulaklak sa kanilang iba’t ibang kulay. Dumilag sila at lalong naging mapanghalina, bukod pa sa mga bunga ng kahoy, ay lalong nagkahalaga, sapagka’t nabatid ng mga kinapal sa lupa ang kahalagahan ng isa’t isa sa kanilang buhay at kabuhayan. —

    — Minsan lamang akong magpasiya, anak ko, — ani Apolo.

    Hindi na nakapangusap pa ang Prinsipe; at walang anu-ano’y narinig niya ang tinig ni Hermes na nag-usisa:

    — Ako po ang alipin ni Iris – ng aking Reyna. Ibig pong mabatid ng Kanyang Sanghaya kung magaganap ang inyong salitaan. —

    Napipi ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag. Napatungo sa lupa, at naluha.

    Lalaki ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag. Nguni’t lalaki man ay natutuhan din ang lumuha. Nalaglag ang mga patak ng luhang ito. Naging hamog sa mga bulaklak . . .

    . . . Samantalang si Hermes, na mabilis pa noon kaysa Kidlat ay nagbalik sa Reyna ng Bahaghari at inihatid ang malungkot na balita.

    Tugon ng Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag ay hindi nabigkas ng bibig. Nasabi sa kanyang luha. Madarama pa nga sa labi ng mga bulaklak. Lalo na ng mga bulaklak sa kagubatan!

    Noon din ay nagdalang-poot si Iris. Poot na may himig-panibugho. Batid niya ang lihim ni Apolo: Ang nais nito sa kanyang bunsong prinsipe upang makaisang-dibdib si Aurora.

    Kaya’t sa ilang saglit lamang ay nag-utos na kay Hermes upang makipaghabulan sa Kidlat. Pinakilos ang mga panginorin sa himpapawid. Pinapagdilim ang langit kahi’t katanghalian at nasa karurukan si Apolo. Nagluksa man din pati mga dahon at nagtungo ng ulo ang mga talulot at bulaklak. Noon din ay nagsala-salabat ang kidlat sa kalawakan. Narinig ang nakakabingaw na kulog. Nahintakutan ang daigdig!

    Kaya’t mula na noon ay nangupas na ang maraming kulay. Kulay sa mga dahon at bulaklak. Nagbago na ng lakad ang mga pangyayari. Namatay na ang sigla ng buhay. At, ang Tag-araw at Tag-ulan, ay sumasapit sa pana-panahon. Naging tiyak din naman ang Tadhana: ang mga bagay at kinapal sa lupa na walang maliw ay nagmaliw na ri’t napatakda sa Kanluran ang paghihingalo ni Apolo. Nguni’t patuloy ang ganyang takbo nga ng mga pangyayari. Saka ang lalong malungkot ay nalalanta na ang mga bulaklak kundi man nangungupas ang mga kulay . . .

    — Ay! — buntong-hininga ng Reyna ng Sandaigdig na Kulay.

    — Ay! – ang tugong buntong-hiniga rin ng Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag sa Langit-Silangan.

    Nguni’t kailan man ay hindi na natupad pa ang kanilang pangarap, kaya’t ang Reyna ng Bahaghari ay naging patrona na lamang ng mga alagad ng sining, lalo na ng mga batikang alagad ng D’Vina.

  • Ang Damo

    Ang Damo

    ni Alberto Segismundo Cruz

    (Unang nailathala ng Ilang-Ilang, Nobyembre 23, 1947)

    — Ang luntiang damo sa paanan ni Edmundo Rosal ay tagapagpagunita sa kanya ng buhay na wagas at walang pagkukunwari. —

    Marami nang taon ang nagdaan . . . marahil ay may labing-walo o dalawampung taon na, at sa makapal na Aklat ng Panahon, ay may nakasulat sa likod ng nanlalabo nang mga titik. Nguni’t hindi maaaring mabasa iyan ng karaniwang mata ng sinomang kinapal. Manapa’y si Tadhana lamang ang buong liwanag na makatutunghay.

    Ibang-iba na si Edmundo Rosal. Hindi na siya ang dating tinatangkilik lamang ng isang propyetaryong may malaking pasaka sa isang lalawigan sa Kalagitnaan ng Luson. Hindi na siya ang dating naglilingkod na halos ay parang utusan upang makapag-aral lamang. Hindi na siya ang dating probinsyanong pugot ang salawal, balanggot ang sumbalilo, at lilinga-linga sa gitna ng mataong lunsod. Hindi na siya ang bagong dating na kabababa pa lamang sa himpilan ng tren sa Tutuban, isang malamig na umaga ng Disyembre, na dala-dala ang isang maliit na balutan at ipinagtatanong sa balana kung saan naroon ang daang Pennsylvania . . .

    Noon ay patungo siya sa tahanan ng tinurang mayamang propyetaryo. Patungo siya roon upang maglingkod sa pangunahing dahilang iyon ang tanging pagkakataong dumating sa kanyang buhay na kung talagang siya’y papalarin o magkaroon kaya ng
    mabuting kapalaran, ang kahirapan niya ay maaaring mabihisan, bukod pa sa maari pa rin siyang tanghaling isang luwalhati ng sariling nayon – ng nayon ng Pinamulaklakan.

    . . . At makaraan ang mahaba’t mapagsumakit na pakikitunggali sa larangan ng buhay, siya ngayon ay ganap nang mangangalakal. Matapos na matamo niya ang katibayan sa pagiging dalubhasa sa karunungan sa kalakal ay isinakatuparan niya ang kanyang adhika sa buhay. Buhat sa pagiging ahente ng isang malaking bahay-kalakal, siya’y napataas at naging punong-tagapagpalaganap at tagapagbili hanggang sa makapagsarili na, sa bisa ng katamtaman niyang naimpok.

    Saka ngayon ay matunog na ang kanyang pangalan. Hindi lamang naririnig sa bibig ng balana sa pamilihan at sa purok ng kalakal, kundi naririnig pa rin sa radyo. Bukod dito ay nababasa pa rin ang pangalan niya sa mga anunsyo saka sa mga lathalaing may kinalaman sa pangangalakal.

    Kaugnay ng kanyang tagumpay sa larangan ng pangangalakal at pamumuhunan ay ang pagiging pulot-gata niya sa kababaihan. Sa mababang lipunan ay tinitingala siya ng mga nagsishihanga; sa mataas na lipunan ay sinusundan-sundan ng masid ang takbo at galaw niya, na walang iniwan sa isang ibong may malawak na pakpak sa himpapawid.

    Kay amo ng lahat sa kanya. Katulad ng maamong kalapati ang mga kaibigan. Marami siyang papuri’t pahayag ng pakikilugod na naririnig saan mang pagtitipon o pagkakataon. Sa panahong ito ay masasabing ganap na ang kanyang tagumpay sa buhay at dapat na sana siyang magpasalamat sa Lumikha, sa harap ng mga biyayang nagiging maamo sa paglapit sa kanya. Anak mandin siya ng kapalaran – ng magandang kapalaran. Habang lumalaon ay nagiging malaki ang kanyang puhunan, at habang lumalaki ang puhunan, ay nagiging malawak naman ang kanyang nagagalawan.
    Nagiging maliit ang daigdig sa kanya. Kaabutan niya ng palad ang “malalaki” kahi’t sa malayo. Kangitian niya kahi’t sa gabi ang nagkislap-kislap na mga bituin sa langit.

    Datapuwa’t . . .

    Isang hapon ng masayang Nobyembre . . . pagkatapos na pagkatapos ng idinaos na garden party sa Manila Hotel, sa karangalan ng ilang naglibot sa daigdig, ay ano ba’t napansin niya ang damo sa pinaka-bakuran ng otel. Ang damo – malawak na damuhang lungtian – na sa hihip ng hangin buhat sa dagat ay waring lumilikha ng maliliit na along nakakikiliti sa mga binti’t paang napaparaan doon. At ang kaaya-ayang tanawin ay sadyang marilag sa mata ng isang kinapal. Lalo na sa isang alagad ng sining, kung mapagsusuri ang makitid na landas na anak’y listong kayumanggi na pasikut-sikot at nawawala sa dako ng halamanan at ng hanay ng gumamela.

    Ang malaong panahong nakalipas ay “muling nagbalik” sa kanyang alaala. Parang biglang nabuksan ang Aklat ng Kahapon, at sa sarili niya’y naitanong ang ganito:

    — Nag-iisa ba ako sa daigdig na ito? Diyos ko! Ano kaya ang dahilan ng laging biglang pagkakatigatig na naghahari sa aking kaluluwa?

    Tinanaw niya uli ang damo – lungtian, anaki’y dulo ng sibat na hindi patalim, kundi hantungan ng hamog kung umaga at waring alpombra ng katalagahang sumasangga sa init upang ang magpasyal sa dakong iyon ay maging kaaya-aya’t kanais-nais lalo na kung dapit-hapong palubog na ang araw sa Look ng Maynila, na isang tunay na kababalaghan ng Dapit-hapon sa dako ng mga lunsaran.

    Damo! May kahulugan ang damo sa kanyang buhay, marahil ay may malaking kaugnayan pa, sapagka’t ang damong iyan, ang di miminsang bumasa sa kanyang mga paang walang sapin, kinunan niya ng hamog at ipinahid nang minsang magsikip ang kanyang dibdib, baka, kung matuyo naman ang luha ng langit na hamog ding iyan ay siya rin niyang ginagawang banig at hinihimlayan upang makita sa kaitaasan – sa kabughawan – ang langit, ang takbo ng panginorin, ang galaw ng alapaap…

    Napapansin din naman niya ang mga ibong bumabagtas sa kalawakan ng himpapawid, ang wari’y paghahabulan ng mga kinapal na ito na walang kaluluwa hanggang sa maliliit na sanga ng mga punong-kahoy saka ang biglang balantok ng bahaghari sa
    kabughawan, lalo na’t nagbabanta ang ulan sa dako ng kabukiran. . .

    Nguni’t ang mga alalahaning ito’y nauukol sa nakalipas. Sa isang panahon ng kabataan, at palibhasa’y nauukol sa panahon ng kabataan, kaya’t nagbabalik din naman sa isip niya’t alalahanin ang lahat.

    Na siya sa bukirin ng Pinamulaklakan ay malimit na magpastol ng kalabaw sa malawak na bukid na iyon ni Don Ernesto. Na gayong siya’y pastol ay kung bakit si Don Enrique, na marahas at mapusok sa mga kasama, ay naging mapagtangkilik at mapagmahal sa kanya. Sa katotohanan nang siya’y lumaki-laki na’t natutong makialam sa pagtatanin at iba pang gawain sa bukid, siya pa rin ang itinalaga ng mayamang propyetaryo upang maging pinaka-patnugot ng mga magbubukid sa gawain.

    At, anong ganda ng kabukiran, lalo na kung malapit na ang pag-aani! Natatandaan niya na katulong siya sa pagmamandala ng palay, isang araw ng malamig na Disyembre. At sapagka’t siya’y binata na, noon, at natuto nang kumalabit ng gitara, kaya’t natuto na rin namang magsalita nang patula – mga salita ng pusong nag-aatas!

    Paano’y naroon si Seni! — Nakasandig sa isa sa mga mandalang iyon, matapos ang gawain sa maghapon. Kung ano ang ganda ng kabukiran, kung gaano kayaman ng palayan, at kung gaano kadakila ang buhay sa nayon ay siya ring ganda, kayaman ng ugali’t kadakilaan ng puso ni Seni. Nguni’t si Seni’y naiiba sa karaniwan. Para sa kanya simula’t wakas na ng kanyang buhay ang panahon sa kabukiran. Para sa sariling pagpapahalaga, ang daigdig niya’y nasa kanyang nayon at ang dambana’y sariling tahanang halos ay dampa sa bukid.

    Tunay at nakapag-aral si Seni at nakatapos ng high school sa bayang-pangulo ng lalawigan. Tunay din naman at naging Mutya siya ng kagandahan nang ipagdiwang ang Arbor Day sa Pinamulaklakan, na dinaluhan pa ng ilang matataas na puno ng
    pamahalaan kabilang na rito ang kagawaran ng pagsasaka at paghahalaman.

    At, siya, si Seni’y kanyang nilapitan. Nilapitan upang pagparinggan ng isang “kabaliwan ng kabataan”. Nakapagtapos na rin si Edmundo, noon, sa high school at sariwang-sariwa sa kanya ang maririkit na tula ng mga makatang kanluranin, lalo na ni Edgar Allan Poe.

    Nguni’t ibang-iba, noon, ang pakita sa kanya ni Seni. Kung kailan pa inaasahan niya ang malapit na katuparan ng kanyang mga pinapangarap at saka pa niya napansin ang kunot ng noo ng dalaga at ang magagandang matang biglang pinangulimliman ng ilaw sanhi sa paggiti ng luhang nagpupumiglas wari sa pagpatak.

    — Bakit Seni? — ang kanyang naitanong.

    Hindi tumugon ang dalaga.

    — Sinugatan ko ba ang iyong dibdib? — ang muli niyang usisa.

    — Kahimanawari’y patnubayan ka ng Diyos! — ang sa wakas ay namulas sa mga labi ni Seni.

    Hindi nga naglaon at nabatid nang maaga ni Seni na siya (Si Edmundo) pala’y patutungo ng Maynila, sa pasiya ng makapangyarihang propyetaryo. Sa katotohanan, sa ilang matatanda sa nayon ng Pinamulaklakan ay narinig niya ang malungkot na kasyasayan ng buhay ni Edmundo, isang kasaysayang nababalot ng hiwaga. Datapuwa’t wala siyang lakas na makapagsalita! Sukat ang magparinig siya ng magandang hangarin sa binata. Nahahabag siya, ang ating dalaga, sa harap ng mapait na katotohanang nakapaligid sa buhay ni Edmundo. Nahahabag! Sapagka’t lingid kay Edmundo ang mapait na katotohanan . . . at siya, si Seni, na nakababatid ay sadya namang walang lakas ng loob na makapagtapat ng nalalaman.

    Sa likod ng lahat at sa matuling takbo ng panahon ay nalulugod naman si Seni sa mga balitang nanggagaling sa Maynila. Nguni’t sa kaligayahang ito ay nalulungkot din naman siya, hindi sapagka’t di man lamang nadadalaw sa sariling nayon ang kanilang luwalhating si Edmundo, ngayong isa nang tanyag na mangangalakal at mamumuhunan, kundi dahilan sa pangyayaring ano man ang kalagayan ni Edmundo ay sadyang malungkot din ang kanyang buhay.

    Paano’y nakaligtaan ni Edmundo ang dapat na maging laging sariwa sa isip at alaala ng isang tao o isang kinapal sa lupa. Nakakaligtaan nga ang lalong malapit sa kanyang puso, ang lalong dakila sa kanyang kaluluwa! At, nakaligtaang katulad ng damong laging nagpapala sa kanya sa bukid, lalo na’t hihimlayan niya kung kinakausap ang alapaap at sinasangguni ang kabughawang parang malapit na malapit sa kanyang mga mata.

    Ang isang kaisipan ng tao ay hindi maaaring manatili na habang panahon, sapagka’t hindi iyan ang batas ng Katalagahan. Ang batas ay nag-aatas na tumakbo ang mga pangyayri, kasabay ng karaniwang pag-inog ng daigdig. Ganyan ang kaisipan ng Tao. Malikot na tulad ng kanyang guni-guni. Walang makasasansala niyan. Katulad din ng pagiging lungtian ng mga damo, matapos na sumipot at tumubo sa alin mang panig ng lupa o ng bukirin. Maaaring ang damo’y mamamatay – ibig sabihin ay malanta o maunsiyami at mamula-mula o maging ganap na kayumanggi, – gaya ng pagkatuyot ng halaman, nguni’t darating ang araw …
    darating din ang araw na ang damong iyan ay mananariwa.

    Iyan ang nangyari sa kaisipan, katauhan at kaluluwa ni Edmundo nang makita niya ang damo at ang mga bakas ng paa sa wari’y listong landas sa damuhan ng tanyag na otel. Iyan ang biglang nakapagpasariwa sa kanyang alaala ng lahat ng bagay na nauukol sa kanyang kahapon, lalo na nga nang mamasid ang damong sariwa, ang damong lungtian, ang damong anaki’y inaalon ng mabining simoy na nanggagaling sa Look ng Maynila.

    Kaya’t mabilis siyang nagpasiya! Hindi maaaring makapagpatuloy siya sa kanyang landas sa buhay. Maaari siyang nagtatagumpay at nakikita pa ang luningning sa dako pa roon; datapuwa’t hindi siya maaaring hindi lumingon sa pinaggalingan. Iniaatas iyan ng isang mahiwaga, nguni’t mala-bato-balaning kapangyarihang nakapanaig sa karaniwang pasiya ng taong katulad niya. At, noon din, parang ipu-ipo ay nagbagong-akala siya; ipinihit ang mga hakbang sa tahanang nasa isang mataong purok, pinawalang-kabuluhan ang iba pang lakad at pakikipanayam, at sa unang biyahe ng tren, sa kinabukasan, ay sumakay siya’t walang abug-abog na lumunsad sa himpilan ng bayan. Buhat doon ay isang uuga-ugang karitela ang nilipatan niya at nagpahatid sa nayong Pinamulaklakan.

    Sa karitela pa lamang – (nakatatawa!) – ay inalis na ang kanyang sapatos; hinubad ang amerikana’t inalis ang kurbata, at walang inilabi kundi ang pantalong inililis niya ang dulo, na gaya ng dati, na sa biglaang tingin ay waring pugot na salawal. At, anong lamig, nguni’t kasiya-siyang hangin ang sumisimoy, noon, at humahalik nang masuyo sa kanyang mukha!

    Sa daan pa lamang ay dami nang mata ng madla ang buong pananabik na nakamasid sa kanya:

    — Mundong!—ang sigaw ng ilang kababata niya.

    — Ka Mundong! – ang narinig niya sa isang batang kasalukuyang nanunungkit ng kamatsile sa bakuran nina Tikang.

    Minsan pa, sa loob ng gayong katagal na panahon, ay nadama niya ang kasiglahan ng dugo ng kabataang nag-iinapoy pa rin sa kanyang puso. Sa ilang saglit pa’y nagpasiya na siyang bumaba ng karitela, nagbayad sa kutsero na lubhang malaki ang pagtataka: Sapagka’t malayu-layo pa rin ang Pinamulaklakan. Bumaba na nga siya, saka tuluyan nang yapak na lumakad, bitbit ang sapatos, saka pasampay sa kaliwang bisig ang amerikana at kurbatang pinawalang-kabuluhan niya. . . bilang katibayan ng makabagong kabihasnan.

    At siya’y pumaswit. Lumapit ang ilang bata; na sabay-sabay na nagsigawan, nang siya’y makilala.

    — Ka Mundong, narito ang tirador. May pugo na ngayon! Halina sa palayan.

    Parang bata rin, siya’y kumarimot nang takbo, at sumunod sa anyaya ng mga musmos.

    Pagkatapos na mabigyan niya ng kasiyahan ang mga bata ay nagpaalam at sinabing siya’y magtutuloy na. Nguni’t mainit ang araw, at nakaramdam siya ng kainitan. Dahilan diyan, ay naalaala niya ang matandang lungaw – ang anaki’y batis sa lilim ng punong-mangga ni Nana Tale – at doon ay para siyang musmos na naglunoy, at inilapag na parang walang ano man ang mga dala niya sa damuhan.

    Pagkatapos ay isinuot na muli ang kanyang panloob at kamisadentro, nguni’t itinaas din ang pantalon, saka nahiga sa damo. Katulad ng dati ay hinagod ng masid niya ang naghahabulang alapaap saka, sinalamin ang bughaw na langit.
    Hanggang . . . sa siya’y matigatig sa paglapit ng mga yabag, na nang mapaharap sa kanya, ay nakilala niya kung sino.

    — Seni! – ang sa biglang pagkahiya niya’y namutawi sa kanyang labi.

    — Mundong, bakit? – at napangiti, bago pinamulahan ng mukha ang dalaga.

    Lumungkot ang mukha ni Edmundo, bago ibinaba ang tingin na anaki’y isang tunay na binatang-bukid.

    — Dadalaw ako kay Inang kaya’t . . .

    At, naluha rin si Seni, sapagka’t ang ina ni Edmundo ay dating kapit-bahay nila at katuwang sa gawain sa bukid. Isang babaing maganda, mabait, nguni’t sanhi sa karalitaan, ay hindi nakatutol sa hangad ng masakim na propyetario. Inibig nang labag sa batas ang babaing iyon ni Don Ernesto, gayong ang mayamang propyetaryo ay may-asawa; at sa harap ng makasalanang pagibig, matapos na iluwal sa maliwanag si Edmundo, ay hindi naglaon at namatay din ang kahabag-habag na babae. Siya si Aling Clara – si Nana Clara – sa balana sa nayon. Nang mamatay ang tunay na asawa ng mayamang propyetaryo ay saka pa lamang nagpasiya nang buong laya ito. Tinangkilik si Edmundo, ngunit hindi ipinagtapat ang mapait na katotohanan, maliban sa pangyayaring siya, ang binata, ay may inang namatay at may amang hindi malaman kung ano ang naging kapalaran.

    — Kung dadalaw ka kay Nana Clara – ang paliwanag naman ni Seni, — ay kailangang magtungo tayo sa kamposanto. Narito ang lalong maikling bagtasan.

    — Oo nga, hindi ko tiyak ang daraanan. Nalimot ko na! — ang pahimutok na pagtatapat ng binata, bago inakay ang dalaga.

    — Halina kung gayon! — ang anyaya ni Seni

    Sa lilim ng mga punong-kahoy, sa panig ng anaki’y kasukalan sa bukid at sa tumana, sa mga pinyahan at sa isang sapang may uuga-ugang tulay na kawayan, sila’y nagpatuloy sa kanilang lakad, hanggang sa dumating sa matandang libingan ng nayong madaling mapagkilala sa maraming kurus na nagkalat doon.

    Inihatid sila ng kanilang hakbang sa isang ulilang puntod na may katamtamang laking kurus na nakatanda at nakatitik ang pangalan ng ina ni Edmundo.

    — Sariwa pa ang mga bulaklak dito! — ani Edmundo na lipos nang pamamangha.

    — Araw-araw sa umaga’t hapon ay nagdadala ako kay Nana Clara ng bulaklak-gubat at itinuro ang sariwang pumpon sa puntod.

    — Seni ang nakaliligtaan ko’y iyo palang . . . ang sa dikawasa’y nasabi ni Edmundo na lipos ng pagdaramdam.

    — Oo sapagka’t . . . nababatid kong hindi mo malilimot ang iyong nayon.

    — Oo Seni — ang matimyas na pangungusap ng binata, — habang narito ka at habang si Inang ay naririto rin.

    — Kung wala na? — ang parang pagsubok naman ng dalaga.

    — Kung wala na’y . . . hindi maaari! — ani Edmundo. — Habang sariwa ang damo at habang may damo akong namamasid sa balat ng lupa ang ating nayon, ikaw, si Inang . . . ay laging nasa aking puso — nasa aking kaluluwa. Iyan ang dahilan kaya ako’y nagbalik!

    — Tunay? — ang may hamong tanong ni Seni, na pinalagkit pa ang masid sa binata.

    — Ano pang katunayan ang ibig mo? — ang matatag na tanong ng binata, saka masuyong pinagpakuan ng mga mata niyang hilam sa luha.

    Kinagabihan din noon, si Don Ernesto’y madaliang nagpahanda at ibinunyag ang pagdating ng kanyang anak. Sa pagtitipon ay ipinagbunyi ang luwalhati ng Pinamulaklakan! Nguni’t ang pagbubunyi’y lalong naging makasaysayan nang ibunyag ni Edmundo na rin na hihingin niya ang kamay ni Seni sa mga magulang nito.

  • Mapait na Kabihasnan

    Mapait na Kabihasnan

    ni Alberto Segismundo Cruz

    (Isa sa limampung kuwentong ginto na itinampok ni Pedrito Reyes sa kanyang kalipunan ng mga kuwento na may pamagat na “50 Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Kuwentista” (Ateneo Press, 1998. Ang “50 Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Kuwentista” ay inilabas ng Ramon Roces Publications sa kauna-unahang pagkakataon noong 1939.)

    ANG KABIHASNAN AY MINSAN pang nanagumpay sa kabundukan.

    Iyan ang sadyang masasabi sa pagkahikayat sa mga magulang na Igurote na mapababa sa kapatagan ang kanilang mga anak upang diumano’y papag-aralin at “nang mangaging tagapagmulat ng liping dapat na maging bihasa sa pagtatanggol man lamang ng sariling mga karapatan”. ..

    Nang tumulak ang pangkat ng kabataang nahikayat ng mga punong-abala sa kilusang ito ngmisyon ng mga Protestante sa Hilaga ng Luson ay kasama si Pad-leng, ang lalabinganiming taong batang lalaking Igurote, na sa mga pinili ug mga misyonero ay siyang natatangi sa kagandahang lalaki, sa kalusugan ng pangangatawan, at sa pagkakaiba ng kulay na anaki’y isang tubo sa kapatagan.

    Unang hakbang na ginawa ng mga misyonerong Protestante ay ang pagbibinyag sa mga batang Iguroteng ito, at sa kabutihang-palad, si Pad-leng, ay nabinyagan sa pangalang itinumpak sa pagkakatangi niya sa mga kasamahan; “Raul” saka isinunod ang apelyidong “Del Monte” upang magpakilala na siya ay “taong-bundok”.

    Buhat noon, si Pad-leng, gaya rin ng ibang mga kasamahan niya ay nakadadalaw sa kanilang pook na kinamulatan; makalawa sa isang taon, kung natatapos ang mga pagsusulit kung Marso. Sa mga pagliliwaliw na ito ni Pad-leng nagsimula ang pagkagising ng kaniyang puso sa pag-ibig. Halos naniningalang- pugad pa lamang siya at nasa huling baytang pa lamang ng intermedya ay nakakahumnalingan na niya ang maghihiling ng “everlasting” kay Puranti — sa lalabing limahing taong Igurota na sang-ayon sa mga matatandang pantas sa Bontoc, ay ipinaglihi sa bukang-liwayway; kaya’t may himaymay ng ginto ang buhok na malago, may ilaw ang mga mata, at may dugo ng araw ang mga labi, bagama’t kayumangging kaligatan ang balat na tila pangil ng baboy-bundok. . .

    Buhat noon hanggang sa dumating ang mga huling araw ng pag-aaral sa Maynila ni Pad-leng — may pag-aalinlangan man sa pagtatapat ng binata si Puranti — ay ganap pa rin ang kaniyang pag-ibig na nasasalig sa isang pag-asang sa kinabukasan ay sisikat din sa taluktok ng Tarik ang marikit na bukang-liwayway.

    Subali’t ang malaong pagkakahiwalay ng dalawang pusong magsing-ibig ay sadyang mapanganib, lalo na nga sa kalagayan ni Pad-leng at ni Puranti.

    Naroon ang dalagang Igurota sa kabundukan ng Hilaga, na walang nagiging aliwan kundi malas-malasin ang malulusog na binhi ng palay sa libis ng bundok; narito ang binatang Igurote, na sa liwanag ng siyudad na mailaw at sa halimuyak ng masangsang na pabango ng mga liwaliwan at palipasan ng oras, ay nagsisinaya sa kaniyang mga tagumpay; naroon nga si Puranti, na sa sariling himutok at sa imbay ng kamay sa paghahabi pinalilipas ang lalong malulungkot na sandali sa pag-aalaala sa kawagasan ng pag-ibig ni Pad-leng. . . At, bukod dito. . . si Pad-leng, ang ngayon ay kilala nang si Raul del Monte sa loob at labas ng campus ng Unibersidad ng Pilipinas, ay masasabing baliw na baliw sa kaniyang mga tagumpay.

    Kailan lamang ay nakamit niya ang katibayang “poet-laureate” sanhi sa kaniyang pagkadalubhasa sa paglikha ng tula sa kalikasan na siyang naging paksa niya sa ipinagtagumpay na tula sa timpalak-panitik na binuksan ng “Literary Guild” at itinaon sa kaarawan ng unibersidad ; kamakaiian naman, ay nakamit din niya ang medalyang ginto sa paghahagis ng tandus o “javelin”; at kailan nga lamang ay muntik na niyang masira ang rekord sa isang daang yardang layo sa Dulong-Silangan nang siya ay sumali sa takbuhang nilahukan ng Unibersidad ng Pamahalaan upang hirangin ang mga ipadadala sa Olimpiyada noon. O! kay inam gunitain ang pangyayaring yaon, nang tumakbo si Raul, na animo’y tumutugis ng baboy-bundok. . . subali’t hindt nagunita ng kaniyang mga katunggali sa paligsahan, na siya ay isang tunay at wagas na “taong bundok”.

    Sa bawa’t baytang ng tagumpay ni Pad-leng sa pag-aaral dito sa Maynila ay naging malaki mandin ang agwat sa pag-ibig niya kay Puranti. “Ang pag-ibig”, anang isang pantas, “ay pabangong lumilipas”. At masasabi naman nating ang pag-ibig na hindi nadidilig ng pagniniig at pagsusuyuan ay sadyang nalalaing.

    Paano’y talagang sa pagitan niya at ni Puranti ay may isa nang “gayumang” nakahadlang ngayon. May kumatlo na sa “triangulo” ng pag-ibig. Dati ay si Pad-leng at si Puranti — silang dalawa lamang; ngayon ay may isa nang dilag, sa katauhan ni Rita Miraflor.

    Iyan ang tunay na dahilan kung bakit si Raul ay hindi na nagnais na magliwaliw sa tanging dalawang pagkakataon sa loob ng panahon ng kaniyang pag-aaral sa unibersidad, sa taun-taon. Bagama’t ang mga magulang niya sa kabundukan, gaya rin ni Puranti, ay nagsisipanabik na siya ay makapiling at makaulayaw.

    Nagbago na ngang ganap si Raul. Sa palagay ng maraming nakababatid sa kaniyang kabuhayan, ni ayaw na siya ngayong matawag na Igurote. Ayaw na niyang masasabing siya ay isang “taong bundok”. Hindi na niya ibig marinig na siya ay galing sa Bontok. At maliban sa paminsan-minsang bugso ng damdaming likha ng pagmamahal sa magulang at sa kinamulatan, si Raul ay naging tunay na Raul nang napaalipin sa isang birhen ng Katagalugan.

    Sa campus, sa mga pagtitipon, sa mga palabas-dulaan, sa mga sayawan, sa mga piknik, si Raul del Monte at si Rita Miraflor ay napapansin ng madlang hindi nagkakalayo sa pag-uusap. Paano’y sadyang sila ay magkasuyo na, magkasintahan na, at sa bibig ng isang palabirong kaibigan nila, “minsan pa”, diumanong “nagtagumpay ang kapatagan sa kabundukan”. . .

    Subali’t sa Banawe, Bontok, ay isang dalagang Igurota ang naghihinagpis. Sang-ayon sa mga matatandang pantas doon, si Puranti ay nababaliw na. Paano’y malimit itong makitang lumuluha sa taluktok ng bundok, kung minsan, na nakatitig sa mga zig-zag a patungong Maynila ang paningin; kung minsan naman, ay napapansin ng mga kamag-anak na rin ni Puranti na ito ay nagbububulong at waring kinakausap ang mga dulo ng pinong tila sadyang nakikipaghalikan sa simoy ng hangin.

    O! Kabihasnan. . . kabihasnan! — ang halos ay isinisigaw ng damdamin ni Puranti na tila inihahanap ng katugunan sa mga yungib ng Bontok.

    Datapwa’t kinakailangan pa niyang gawin ang huling pagsubok. Ito ang sumilid na bigla sa kaniyang isip. Susubukin niya kung talagang siya ay umaasa nang wala siyang inaasahan.Kahuli-hulihan ngang tangka sa pagtiyak sa damdamin ni Pad-leng ang isinagawa ni Puranti. Isang maliit na tungkos ng mga “everlasting” na pinili niya sa mga pili ang maingat na inilagay sa isang maliit na buslo at sa pamamagitan ng isang amerikanang kakilala niya at nagkataong paluwas noon sa Maynila, ay ipinakiusap na paabutin lamang ang alaalang yaon kay Pad-leng.

    Nag-ukol din ng malaking pagsasakit si Puranti upang maisagawa ang gayong pagpapahatid ng mga “everlasting”. Namuhunan siya ng mabuting pakikisama sa nasabing amerikana, na isa ring alagad ng misyon ng mga Protestante sa Hilagang Luson; naglingkod siya rito sa pamamagitan ng pagiging paturo o “guide” sa pagdalaw sa mga liblib na pook ng lalawigan ng mga Igurote, maipadala lamang ang huling alaala ng pusong “limutin man yata ay hindi makalimot sa isang minamahal”.

    Subali’t nagdaan ang mga araw, lumipas ang mga linggo, at parang laho lamang na naparam ang mga pangyayari sa isang buwan.. . at hanggang sa mapabalik na muli sa Banawe ang misyonerang amerikana, ay hindi man lamang nakatanggap ng kahi’t anong uri ng “ganti” ang kahabag-habag na si Puranti.

    Paano’y haling na haling sa mga tagumpay si Pad-leng, ang binatang Igurote, sa tagumpay na halos ay nagiging pampasigla sa kaniyang pamimintuho at maalab na pagmamahal sa isang “co-ed” — kay Rita Miraflor, ang Birhen ng Katagalugan alinsunod sa mga tula sa pag-ibig ni Raul del Monte.

    Sa di-kawasa ay natapos din ang panahon ng pag-aaral. Isa nang manggngamot ngayon si Raul del Monte — ang binatang Igurote, na sa kaniyang kinamulatan ay lalong kilala pa rin sa pamagat na Pad-leng. Halos pagkatapos na pagkatapos matanggap niya ang katibayan, ay hiningi na niya agad sa mga magulang ni Rita ang kamay nito, yamang siya ay mapapatakda sa paglilingkod sa isang pagamutan ng mga misyonero sa Bontok. Tawag ng tungkuling hindi maaaring di niya dinggin, at kaway ng kinamulatang-lupa ang kaniyang namamasid, kaya’t kailangan niyang talikuran ang siyudad ng mga ilaw; ang kahanga-hangang Maynila.

    Buwang mabulaklak nang idaos ang kanilang biglang-biglang pag-iisang-dibdib; at pagkaraan nang mahigit na isang linggong paghahanda, si Raul at si Rita, taglay ang lahat ng kanilang mga kailangan sa isang tahanan, ay umakyat na sa kabundukan ng Bagyo, upang buhat doon ay tumungo sa Banawe, sa pagtugon sa tawag ng tungkulin at sa pagharap sa tunay na pakikibaka sa buhay.

    Napasinayaan na ang pagamutan sa Banawe ng mga di binyagan. Ang lahat ng mga Igurote ay inanyayahan pa, at naging isang dakilang pagkakataon ang pagbabalik doon ng isang dalubhasa at magiting na kalipi nila, na ayon sa puno ng lalawigang-bulubundukin, ay nagbalik upang maglingkod sa kinamulatang lupa at maging ilaw na patnubay ng mga kababayan niyang naghahanap at nangangailangan ng liwanag.

    Subali’t tumbalik ang pagkakataong nasabi sa tunay na dinaramdam ni Puranti. Umalis si Pad-leng na noon ay taglay “ang kaniyang pag-ibig at pananalig, subali’t nagbalik itong wari’y may pasalubong na dita upang ipalasap sa kaniyang naghihirap nang kaluluwa.

    At sa paghihingalo ng araw kung dapit-hapon sa Banawe, na ang mga huling sinag na ginto ay nagdudulot ng maputlang dilaw sa mga dulo ng pino, ay parang may nababasa si Puranti. Nasisinag niya ang batas sa kabundukan. Ang pag-ibig na hindi maipagtagumpay ay talagang dapat na humarap sa kamatayan. At para sa kaniya, anong timyas ng humimlay sa lilim ng pino at sa harap ng mga tiwangwang na taniman ng pa lay sa libis ng bundok!. . .

    Iyan ang kaisipang nasisilid sa nahihibang nang pag-iisip ni Puranti, at kung nang hapong yaon, ay tila may nagbabalang bagyo sa dakong Hilaga, ay may nangyayari na ring bagyo na ibig magahak sa mga pitak ng kaniyang dibdib na sugat-sugatan na sa dalmhati.

    Si Puranti ay may handa nang palaso. Palasong ang talim o tulislis ay pinahiran pa ng dagta ng ugat ng isang kahoy na may lason. Natitiyak noon ni Puranti na buhat sa taluktok ng bundok ay maaabot ng kaniyang palaso ang dibdib ng magkasing umagaw sa kaniyang kaligayahan. Tuwing dapit-hapon ay nababatid niyang ang magkasi ay nagsisipagpasyal sa libis, na walang gaanong agwat buhat sa pagamutan na siya rin nilang kinatatahanan, at doon nila inuulit ang awit ng dalawang kalapating pumaimbulong sa kaluwalhatian.

    O! Inaasam-asam ni Puranti na dumating ang dapit-hapon sa kinabukasan. Papatay siya, at siya man naman ay dapat nang humarap sa kamatayan. lyan ang batas sa kabundukan. Iyan nng sariling sigaw ng kaniyang damdamin upang makapaghiganti.

    At kinabukasan. . .

    Kay lamlam ng dapit-hapong yaon!

    Namumutla na sa pagbihingalo ang mga huling sinag ng iraw, ay kung bakit ang mga dulo ng pino ay tila pa hinahalikan ng maiitim na ibong bihirang makita sa mga pook na yaon.

    Sugo na kaya yaon ni Kamatayan? Yaon na nga kaya ang hudyat ng kasaliwaang-palad ni Raul at ni Rita sa kamayng Igurotang maghihiganti sa kasawian ng pag-ibig?

    Aywan natin! Subali’t ang totoo ay nakahanda na si Puranti. Nakapanganlong siya sa isang malaking tipak ng batong-buhay na nagagalaw ng kaniyang matipunong bisig, sapagka’t ang batong yaon ay nasa bingit ng isang bangin.

    Nakita ni Puranti buhat sa kaniyang kinalalagyan ang magkapiling na magkasi. Ibibinit na sana ang palaso sa busog na hawak. . .

    Subaii’t. . . bigla siyang nanggipuspos. . . Nawalan ng lakas ang kaniyang mga bisig. . .
    O! Ang lalaking yaon: ang pangarap at pag-ibig ng kanyang kabataang naghingalo sa kasawian ng kanyang pag-ibig!

    Hindi! Hindi! Hindi ang kamay niya ang maaaring pumatay. At parang baliw, ang buong bigat ng katawan niya’y nanabagsak sa bato sa bingit ng bangin, hanggang sa siya ay tuloy-tuloy na dumagusdos na parang isang tipak lamang ng lupang nalaglag buhat sa taluktok ng mataas na bundok. At kung anong himala ng kapalaran, ang batong-buhay ay sumunod pa sa kaniya at waring pabigat sa kaniyang katawan na humantong sa kapatagang malapit sa pagamutan.

    At naganap ang Tadhana: mamatay o pumatay! Walang lakas upang patayin ni Puranti ang lalaking yaon, subali’t ang Tadhana ang lalong makapangyarilian kay sa kaniya, at ang batas ng kabundukan ay sadyang dapat na maisakatuparan.

    Ang sawing pag-ibig ay dapat humarap sa kamatayan!

    Nang dumating ang magkasi sa pook ng sakuna, at isagawa ni Raul del Monte ang mga unang paglalapat ng lunas, ay namasid niya nang buong liwanag ang mukha ni Puranti, na nakangiti pa sa kaniya, bagama’t tigmak sa sariling dugo.

    “Puranti”, ani Raul.

    Kiang-wan. . . kiang-wan! . . Wala na, wala na!

    At pinangiliran na lamang ng luha si Raul at gayon din ang mga kubabayan niyang nagkagulo sa pook ng sakuna.

    Ang mga pantas sa Banawe ay nagsiiling na lamang.

    Sadyang malupit ang kabihasnan! Anila.

  • Saranggola

    Saranggola

    ni Efren R. Abueg

    Rading, Paquito, Nelson… pakinggan ninyo ang kwentong ito. May isang lalaki, walong taong gulang. Humiling siya sa kanyang ama ng isang guryon.

    “Anak, ibibili kita ng kawayan at papel. Gumawa ka na lamang ng saranggola,” wika ng ama.

    “Hindi ako marunong, Tatay,” anang batang lalaki.

    “Madali ‘yan. Tuturuan kita,” sabi ng ama at tinapik sa balikat ang anak.

    Bumili nga ito ng papel at kawayan at tinuruang gumawa ng saranggola ang anak.

    “Tatay… ibili mo ako ng guryon,” sabi uli ng bata sa ama.

    “Anak, pag-aralan mo na lamang mapalipad ang saranggola nang mataas. Madadaig mo ang taas at tagal ng lipad ng guryon!”

    Nainis ang bata sa kanyang ama.

    “Kinakantyawan ako sa bukid, Tatay,” anang bata. “Anak daw ako ng may-ari ng kaisa-isang istasyon ng gasolina sa bayan… bakit daw kay liit ng saranggola ko!”

    Nagtawa ang ama at tinapik na naman sa balikat ang anak.

    Tinuruan nga ng ama ang bata ng higit na mataas na pagpapalipad ng saranggola, pati na ang pagpapatagal niyon sa kalawakan. Nalagpasan nga ng saranggola niya ang ilang guryon. Ang iba namang guryon na lumipad nang pagkataas-taas ay nalagutan ng tali at nagsibagsak, bali-bali ang mga tadyang, wasak-wasak.

    Minsan sa pagpapataas ng lipad ng kanyang saranggola, napatid ang tali niyon. Umalagwa ang saranggola. Hinabol nilang mag-ama iyon at nakita nilang nakasampid sa isang balag.

    “Tingnan mo…hindi nasira,” nagmamalaking wika ng ama. “Kung guryon ‘yan, nawasak na dahil sa laki. Kaya tandaan mo, ang taas at tagal ng pagpapalipad ng saranggola ay nasa husay, ingat at tiyaga. Ang malaki ay madali ngang tumaas, pero kapag nasa itaas na, mahirap patagalin doon at kung bumagsak, laging nawawasak.”

    Nakalimutan na ng batang iyon ang tungkol sa saranggola nang maging katorse anyos siya. May iba na siyang hilig; damit, sapatos, malaking baon sa eskwela, pagsama-sama sa mga kaibigan.

    “Anak… dalawang sapatos lamang ang gagamitin mo sa pasukang ito. Kung masira, saka na papalitan. Magtitipid ka rin sa damit at huwag kang gasta nang gasta. Hindi madaling kitain ang salapi,” pagunita ng kanyang ama.

    “Kawawa nga ako, Tatay,” katwiran ng bata. “Anak ako ng tanging may-ari ng istasyon ng gasoline at machine shop sa bayan natin, pero ang itsura ko… parang anak ng pobre.”

    “Disente ka naman, a. Malinis ang damit mo, husto ka sa mga gamit sa eskwela at husto ka rin sa pagkain. Hindi dapat sobra sa mga pangangailangan ang isang kabataang tulad mo. Hindi natututuhan ang pagtitipid.”

    Hindi naunawaan ng bata ang paliwanag ng ama at nagkaroon siya ng hinanakit dito. Tinipid siya sa lahat ng bagay, hinigpitan sa pagsama-sama sa mga kabarkada at madalas, pinatatao sa istasyon ng gasolina at pinatutulong sa machine shop kung araw na walang klase.

    “Pinahihirapan talaga ako ng Tatay,” puno ng hinanakit ang tinig na pagsusumbong ng bata sa ina. “Kaisa-isa pa naman akong anak, ang turing niya sa akin… parang ampon!”

    “Hindi totoo ang sinabi mo, anak,” malumanay na sansala ng kanyang ina sa paghihinanakit niya sa ama. Alam mo mataas ang pangarap niya para sa iyo.”

    “Bakit? Ano ang gusto niya para sa akin?”

    “Ibig niyang maging mahusay kang inhinyero.”

    Hindi na kumibo ang bata at hindi rin napawi ang hinanakit niya sa ama. Gayunman, hindi siya makapaghimagsik dito. Iginagalang niya ito at pati ang kanyang ina.

    Nang labingwalo na siya napagkaisahan ng kanyang mga barkada na kumuha sila ng commerce.

    “Mabuti ‘yon. Magsama-sama tayo sa isang unibersidad,” mungkahi ng isa sa limang magkakaibigan.

    Pumayag siya. Ngunit nang kausapin niya ang ama, tumutol ito.

    “Inoobserbahan kita, anak. Hindi mo hilig ang commerce. Palagay ko mechanical engineering ang bagay sa iyo. Tanungin mo ang iyong ina.”

    Masama man ang loob, sumangguni pa rin siya sa ina.

    “Hindi sa kinakampihan ko ang iyong ama, anak. Pero sa tingin ko….engineering nga ang bagay sa iyo. May machine shop tayo…sino ba ang magmamana niyon kundi ikaw?”

    Nasunod ang kanyang ama at napilitan siyang tumiwalag sa kanyang barkada. Napag-isa siya sa pag-aaral sa lunsod at ngayong binata na siya, hindi na hinanakit kundi paghihimagsik sa ama ang kanyang nadarama.

    “Ayoko nang mag-aral, Inay,” sabi niya sa kanyang ina nang dalawin siya nito sa dormitoryo. “Tipid, pagtitiis, kahihiyan lamang ang dinaranas ko rito. Bakit ako ginaganoon ni Itay? Gusto ba niya akong pahirapan?”

    Pinayapa ng kanyang ina ang kanyang kalooban.

    “Magtiwala ka sa amin, anak. Wala kaming gagawin ng iyong ama kundi makabubuti sa iyong hinaharap.”

    “Makabubuti ba sa akin ang magmukhang basahan at magdildil ng asin?”

    “Makabubuting matuto kang magtiis. Pagkatapos mo naman ng pag-aaral at magtagumpay ka sa hanapbuhay, magiging magaan sa iyo ang lahat.”

    “Bakit kailangan ko pang magtagumpay? Hindi ba’t ipamamana ninyo sa akin ni Itay ang ating kabuhayan?”

    “Totoo iyan, anak…pero paano mo mapauunlad ang ating kabuhayan kung hindi mo alam ang mga hirap sa pagtatayo niyan?”

    Hindi maintindihan ng binata ang sinabi ng kanyang ina, subalit naisip niyang makapagtitiis pa siya. Isinubsob na lamang niya ang ulo sa pag-aaral.

    Nakatapos naman ng inhinyerya ang binata. Hindi siya pangunahin sa klase, ngunit sa pagsusulit sa gobyerno, nakabilang siya sa nangungunang unang dalawampu.

    “Ngayon anak…bibigyan kita ng limampung libong piso. Gamitin mo sa paghahanapbuhay,” sabi ng kanyang ama nang makuha na niya ang lisensiya bilang mechanical engineer.

    Namangha siya.

    “Akala ko…ako na ang hahawak ng ating machine shop pagkatapos ko ng pag-aaral,” nawika niya sa ama.

    “Bata pa ako, anak. Kaya ko pang mag-asikaso ng hanapbuhay na iyan. Saka ibig ko, magpundar ka ng sariling negosyo.”

    “Bakit pa, Itay? Mayroon na tayong negosyo.”

    “Mabuti na ‘yong makatindig ka sa sarili mong mga paa.”

    Tinanggap niya ang halagang ipinagkaloob ng ama. Humiwalay na rin siya ng tirahan sa mga magulang.

    “Alam kong malaki ang hinanakit mo sa iyong ama. Gayunman, ibig kong isaisip mong, ang kinabukasan mo ang lagi niyang inaalala.”

    Ngunit may lason na sa kanyang isip. Hindi na siya nanininwala sa sinabi ng kanyang ina. Naging lubos ang paghihimagsik niya sa kanyang ama.

    Nagtayo siya ng isang machine shop sa dulo ng kanilang bayan. Agad-agad siyang pinagsadya ng kanyang ama.

    “Bakit hindi pa sa ikatlong bayan ka nagtayo ng machine shop? Magkukumpetensiya pa tayo rito.”

    “Akala ko ba’y bahala na ako sa buhay ko, Itay?”

    Natigilan ang kanyang ama. Saka napapailing, nag-iwan pa ito ng salita bago lumisan.

    “Kung sa bagay…mabuting magturo ang karanasan!”

    May isang taon ding nagtiyaga ang binata sa pamamahala ng kanyang maliit na machine shop sa dulong bayan. Kakaunti ang kanyang parokyano dahil higit na malaki ang machine shop ng kanyang ama at mahusay ang mga tauhan nito. Nagkautang tuloy siya ng labindalawang libo sa mga kinukunan niya ng materyales. Nang hindi siya makabayad, inilit ang mga makinang kanyang ginagamit.

    “Nabigyan na kita ng pang-umpisang puhunan. Hindi ka sumunod sa mungkahi ko na umiwas sa kumpetisyon. Subukin mo namang maghanap ng puhunan sa sarili mong pagsisikap.”

    Noon nagsiklab ang binata. Nakalimutan niya ang paggalang sa mga magulang. Dumabog siya sa harap ng ama.

    “Ano kayong klaseng ama? Bakit ninyo natitiis ang inyong anak? Kasiyahan ba ninyong makitang nahihirapan ako?”

    “Ibig kong matutuhan mo ang lahat ng nangyayari sa buhay na ito. Hindi madali ang mabuhay sa mundo, anak.”

    “Hindi ba kaya may mga magulang ay para gumaan ang buhay ng mga anak?”

    “Ang ikagagaan ng buhay ng mga anak ay wala sa mga magulang kundi nasa mga itinuturo nila sa mga ito.”

    Nagkahiwalay ng landas ang mag-ama. Naglayas ang binata nang hindi man lamang nagpaalam kahit sa ina. Nagpalipat-lipat sa kung saan-saang trabaho hanggang pagkaraan ng limang taon, nakaipon siya ng sampung libong piso at nakabili ng maliit na machine shop. Kumuntrata siya ng paggawa ng tambutso sa isang auto assembler at kumita siya nang malaki. Sa loob ng tatlong taon, gumawa na rin ang machine shop niya ng mga partes ng kotse.

    Ang dugo ay dugo, anang kasabihan, kaya dinadalaw ang lalaki ng kanyang may edad nang ina. Isang araw, dumating ito sa kanilang bahay, gaya ng dati may pasalubong sa tatlong apong lalaki.

    “Ibig ng Itay mong makita ang kanyang mga apo, pero hindi siya makadalaw dahil sa hinanakit mo,” sabi ng kanyang ina.

    “Kinalimutan ko na, Inay, na nagakaroon ako ng ama!”

    Umiyak ang kanyang ina.

    “Kung gayon… baka hindi na kayo magkita, anak!” nawika nito bago umalis.

    Sa tindi ng hinanakit, hindi pa rin niya binigyang-halaga ang bulalas na iyon ng kanyang ina. Nagpakagumon siya sa trabaho, naghanap pa ng mga bagong kontrata hanggang sa loob pa ng dalawang taon, kilala na ang kanyang machine shop sa Pasay. Isang araw, hindi niya dinatnan ang kanyang asawa at tatlong anak sa bahay.

    “Nasaan sila?” usig niya sa katulong.

    “Umuwi ho uli sa probinsya. Patawirin daw ho ang inyong ama!”

    “Umuwi uli? Bakit, lagi ba sila roon?”

    Tumango ang tinanong na katulong.

    “May dalawang ulit na hong regular silang nagpupunta roon. Dinadalaw ang inyong matanda.”

    May poot na sumiklab sa kanyang dibdib. Nanlambot siya sa galit. Ngunit sa pagkaunawang patawirin ang kanyang ama, nagbalik sa kanyang isip ang masasayang sandali sa piling nito. Nagunita niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.

    “Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas, nasa husay, tiyaga at ingat iyan!”

    Magdamag siyang hindi mapalagay. Lagi niyang naiisip ang sinabing iyon ng kanyang ama. Kinabukasan, sakay ng kanyang kotse, nagbalik siya sa bayang sinilangan.

    “Patay na siya!” bulalas ng kanyang asawang umiyak sa kanyang dibdib.

    May nabugnos na moog sa kanyang puso. Nahalinhan ng pagsisisi ang hinanakit. Nilapitan niya ang ina at sa pagkakayakap dito, umiyak siya nang marahan, kasamang nagdadalamhati ang lahat ng himaymay ng kanyang laman.

    “Huwag kang umiyak… namatay siyang walang hinanakit sa iyo.” Anas ng kanyang ina.

    “Wa-walang hinanakit?”

    “Oo, anak… dahil natupad na ang pangarap niya. Nasa itaas ka na. At sabi niya sa akin, pati sa asawa mo… nakatitiyak siya na makapananatili ka roon.”

    Nang lapitan niya ang kabaong ng ama at tunghayan ang mga labi nito, parang lumundag ang kanyang puso at humalik sa pisngi ng yumao. Kasunod niyon, nagunita na naman niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.

    “Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas. Hayaan mo… tuturuan kita!” paliwanag na ama.

    Rading, Paquito, Nelson…tandaan ninyo ang kwentong iyan. Kwento ‘yan namin ng inyong namatay na lolo. Kwento naming dalawa.

  • Si Mabuti

    Si Mabuti

    ni Genoveva Edroza-Matute

    Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan ng sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero.

    Naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan. Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo. at sa kanyang buhay. Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanya ng pansin. Mula sa pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga pananagutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya. Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang mga pumalit sa mga salitang hindi niya maalala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin.

    Sa isang paraang alirip, iyon ay nagiging salaminan ng uri ng paniniwala sa buhay. “Mabuti,” ang sasabihin niya, “ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito. Mabuti, Mabuti!” Hindi ako kailanman magtatapat sa kanya ng anuman kung di lamang nahuli niya akong lumuluha nang hapong iyon, iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin.

    Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugso-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan,pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan. “Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may suliranin, mabuti sana kung makakatulong ako.” Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan, ay ibinilang kong kahihiyan at kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan. “Hindi ko alam na may tao rito . . . naparito ako upang umiyak din.” Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi. Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na lamang ang tinig sa pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo’y siyang pinakamabigat. Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat. Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na ng bigla kong makaalala. “Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo nga pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyon na iniiyakan ko?” Tumawa siya nang marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na . . . iniiyakan natin. . . nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “Sana’y masabi ko sa iyo, ngunit ang suliranin. . . kailanman. Ang ibig kong sabihin ay . . . maging higit na mabuti sana sa iyo ang. . .buhay.”

    Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahihiyain niyang mga ngiti sa amin, sa pagkalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon. . . “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid namin ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyong. . . aming dalawa. At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang mga sinsabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno nya ng maririkit na guni-guni an gaming isipan at ng mga tunog ang aming mga pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay.

    Bawat aralin namin sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y humanga. Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan. Ang pananalig niya sa kalooban ng Maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan. Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral namin sa kanya, Ngunit bumabanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak. . . nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral namin ang nakababatid na siya’y hindi balo. Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki ng mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon niyang baka siya ay hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang sa mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit niyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa man ay nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.

    Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon niya’y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak at isang mabuting manggagamot. Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: “Gaya ng kanyang ama!” Narinig ng aming guro ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita. “Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi. Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan. Matitiyak ko noong may isang bagay ngang mali siya sa buhay niya. Mali siya nang ganoon na lamang.

    At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang puso ko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng ginawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang tao man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha. Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tiningnan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang pagnginig ng mga labi at sinabi ang ganito: “Mabuti.. mabuti gaya ng sasabihin nitong iyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan.”

    “Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin”. Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mgan lihim na kalungkutan ay nakakilala ng mga lihim na kaligayahan. At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng mukha niya, muli niyang ipinamalas sa amin ang mga natatagong kagandahan sa aralin namin sa panitikan. Ang kariktan ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay. At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyon marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat.

  • Ang Kasulatan ng Banyaga

    Ang Kasulatan ng Banyaga

    ni Liwayway Arceo

    Mula nang dumating is Fely kangina ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na iyon na tila ngayon lamang siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon – kung Araw ng mga Patay at kung Pasko. O napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At maging sa mga sandaling ito na wala nang kumukibo sa tumitingin sa kanya ay iyon din ang katanungang wari ay nababsa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping ngiting may lakip na lihim na sulyap.

    At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang likuran. Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang kanyang buhok

    Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang ipinambasa sa buhok niya bago iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibang nang ulitin ang tanong.
    “Serbesa ba ‘kama, bata ka, ha?”

    Nguniti siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito, idinigtong niya ang paliwanag. “Hindi masama’ng amoy, Nana.”
    Ngayon, sa kanyang pandinig ay hindi nakaila sa kanya ang pagtuon ng tingin nito sa kanyang suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa gilid ng kanyang balikat at tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang malusog na dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na saya. Sa laylayan naito na may gilit upang makahakbang siya.
    “Ibang-iba na ngan ngayon ang…lahat!” at nauulinigan niya ang buntung-hiningang kumawala sa dibdib ng matandang ale.

    Napangiti siya. Alam niyang iyonm din ang sasabihin ng kanyang ina kung nakabuhayan siya. Pati ang kanyang ama na hindi naging maligoy minsan man, sa pagkakaalam niya, sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng kanyang Kuya Mente. At ang apat niyang pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita siya kanginang naka-toreador na itim at kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula ulong may taling bandanna, sa kanyang salaming may kulay, hanggang sa kanyang mag mapulang kuko sa paa na nakasungaw sa step-in na bukas ang nguso.

    “Sino kaya’ng magmamana sa mga pamangkin mo?” tanong ngayon ng kanyang Nana Ibang. “Ang panganay sana ng Kua mo…matalino…”
    “Sinabi ko naman sa Inso…ibigay na sa ‘kin papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisan naman ako. Ang hirap sa kanila…ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni Inang…noon…kung natakot ako sa iyakan…” Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang hindi maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa kanyang dibdib.

    “Tigas nga naming iyakan nang lumawas ka…” ayon ni Nana Ibang.
    “Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba ‘ko sa timpalak na ‘yon kung hindi ako nakasisigurong kaya ko ang eksamen?” Malinaw sa isip ang nakaraan.
    Hindi sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumaping panyolito sa kanyang batok. “Pinapawisan ka an, e. Ano bang oras ang sabi no Duardo na susunduin ka?”

    “Alas-tres daw. Hanggang ngayon ba’y gano’n dito?” at napangiti siya. “Ang alas-tres, e, alas-singko? Alas-kuwatro na, a! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na rito ang kotse ko. Ako na ang magmamaneho. Sa Amerika…”
    “Naiinip ka na ba/” agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinabi.
    “Hindi sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan. Bakit ay gusto kong makabalik din ngayon sa Maynila.”
    “Ano? K-kahit gabi?”

    Napatawa si Fely. “Kung sa Amerika…nakapunta ako at nakabalik nang nag-iisa, sa Maynila pa? Ilang taon ba ‘kong wala sa Pilipinas? Ang totoo…”
    Boglang nauntol ang kanyang pagsasalita nang marinig niya ang mahinang tatat ni Aling Ibang. At nang tumingin siya rito ay nakita niya ang malungkot na mukha nito. At biglang-bigla, dumaan sa kanyang gunita ang naging anyo nito nang makita siya kangina.

    Ang pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang gawing pagsalubong sa kanya. At nang siya ay ipaghain ay hindi siya isinabay sa kanyang mga pamangkin. Ibinukod si ng hain, matapos mailabas ang isang maputi at malinis na mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang sabihin niyang maghuhugas siya ng kamay. Ipinagpasok siya ng palanggana ng tubig, kasunod ang isa niyang pamangking sa pangaln at larawan lalo niyang kilala sapagkat patuloy ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Iba ang may dala ng platitong kinalalagyan ng sabong mabangong alam niyang ngayon lamang binili. Nakasampay sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amay moras. At napansin niyang nagkatinginan ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay siya.

    “Ayan naman ang kubyertos…pilak ‘yan!” hiyang-hiyang sabi ng kanyang hipag. ” ‘Yan ang uwi mo…noon…hindi nga namin ginagamit…”
    Napatawa siya. “Kinikutsara ba naman ang alimango?”
    Nagsisi siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang mukha ng kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng paumanhin. Kung hindi ka ba nagbago ng loob, di sana’y nilitson ang biik sa silong, kasi, sabi…hindi ka darating…

    Wala nga siyang balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip niya – ngayon lamang gagawin ang gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High School. Waring hindi niyan matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng Samahan ng mga Nagtapos sa kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang mga titik ng liham ng pangulo ng samahan. Parangal sa unang babaing hukom na nagtapos sa kanila.

    Napakislot pa si Fely nang marinig ang busina ng isag tumigil na sasakayan sa harapan ng bahay. Alam na niya ang kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang ihatid siya sa bayan, sa gusali ng paaralan. Hindi muna niya isinuot ang kanyang sapatos na mataas at payat ang takong.
    “Sa kotse n,” ang sabi niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya masabi: Baka ako masilat…baka ako hindi makapanaog sa hagdang kawayan.
    Ngunit sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya ng matanda. Kasunod niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse ay maraming matang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay hawak ng isang lalaki, na nang mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil. Napamaang.

    “Ako nga si Duardo!”
    Pinigil niya ang buntung-hiningang ibig kumawala sa kanyang dibdib. Nang makaupo na siya ay iniabot ni Nana Ibang ang kanyang sapatos. Yumuko ito at dinampot naman ang tsinelas ba hinubad niya. Isinara ni Duardo ang pinto ng kotse at sa tabi ng tsuper ito naupo.
    “Bakit hindi ka rito?” tanong niya. Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. “May presidente ba ng samahan na ganyan?”

    “A…e…” Hindi kinakailangang makita niyang nakaharao si Duardo. Napansin niya sa pagsasalita nito ang panginginig ng mga labi. ‘A-alangan…na ‘ata…”
    Nawala ang ngiti ni Fely. Sumikbo ang kanyang dibdib. Si Duardo ang tanging lalaking naging malapit sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang kanilang pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan ng mga Nagtapos.
    “Natutuwa kami at nagpaunlak ka…” walang anu-ano’y sabi ni Duardo, “Dalawampu’t dalawang taon na…”

    “Huwag mo nang sasabihin ang taon!” biglang sabi ni Fely, lakip ang bahagyang tawa. “Tumatanda ako.”

    “Hindi ka nagbabago,’ sabi ni Duardo. “Parang mas…mas…bata ka ngayon. Sayang…hindi ka makikita ni Menang…”

    “Menang?” napaangat ang likod ni Fely.

    “Kaklase natin…sa apat na grado,” paliwanag ni Duardo. “Kami ang…” at napahagikhik ito. “Kamakalawa lang isinilang ang aming pang-anim…’

    “Congratulations!” pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya biglang naalinsanganan. Tila siya inip na inip sa pagtakbo ng sasakyan.

    “Magugulat ka sa eskuwela natin ngayon,” patuloy ni Duardo nang hindi na siya kumibo. “Ibang-iba kaysa…noon…”

    “Piho nga,” patianod niya. “Hindi naman kasi ‘ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako. Lagi pa ‘kong nagmamadali…”

    “Pumirmi na nga rin kami sa bayan kaya hindi naman tayo nagkikita…”

    Bagung-bago sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang mukha sa bintana ng sasakyan ay nakita ang mga nakamasid sa kanya. Isinuot niya ang kanyang salaming may kulay. Tila hindi niya matatagalan ang nakalarawan sa mukha ng mga sumasalubong sa kanya. Pagtataka, paghanga, pagkasungyaw. Aywan niya kung alin.

    At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong nagtimunig ang kahungkagang nadarama sa kanyang mga mata. Tila hindi na niya nakikilala at hindi na rin siya makilala pa ng pook na binalikan niya.

  • Ang Sukatan ng Ligaya

    Ang Sukatan ng Ligaya

    ni Liwayway Arceo

    NAGMAMADALI si Aling Isyang sa pagbibihis. Nangangamba siyang pumasok si Medy sa silid at Makita siyang nagbibihis. Natitiyak niyang hindi siya papayagan nito na makaalis. May tatlong araw

    nang nagtatangka siyang makauwi sa nayon ngunit lagi siyang pinangungunahan ng anak.

    “Ang Inang. . . nagbibihis na naman! Parang inip na inip dito sa ‘min . . .” matatandaan pa niyang parunggit nito. At kung may bahid man ng katotohanan itong sinabing iyon ni Medy ay hindi na siya nagpahalata. Nadama niya agad ang hinanakit sa tinig nito nang pansinin ang kanyang paghahanda sa pag-alis. Ngunit talagang hindi siya mawili sa tahanan nina Medy.

    Noong una ay idinadahilan niya ang init. Nang sumunod na bakasyong lumuwas siya ay may isa nang silid sa bahay ni Medy na may sadyang pampalamig na ayon ditto ay nakakabit sa koryente. Wala naman siyang makikitang umiikot na tulad sa karaniwang nakikita niya sa kanilang nayon. Iyon ay isang parihabang kahon lamang sa dingding. Ngunit hindi rin siya nasiyahan. Nasipon pa nga siya. Gayunman ay iyon ang nagawa niyang dahilan upang makauwi sa nayon.

    Hindi niya maidahilan ang alikabok. Ang malaking bahay ng kanyang anak ay malayo sa magulong lunsod. Nakatirik iyon sa gulod ay nakabukod. Sa pinakamalapit na kapitbahay. Malawak ang bakurang alaga ng isang hardinero. May languyan sa isang panig at may pinanggagalingan pa ng tubig na sumasaboy sa gitna ng hardin. Ngunit sa tuwing maglalakad siya sa paligid ng bakuran, waring may hinahanap siyang kung anong bagay na mawawaglit.

    Naikuwento niya iyon kay Mang Laryo nang magbalik siya sa nayon. “Alam mo, Oy.” simula niya sa pagbabalita sa asawa, “Kahit na nga ano pa ang sabihin, iba ang singaw ng lupa rito sa ‘tin. Saka. . . kung bakit doon kina Medy, gayong binili raw nang napakamahal ang mga halalaman. . . parang hindi ako nagagandahan. Ayaw man lang ipahipo ang mga dahon ng mga masetas, e!”

    Napangiti si Mang Laryo. “Ikaw naman, oo! Nagpapahalata ka naman ‘ata sa anak mo. Parang napapaso ka sa kanilang bahay. Nasabi na nga sa ‘kin ‘yan minsan… patuloy ng matanda.

    “H-ha?”

    “Aba, oo! Sinabi ‘yan mismo ni Medy.”Ika sa kin. . . mas mahal mo raw si Idad kaysa kanya. . . hindi raw pareho ang tingin mo sa kanila. . . “

    Sa dakong iyon ng kanyang gunita ay napatigil sa pagbibihis si Aling Isyang. Waring may gumising sa kanya. Parang noon lamang sinasabi ni Mang Laryo ang panunumbat ni Medy.

    “Hindi maaaring magkagano’n!” bulong ni Aling Isyang sa sarili. “Si Medy nga ang malaki ang naitulong sa ‘min, palibhasa’y sinuwerte sa pag-aasawa.” Nakakaluwag sa buhay ang naging asawa.”

    “Ngunit ang hindi mawari ni Aling Isyang ay kung bakit higit na nagiging matamis ang iniaabot sa kanya ni Idad gayong maliliit na halaga lamang. Marahil ay dahil alam niyang magsasaka ang kanyang manugang kay Idad. Dukha ring tulad nila ni Mang Laryo. At kakaibang kislap sa mga mata ni Ida dang nasisinag niya sa pagkakaloob niyon.

    Ilang katok sa pinto ang pumukaw sa pagdidili-dili ni Aling Isyang.

    “Inang, “ narinig niyang tawag ni Medy.

    “Halika, Anak. . . “tugon niya at mabilis na inabot ang alampay sa likod ng silya at ibinalabal iyon.”Bahala na . . .”bulong niya.

    Hindi tumitingin si Aling Isyang sa dako ng pinto nang itulak ni Med yang dahon niyon.

    “Ay, salamat. . . at nakabihis na kayo, Inang!” Masayang bati ni Medy at lumapit sa kanya. Nakasungaw sa mga labi nito ang isang masayang ngiti.

    Nagtaka si Aling Isyang. Inaasahan niyang magpaparunggit na naman ni Medy at nakikita siyang nakabihis ng panlakad at may balak na umuwi.

    “Talagang pagbibihisin ko kayo, Inang, e. . . aalis tayo! Habol ni Medy.

    “S-sa’n . . . sa’ n tayo pupunta?” Kunwa’y sabik na sabik niyang tanong.

    “Talagang sasabihin ko pa naman sa ‘yo na. . . uuwi na ‘ko. . . ngayon. . .”

    Napalabi si Medy, “Ku, heto na naman si Inang! Sumama nga muna kayo sa ‘ming pamamasyal bago kayo umuwi. Magtatampo niyan si Eddie. . . Pag hindi kayo sumama.”

    1

    Napabuntunghininga nang malalim si Aling Isyang. Hindi siya makatutol kapag ang sinasangkalan ni Medy ay ang asawa nito. Nahihiya siyang biguin ang manugang. . . Iniiwasan niyang may masabi ito.

    “Baka kung saan ‘yon, ha?” hindi pa rin napigilang tanong niya sa anak.

    Napatawa si Medy. “Ang Inang. . . sa’n ba naman namin kayo dadalhin? Magpapasyal llang tayo at susubbukin daw ng manugang n’yo ang bagong kotse . . . at kakain tayo sa labas. Do’n sa restawran sa tabing-dagat. Huwag n’yo na munang hahanapin ‘yong ilog do’n sa ‘tin!” biro pa ni Medy.

    “E sige . . .” patianod ni Aling Isyang. “Basta mamamayang hapon e payagan na n’yo kong makauwi at kawawa namab ang Tatang n’yo. . ’’

    “Kasi naman, hindi pa sumama, e . . .’’ paninisi ni Medy.

    “Alam mo namang may pinagkakaabalahan sa bukid, e. Kung hindi ba dahil sa kumpleanyo mo, luluwas pa ba ‘ko? Alam mo namang bagong-galing sa sakit si Idad. . . ’’ dugtong pa niya.

    “Siya. . . siya. . . oho!’’ Matamlay na tugon ni Medy. “Mukhang talagang hindi na kayo mapipigil, e. . .”

    Nang lumabas si Aling Isyang sa silid ay nabungaran niya sa salas ang dalawang apong babae na sinusundan-sundan ng mga yaya.

    Ang panganay ni Medy ay anim na taon, ngunit hindi pa mapag-isa. Laging kasunod ang tagapag-alaga. Ni hindi ito makapagbihis nang mag-isa, di tulad ng kanyang apo kay Idad, na bata sa murang gulang na iyon. Ang sumunod na may tatlong taon ay napakalikot naman. Natitigil lang kung karga ng yaya.

    Naupo si Aling Isyang sa sopa upang hintayin sina Medy. Hinintay niyang lapitan siya ng mga apo, ngunit waring hindi siya napapansin. Bigla niyang nagunita ang apat na apo kay Idad. Marinig lamang ng mga iyon ang kanyang mga yabag ay nag-uunahan na sa paglapt sa kanya at unahan din sa pagkapit sa kanyang saya. At kung tulad ngayon na nakaupo siya, tiyak na mag-uunahan ang dalawa sa kanyang kandungan at magtutulakan naman ang dalaw pang ibig makababa sa kanyang baliikat.

    Nang lumabas si Medy buhat sa silid ay may bitbit itong sapatilyang puno ng palamuting abaloryo.

    “Ito na’ng isuot n’yo, Inang. . . ’’ sabay lapag sa sahig, sa kanyang paanan.

    “Naku ,’’ tutol niya, “e bakit pa? Tama na ‘tong aking kotso. . . luma nga, hindi naman sira!’’ Hindi niya masabi kay Medy na nang una siyang magsuot niyon ay nanakit ang kanyang mga paa.

    “ Ku, kaya kayo ibinili ni Eddie ng bago e hindi na raw nakikitang isinusuot n’yo ‘yong unang binili namin. . . ’’sabi ni Medy.

    “Kow. . . e hindi ko lang naibalita sa ‘yo, ibinigay ko sa kapatid mo. Mas bagay sa mga paa ni Idad, e . . . ’’ patuloy ni Alin Isyang.

    “Kaya nga! Hubarin n’yo na ‘yang kotso. Kahiya-hiya pag may nakakia sa ‘tin sa pamamasyal.Pusturang-pustura kami. . . tapos. . .’’ at nauntol ang sinasabi ni Medy.

    “Mamaya, maisip ng iba na sapatilya lang ay hindi naming kayo maibili. . .”

    “Bakit ‘yon ang iisipin n’yo, e ako naman ang may gusto nito? Ngunit pinagbigyan na rin niya si Medy.

    Nanibago si Aling Isyang nang tumayo siya. May kataasan ang taking ng sapatilya.At matigas ang entrada. Hindi pa siya humahakbang ay waring nananakit na ang kanyang talampakan.

    Isa pa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi siya magtagal sa bahay ni Medy. Ang gusto ni Medy ay lagi siyang susunod sa mga sinasabi nito upang walang masabi ang iba. Sa kanyang pakiramdam naman ay iniipit ang kanyang mga kilos at hindi siya Malaya. Gayunman ay ayaw na niyang maging alangan ang kanyang anak sa pamantayan ng kanyang manugang, kaya’t sinisikap niyang makibagay.

    Napansin ni Aling Isyang na tuwang-tuwa si Eddie na makita nitong suot niya ang sapatilya.”Ayan. . . sabi ko na’t bagay na bagay sa inyo ang kulay na granate, e! Bumata kayo ng sampung taon!’ at inakbayan siya nito. “Tena kayo. . .’’

    Dahan-dahan at buong-ingat ang ginawang pagbaba ni Aling Isyang sa hagdan.

    “Masakit ba sa paa, Inang?’’ usisa ni Medy nang mapunang mabagal ang kanyang mga hakbang.

    “Hindi naman. . . ’’ pagkakaila niya. “Syempre. . . medyo lang ako naninibago at mababa ang kotso. . .”

    2

    Wala sa pamamasyal ang isip ni Aling Isyang. Nasa bukid, sa piling ni Mang Laryo, ni Idad, at ng kanyang mga apo. Lalong naging masidhi ang kanyang pananabik sa mga apong naiwan nang makasakay siya sa kotse.

    Katabi niya ang dalawang tagapag-alaga ng kanyang mga apo sa upuan sa likuran. Kalong ng mga iyon ang mga bata. Ni hindi niya mahipo kahit sa kamay ang kanyang mga apo. Waring hindi siya nakikilala.

    “Sinuswerte kami sa huling transaksiyon, Inang. . .” pagbabalita ni Eddie sa kanya samantalang namamasyal sila sa tabing-dagat.”Kaya pinalitan ko na ang lumang kotse nang walang maireklamo ang anak n’yo. . .” pabiro pang dugtong.

    “Maganda, a!’’ tanging naisagot ni Aling Isyang.

    “Dapat naman, Inang!” katlo ni Medy.”Papasok na si Millet sa darating na pasukan. . . sa laga e magpapahuli ‘yan sa ibang bata sa kolehiyo?” at binanggit nito kung saang kolehiyo ng mga madre ipapasok ang apo.

    “Para disi-otso mil lang!”

    Napakislot si Aling Isyang sa pagkakaupo. Labingwalong libong piso! Kaya pala naman saanman niya hagurin ng tingin ang sasakyan ay wala siyang maipintas. Wala pa siyang nakikitang tulad niyon. Kahit ang alkalde ng kanilang bayan o ang gobernador ng kanilang lalawigan ay hindi gayon kagara ang sinasakyang kotse.

    Hindi sinasadya ay napailing si Aling Isyang. Naisip niya kung paanong ang kanyang dalawang anak na kapwa babae, kapwa maganda at pareho ang inabot sa paaralan, ay nagkaroon ng magkaibayong kapalaran sa kabuhayan nang magsipag-asawa.

    Naisaloob niyang marahil ay dahil magkaiba ang ugali ng dalawa. Palabati si Medy sa kapwa. Madaling makipagkaibigan. Si Idad naman ay tahimik. Mahiyain. Ngunit matay man pakiramdaman ay nasisiyahan sa buhay.

    Natatandaan pa ni Aling Isyang ang matinding galit niya nang malamang nakakilala ni Medy ang isang batang-batang mangangalakal galing sa Maynila. Noon ay napadako sa kanilang nayon si Eddie upang bilhin ang tubuhan ng dati ay tinitingal sa kanilang bayan, si Don Alfonso. Hanggang nang hingin ni Eddie ang kamay ni Medy ay hindi napapawi ang pag-aalinlangan sa kanyang dibdib.

    “Hindi na kayo kumibo, Inang. . ..” basag ni Medy sa katahimikan nang mapansing walang kakibu-kibo ang ina.

    “A. . . e nawiwili ako. . . sa panonood. . .” pagkakaila ni Aling Isyang.

    “ Nakita mo na, Ed. . . ’’ at bumaling si Medy sa asawa, “kung hindi natin binili ito, ‘yon bang disi-otso mil e maaaring sakyan? Masisiyahan ba tayo nang ganito?”

    Saglit na nakawala sa diwa ni Aling Isyang ang mga nagdaan nang marinig ang masayang tawanan nina Medy at Eddie. At nakadama na rin siya ng kasiyaha. Pinilit niyang masiyahan.

    Pumili ng isang sariling hapag si Eddie sa restawrang pinasukan nila. Sa bungad pa lamang ay marami ng binabating kakilala ang mag-asawa. Susunud-sunod naman si Aling Isyang. Ingat na ingat siya sa paghakbang. Nananakit ang kanyang mga paa sa suot na sapatilya. Ngunit sinarili niya iyon.

    May kapaitang sumasaisip ni Aling Isyang na kung naroon siya sa kanilang sariling nayon, hindi niya kakailanganin ang magkunwari. Hindi niya kakailanganing magsuot ng anumang hindi siya nagiginhawahan. Kilala niya ang lahat ng tao at nakikilala rin siya. Hindi niya kailangan ang kumilos nang labag sa kanyang kalooban, upang masiyahan lamang sina Medy. Nakadama siya nang bahagyang kapayapaan ng loob nang makaupo na sila sa harap ng hapag-kainan.

    “Baka mahal dito?” hindi sinasadyang nasambit ni Aling Isyang.

    “Si Inang naman!” may hinampo sa tinig ni Medy. “Baka may makarinig sa inyo ay kung ano ang isipin! Paparito ba tayo nang hindi kami gayak gumasta?

    Nagsisi si Aling Isyang kung bakit niya sinabi iyon. At lalo siyang nakadama ng pagkapahiya nang masulyapang ngingiti-ngiti ang manugang.

    Ayaw magsiupo ang kanyang dalawang apo. Nawiwili sa kalalakad sa paligid ng restawran. Susunud-sunod naman ang dalawang yaya. Ang nanghihinayang sa ibinabayad ni Medy sa dalawang katulong na kabilang sa marahil ay anim o walo pang utusan sa bahay. May labandera, May kusinera. May tagalinis ng bahay. May tagawalis ng bakuran. May tagadilig. Hindi niya maubos-isipin kung bakit si Idad ay nag-iisang gumagawa sa bahay ay apat ang inaalagaang anak.

    “Ano ang gusto n’yo, Inang?” tanong ni Eddie nang mapunang hindi siya kumikibo.

    “Kayo na ang bahala. . . lahat naman ay kinakain ko!” mahina niyang tugon. Sadyang hindi niya alam kung ano ang maaari niyang hingin sa restawrang iyon. Alam niyang wala roon ang paborito niyang pangat na malakapas at banak.

    3

    “Alam ko ang paborito ni Inang!” masiglang sabi ni Medy. At humingi ito ng inihaw na pampano, asadong alige ng alimango, halabos na sugpo, kilawing talangka at tinolang manok, mga sariwang prutas, sabaw ng buko.

    “Ang mga bata,bakit hindi pa magsitungo rito?” biglang sabi ni Aling Isyang.

    “Kabisado ‘yan ng mga nagsisilbi rito. Dadalhn na ang mga ‘yan kung saan gusto. Pihong nasa hardin,” paliwanag ni Medy.

    Hindi makaramdam ng gutom si Aling Isyang. Nalula siya sa dami ng pagkaing nakahain. At umukilkil sa kanyang isipan kung magkano aabutin ang lahat ng iyon, na sa kanyang palagay ay hindi dapat gugulin. Pasulyap-sulyap siya sa ginagawang pagkain ng mag-asawa at pilit niyang ginagaya. Ingat na ingat siya sa pagkain.

    Naisip niyang kung nasa sariling bahay siya, pasalampak siyang uupo sa sahig ng dulang. Nadudukit niya ang lahat ng alige ng alimango pati sa talukap. Nakukuha niya pati ang laman sa mga sipit at galamay.Pinaghahandaan niya iyon ng sawsawang suka na may pinitpit na luya at tinimplahan ng asin at asukal.

    Sa sugpo ay wala siyang itinapon kundi balat. Kinukutkot pa ng kanyang mga kuko ang taba sa talukap ng ulo. Sinisipsip niya pati ang mga hinlalangot at buntot.

    Ibang-iba ang ginagawang pagkain nina Medy. Maraming natatapon. Sa kanyang tingin ay higit pang marami ang naiiwan sa pinggan.Hinayang na hinayang siya ngunit sinasarili niya ang kanyang damdamin.

    At nakaramdam ng lungkot si Aling Isyang nang magunita ang mga naiwan sa nayon. Naalala niya ang ginagawa niyang paghihimay ng alimango o alimasag para sa kanyang mga apo. Gayundin ang ginagawa niyang pagsisilbi kay Mang Laryo.

    Nagtataka siya kung paanong sa loob ng walong taon lamang na inilagi ni Medy sa lunsod ay hidi na niya mabakas ang nakamihasnan nito sa nayon. Waring limot na nito ang pinag-ugatan. Waring kailanman ay hindi siya nagging bahagi ng kanilang nayon.

    “O,” basag ni Medy sa kanyang pag-iisip,” hindi ‘ata kayo kumakain, Inang,”

    “Kumakain,” mabilis niyang sagot.”Alam mo naman ako. . . mahinang kumain.”

    IPINAHATID ni Medy si Aling Isyang nang umuwi. Bago siya umuwi ay hindi niya nalimutang hingiin muli kay Med yang kanyang kotso. Pinagtawanan siya nito at hinapit ang balikat at dibdib nito. Pagkatapos ay binilinan siya nito na sa hulihang upuan ng kotse siya maupo.

    “ Hindi naman si Eddie ang magmamaneho, e. . . tsuper ‘yan sa opisina!” bulong sa kanya.

    Tumango lamang siya. Nang maramdaman niyang umuusad na ang kotse ay hinubad niya ang sapatilya at inihalili ang kanyang kotso. Sumandal siya sa pagkakaupo at naramdaman niya ang ibayong pananabik na makauwi sa nayon.

    Hindi man lamang niya naisip nab aka magulat ang kanyang mga kanayon kapag nakita ang sinasakyang bagung-bago at nangingintab na kotse, tulad ng sabi ni Medy bago siya sumakay. Ang tanging nakikita niya sa kanyang balintataw ay ang pat na anak ni Idad na naghihintay sa kanya, na nag-uunahan sa pagsalubong sa kanya.

    Malayo pa man siya sa nayon ay waring nalalanghap na niya ang naiibang singaw ng lupa- kaiba sa magarang bakuran nina Medy. Waring malayang-malaya na naman siyang gumagalaw, hubad sa pagkukunwari at pakikibagay.

    Napuno ng kaligayahan ang puso ni Aling Isyang nang matanaw na niya ang makipot at maalikabok na landas na bumubungad sa kanilang nayon. Waring abot-kamay na niya ang kanilang tarangkahan.

  • Tata Selo

    Tata Selo

    ni Rogelio Sikat

    Ang panitikan ay salamin ng buhay. Ito’y isang representasyon ng mga karanasan sa buhay ng tao sa tulong ng mga salita. Sa kuwentong ito, alamin kung anong mga pangyayari sa mga tao sa lipunan ang malinaw na pinapaksa ng may akda. Matagumpay ba itong nailahad ng may akda? Anong paraan ang ginamit niya?

    Maliit lamang sa simula ang kalumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit ng tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.
    Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangan makalapit sa istaked.

    “Totoo ba, Tata Selo?”

    “Binawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”

    Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakagulong tao.
    “Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi ko ho mapaniwalaan.”

    Hinaplus-haplos ni tata Selo ang ga-daliri at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di kalayuan sa istaked, ipinagtitilakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang Sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nagsasalisod na alikabok.

    “Bakit niya babawiin ang saka?” tanong ng Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?”
    Hndi pa rin umalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.

    Hindi mo na sana tinaga ang Kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong bayan nakalalahad sa pagitan ng maraming tao sa istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay, at nakapamaywang habang naninigarilyo.

    “Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?”

    Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para tagain mo ang Kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapapaalis ka niya anumang oras.”
    Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas.

    “Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinapakan pagkatapos. “alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng Kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon kaya nga po ako hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masasaka man lamang po.nakikiusap po ako sa Kabesa kangina. ‘kung maaari po sana, ‘Besa’’, wika ko po, ‘kung maaari po sana, huwag naman po ninyo akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako pa nama’y malakas pa.’ Ngunit…Ay! Tinungkod po niya ako nang tinungkod, Tingnan po n’yong putok sa aking noo, tingnan po ‘nyo.”

    Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis.

    “Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?”

    Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, anak-magbubukid na naniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata.

    Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik.

    “Pinuntahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis ako sa aking saka, ang wika’y iba na raw ang magsasaka. Nang makiusap ako’y tinungkod ako. Ay! Tinungkod ako, amang, nakikiusap ako sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako pupunta?”

    “Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.”

    Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata.

    “Patay po ba?”

    Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat.

    “Pa’no po niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina.

    Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?”

    Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas. Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng dyip na kinasaksakyan ng dalawang upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao.

    Tumigil ang dyip sa di-kalayuan sa istaked.

    “Patay po ba? Saan po ang taga?”

    Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpawisang tao. Itinaas ng may-katabaang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking lalaking hepe.

    “Saan po tinamaan?”

    “Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing ihinagod hanggang sa kanang punog tainga. “Lagas ang ngipin.”

    Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw ng batuta ang mga pulis. Ipinasya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked.

    “Mabibilanggo ka niyan, Tata Selo,” anang alkalde pagkapasok ni Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa.

    “Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot at galit na tanong ng alkalde. Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

    “Binawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin, po, Naisangla lamang po at naembargo—“
    “Alam ko na iyan,” kumukupas at umiiling na putol ng nabubugnot na alkalde.

    Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw nang luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.

    “Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatuwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”

    “Saan mo tinaga ang Kabesa?”

    Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

    “Nasa may sangka po ako nang dumating ang Kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas na pilapil. Alam ko pong pinanonood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at nang ako po’y lumapit, sinabi niyang makakaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.

    ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ Tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a’ Nilapitan po niya ako. Nakiusap pa po ako sa kanya, ngunit ako po’y… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod nang tinungkod.”

    “Tinaga mo na no’n,” anag nakamatyag na hepe.

    Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin—may mga eskribante pang nakapasok doon—ay nakatuon kay Tata Selo. Nakayuko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa.

    “Ang iyong anak, na kina Kabesa raw?” usisa ng alkalde.

    Hindi sumagot si Tata Selo.

    “Tinatanong ka anang hepe.”

    Lumunok si Tata Selo.

    “Umuwi na po si Saling, Presidente.”

    “Kailan?”

    “Kamakalawa po ng umaga.”

    “Di ba’t kinakatulong siya ro’n?”

    “Tatlong buwan na po.”

    “Bakit siya umuwi?”

    Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiiyak na napayuko siya.

    “May sakit po siya.”

    Nang sumapit ang alas-dose—inihudyat iyon ng sunod-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo—ay umalis ang alkalde upang mananghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis.

    “Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na

    Nakayuko at di pa natitinag sa upuan.

    “Binabawi po niya ang aking saka.” Katwiran ni Tata Selo. Sinapo ng hepe si Tata Selo. Sa lapag halos mangudngod si Tata Selo.

    “Tinungkod po niya ako ng tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo.

    Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig napaluhod si

    Tata Selo, nakakapit sa uniporment kaki ng hepe.

    “Tinungkod po niya ako ng tinungkod… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod ng tinungkod…”

    Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis.

    “Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kay Tsip, e,” sinabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe.

    Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng buwang iyo’y dapat nang nag-uuulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas.

    “Dadalhin ka siguro sa kabesera, Selo,” anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. “Don ka suguro ikukulong.”

    Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruming sementadong lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya’y natutuyong tamak-tamak na tubig. Naka-unat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, naka-sandal siya sa steel matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi na gagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon.

    “Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde. Nagsindi ito ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde.

    “Patayin na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang narinig si Tata Selo. Napatay ko po ang Kabesa. Patayin na rin ninyo po ako.”

    Takot humipo sa maalikabok na rehas ang alkalde. Hindi niya nahipo ang rehas ngunit pinagkiskis niya ng mga palad at tiningnan niya kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito.

    May mga tao namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti lang iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sa bagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay taga-Poblacion. Hanggang noon, bawat isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang Kabesa. Nagtataka at hindi makapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itatanghal.

    Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdadakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol.

    Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan.

    Di-nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umalalay kay Tata Selo. Halos buhatan siyang dalawang pulis.

    Pagdating sa bungad ng tanggapan ay tila saglit na nagkaroon ng lakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente.
    Nagyakap ang mag-ama pagkakita.

    “Hindi ka na sana naparito Saling,” wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka, Saling, may sakit ka!”

    Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang araw. Matigas ang kanyang namumulang mukha. Pinalipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis.

    “Umuwi ka na, Saling” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo na…bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag, huwag ka nang magsasabi…”

    Tuluyan nang nalungayngay si Tata Selo. Ipinabalik siya ng alkalde sa istaked. Pagkabalik niya sa istaked, pinanood na naman siya ng mga tao.

    “Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang sako, hindi ng halata.”

    “Ang anak, dumating daw?”

    “Naki-mayor.”

    Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagkaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinanakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas. Mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag siya ng mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapag. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigising sa kanya.

    “Tata Selo…Tata Selo…”

    Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng mga luha niyang mata ang tumatawag sa kanya.
    Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.

    Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umabot sa kanya.

    “Nando’n amang si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nag-paulik-ulik, pagkaraa’y takot at bantulot nang sumunod…

    Mag-iikaapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lihin sa istaked, sa may dingding na steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin siya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang Inutusan niya kanina. Sinabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi pagbawi ng saka ang sinasabi.

    Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! Ang lahat ay kinuha na sa kanila…

  • Impeng Negro

    Impeng Negro

    ni Rogelio Sikat

    “BAKA MAKIKIPAG – AWAY ka na naman, Impen.”

    Tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray na batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.

    “Hindi ho,” paungol niyang tugon.

    “Hindi ho…,” ginagad siya ng ina. “Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo’y lagi ka ngang mababasag-ulo.”

    May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.

    Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at pagkaraa’y naghilamos.

    “Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niyang bilin ng ina. “Wala
    nang gatas si Boy. Eto ang pambili.”

    Tumindig na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang mahahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit kailangang lumakad na siya. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.

    Umiingit ang sahig ng kanilang barungbarong nang siya’y pumasok.

    “Nariyan sa kahon ang kamiseta mo.”

    Sa sulok ng kanyang kaliwang mata’y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na giris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na bunso. Pinasususo.

    “Mamaya,aka umuwi ka namang…basag ang mukha.”

    Bahagya na niyang maulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa niyang kapatid. Sunud-sunod na nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong nas atagiliran ng nanggigimalmal na mesang kainan.nagsisikain pa.

    Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano, ang sumunod sa kanya. Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama’y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba ang kanyang biyas.

    Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang mga damit nila nina Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.

    “Iyan ang isuot mo.” Parang nahulaan ng kanyang ina ang kanyang iniisip.

    Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat sa kanya ang kamisetang iyon noong bagong bili
    ngunit ngayo’y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho kapag suot iyon ngunit
    wala naman siyang maraming kamisetang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina
    sa paglalabada; mahina rin ang kanyang kita sa pag-aagwador.

    Nagbalik siya sa batalan. Nang siya’y lumabas, pasan na niya ang kargahan. Tuluy-tuloy
    niyang tinungo ang hagdan.

    “Si Ogor, Impen,” pahabol na bilin ng kanyang ina. “Huwag mo nang papansinin.”

    Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.

    Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina. Huwag daw siyang makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon
    ito: basagulero. Lagi niyang isinasaisip ang mga biling ito ngunit sadya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag naririnig niya ang masasakit na panunuksyo sa kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.

    Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya, ang malimit magsisimula ng panunukso:

    “Ang itim mo, Impen!” itutukso nito.

    “Kapatid mo ba si Kano?” isasabad ng isa sa mga nasa gripo.

    “Sino ba talaga ang tatay mo?”

    “Sino pa,” isisingit ni Ogor, “di si Dikyam!”

    Sasambulat na ang nakabibinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari sa gripo.

    Noong una, sinasagot niya ang mga panunuksong ito:

    “E ano kung maitim?” isasagot niya.

    Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa’y bigla na lamang nitong kakayurin ng hintuturo ang balat sa kanyang batok.

    “Negrung-negro ka nga, Negro,” tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: Tingnan mo ang buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo ang ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso…Namamalirong!

    Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinasabi niya sa sarili. Negro nga siya. Ano kung Negro? Ngunit napapikit siya. Ang tatay niya’y isang
    sundalong Negro na nang maging anak siya’y biglang nawala sa Pilipinas.

    Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng nakaraan
    nilang pagbababag ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kanyang ina?)

    “Sarisari ang magiging kapatid ni Negro,” sinabi ni Ogor. “Baka makatatlo pa ang kanyang nanay ngayon!”

    Noong kabuntisan ng kanyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa.
    Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barungbarong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At siya ang napagtuunan ng sarisaring panunukso.

    Natandaan niya ang mga panunuksong iyon. At mulanoon, nagsimula nang umalimpuyo
    sa kanyang dibdib ang dati’y binhi lamang ng isang paghihimagsik: nagsusumigaw na paghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton niya ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barungbarong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kanya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi nababasa nya ang isinisigaw ng mga paslit: Negro!

    Napapatungo na lamang siya.

    Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.

    Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan
    si Ogor? Sa mula’t mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailanman binigyan ng pagkakataong maging kaibigan.

    Halos kassingulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may pasang balde ng tubig; tila sino
    mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan. Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulog tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang inalis sa pagkakakawit ang mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana’y huwag siya ang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.

    Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa
    bulsa ng kutod niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa kanya.Diyes sentimos na
    naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang
    tulo ng tubig sa kanilang pook. At bihira ang may poso.

    Tanghali na akong makauuwi nito, nausal niya habang binibilang sa mata ang mga nakapilang balde. Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng
    pila’y nasa labas pa niyon.

    Di-kalayuan sa gripo ay may isang tindahan.

    Sa kalawanging medya-agwa niyon ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad
    na ng damit at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay May kumakain ng
    halu-halo.

    Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang kanyang
    tingin. Pnilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si
    Ogor. Hubad-baro at ngumingisi. Mauupo na lamang siya sa kanyang balde. Mabuti
    pa roon, kahit nakabilad sa init. Pasasaan ba’t di iikli ang pila? naisip niya.
    Makasasahod din ako.

    Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang siga mula sa tindahan:

    “Hoy, Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti!”

    Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman.

    “Negro,” muli niyang narinig, “sumilong ka sabi, e. Baka ka masunog!”

    Malakas ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip niya’y ang bilin ng
    ina, na huwag na niyang papansinin si Ogor. Bakit nga ba niya papansinin si Ogor?

    Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong umiinit ang sikat ng araw. Sa paligid ng balde, nakikia niya ang kanyang anino. Tumingala siya ngunit siya’y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang balat. Tila ibig nang matuklap ang balat sa kanyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kanyang anit at sa ibabaw ng kanyang nguso.
    maybutil na rin ng pawis sa kanyang ilong.

    Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan, isinawak niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang batok—kaylamig at kaysarap ng tubig sa kanyang batok. Malamig. Binasa niya ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang anit. Binasa niya ang balikat,
    ang mga bisig. May nadama siyang ginhawa ngunit pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdaman na tila nangangalirang na naman ang kanyang balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balikat.

    “Negro!” Napauwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita. Si Ogor.

    “Huwag ka nanag magbibilad. Doon ka sa lamig.”
    Pagkakataon na ni Ogor
    upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang nakita
    na nginingisihan siya nito.

    Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni ogor. Napabuntong-hininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik.

    May galak na sumusuno sa kanyang dibdib habang
    pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang balde. Susunod na siya. Makaka sahod na
    siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili.pagkaraan ng kargang iyon ay
    uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.

    Datapwa, pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, at isasahod na lamang
    ang sa kanya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa
    kanyang balikat. Si Ogor ang kanyang natingala. Malapit lamang pala ang
    pinaghatidan nito ng tubig.

    “Gutom na ako, Negro,” sabi ni Ogor. “Ako muna.”

    Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang bitbit na balde at kumalantog
    ang kanilang mga balde. Iginitgit din niya ang sa kanya, bahagya nga lamang at
    takot na paggitgit. “Kadarating mo pa lamang, Ogor, nais niyang itutol. Kangina
    pa ako nakapila rito, a. Ako muna sabi, e,” giit ni Ogor.

    Bantulot niyang binawi ang balde, nakatingin pa rin kay Ogor. Itinaob niya ang kaunting
    nasahod na balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabog sa kanilang mga
    paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako
    iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa
    paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.

    “Ano pa ba ang ibinubulong mo?”

    Hindi n a niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang pisngi sa labi ng nabiawang balde. Napasigaw siya. Malakas. Napaluhod siya sa madulas na semento. Kagyat na bumaha ang nakaliliyong dilim sa kanyang utak. Habang nakaluhod, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi. Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri. Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa…Mapula…Dugo!

    Nanghilakbot siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.

    “O-ogor…O-ogor…” Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin.

    “Ogor!” sa wakas ay naisigaw niya.

    Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagsigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng baldeng nalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga paang
    alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kanya.

    Bigla siyang bumaligtad. nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakaakma ang mga bisig.

    “O-ogor…”

    Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumuslit ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw iya. Umiiyak siyang gumuglong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha’y larawan ng matinding sakit.

    Matagal din bago napawi ang paninigas ng kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kanyang mga mata nang siya’y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.

    Si Ogor…Sa mula’t mula pa’y itinuring na siya nitong kaaway…Bakit siya
    ginaganoon ni Ogor?

    Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang muling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.

    Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor.nagyakap sila. Pagulung-gulong. Hindi siya bumibitiw. Nang siya’y mapaibabaw, sinunud-ssunod niya: dagok, dagok, dagok… pahalipaw… papaluka…papatay.

    Sa pook na iyon, sa nakaririmarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Marumi ng babae ang kanyang ina. Sarisari ang anak. At siya isang maitim, hamak na Negro! Papatayin niya si Ogor. papatayin.

    Papatayinnn!

    Dagok, dagok, dagok…Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makapaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok, dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang nararamdaman sakit. Wala siyang nararamdamang sakit!

    Kakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano…si Boyet…si Diding…At siya…Negro.
    Negro. Negro!

    Sa mga dagok ni ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos-lakas at nag-uumiri siyang umigtad.napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok…Kahit saan. Sa dibdib. Sa mukha. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, dagok, dagok…

    Mahina na si ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay.
    Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang
    mga mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok…

    Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.

    “Impen…”

    Muli niyang itinaas ang kamay.

    “I-Impen…” Halos hindi niya narinig ang halingling ni Ogor. “I-Impen…s-suko n-na…a-ako…s-suko…n-na…a-ako!”

    Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya
    Abut-abot ang pahingal. makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot
    siyang tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at
    duguan ang kanyang likod. May basa ng dugo’t lupa ang kanyang nguso.

    Maraming sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador.
    Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.

    Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng
    mga ito. Ang nababakas niya’y paghanga. Ang nakita niya’y pangingimi.

    Pinangingimian siya!

    May luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagod niya ang mga kamao. nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay. Ang tatag. Ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa’y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.

    Sa matinding sikat ng araw, tila sya isang mandirigmang sugatan, ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagiang larangan.

  • Nagmamadali Ang Maynila

    Nagmamadali Ang Maynila

    ni Serafin Guinigundo

    ” GINTO. GINTO… Baka po kayo may ginto riyan?”

    “Mga mama.. mga ale… ginto…?” ang alok-anyaya ng isang babaing nakakimona at ang saya ay humihilahod sa sakong at siyang lumilinis sa makapal na alikabok sa bangketa.

    ” Baka po kayo may ginto?” ang muling sigaw ng babae. ” Kung may ginto ako bakit ko ipagbibili? Hindi baga mas mahal ang ginto kaysa kwalta?” sambot ng isang lalaki na ang kausap ay ang kaakbay.

    Ang kalipunan ng mga taong naglipana sa Azcarraga, Avenida Rizal at Escolta ay mga mamimiling walang puhunan (karamihan) at mga tagapagbili ng mga bagay na wala sa kanila at lalong hindi kanilang pag – aari.

    Ang hanapbuhay ng mga ito ay magtala sa papel ng mga bagay na nababalitaang ipinagbibili. Madalian ag kanilang usapan, Mabilis magkasundo. Tiyak ang pook na tipanan sa harap ng isang mesa: sa ibabaw ng umaasong kapeng-mais na pinapuputla ang kulay ng gatas na may bantong gatas ng niyog. Kung sila’y palarin; kakamal ang libo, kung mabigo naman ay gutom maghapon.

    Sa tawaran ay hindi magkamayaw. Tingin, tawad, silip, tingin, tawad. Tingin sa singsing, sa kwintas, hikaw, at pulseras.

    ” Ilang ply, anong sukat ng goma?” usisa ng isa.

    ” Ano? In running condition ba? Baka hindi, Mapapahiya tayo,” ang paniniyak ng isa naman.

    ” Aba! sinasabi ko sa iyo… garantisado. hindi ka mapapahiya,” tugon ng tinanong.

    ” Hoy,Tsiko, ang iyong lote, may tawad na. Ano, magkano ang talagang atin doon? Mayroon na ba tayo? Baka wala? Ihanda mo ang papel. Bukas ang bayaran. Tiyakin mo lang ang ating salitaan ha? Kahit hindi nakasulat… ikaw ang bahala.”

    ” Ako ang bahala, boy. Alam mo na ang bilis natin, hindi ka maaano. Hawak natin ang ibon.”

    Ang iba ay maingat; gumamit ng mga lenteng maaninag sa mga tapyas ng brilyante. Nangingilag sa basag na bato: iyong may karbon; iyong may lamat. Malulugi kapagka nabibigla sa pagtawad. Sa bawat may lenteng tumitingin ay marami pang taong nakapaligid na nag – aantay na makasilip naman: makatingin at tumawad sa singsing, hikaw at pulseras. Ang init ng araw ay hindi alumana ng mga taong ayaw iwan ang kakapalan ng nagtatawaran ng lupa, bahay, bakal, pako, trak, lantsa, kabayo, makinilya at iba pang mga bagay. Kakain lamang upang magbalik; babalik lamang upang makipag – usap, tumawad, at tumingin. Ang maghapon ay natatapos sa nakapaghihinayang na pakinabang; nauubos upang umasa sa isang kinabukasang marahil ay lalong mapalad at manigo.

    ” Balut… balut… baluuuut… baluut!”

    “Puto… put.., putt… puto.” Iyan ang mga tagapambulahaw sa mga natutulog, sa mga may nanlalambot sa tuhod.

    ” Isang oras lamang, maaari ba? Ipapakita ko lang sa aking buyer. Magugustuhan ito. Cash ngayon din. Iiwan ko muna ang aking tubog sa iyo. May halaga yan. ”

    ” Huwag na. Dalhin mo, Sisirain mo ba ang iyong pangako? Kilala naman kita. Madali ka. Isang oras ang pangako ng aking kaibigan sa may ari nito. Kaya kung dadalhin mo ay sige. Ibalik mo agad aantayin kita. Hindi ako aalis, bago mag-ikalabindalawa. ”

    Humahangos ang pinagbigyan ng singsing. Naglagos sa kakapalan ng mga tao. Madagil o makadagil ay tuloy sa kanyang paglalakad. Hinahawi ng kanyang mga bisig ang mga tao. Isinisingit niya ang kanyang manipis na katawan. Maikli lamang ang palugit sa kanya sa singsing – isang oras. Ang taong humahangos at nagmamadali at tila nakikipag -agawan ng oras ay si Maciong. Kabilang si Maciong sa mga bumibili nang walang puhunan kundi laway at nakapagbili nang wala kundi sa listahan. Isa siya sa mga ahente sa pamilihang- kalye na lalong malaki ang pakinabang sa kanyang listahan kaysa sa tunay na tinatanggap ng kanyang bulsang palaging puno ng bigong paghihintay.

    Si Maciong na kasalungat ng katwiran ay bata ni Luisita, ang kanyang kabiyak ng dibdib, ay may paniniwalang ang pananagumpay sa buhay ay nakasalig sa kaunting bilis ng isip na kanyang tinatawag na “abilidad”. Ang abilidad na iyan ni Maciong ay siyang ipinangangako kay Luisita. Maipakikilala niya ito sa iba’t ibang sukat ng goma; sa mga hawak niyang option sa trak, sa awto, sa bahay, sa lupa at marami pang iba. Iyan ang kanyang inaasahang masasalapi hindi maglalaon. Mga katapatan lamang niya ang kaniyang pinagsasabihan. Baka siya’y maunahan kung siya’y magsasabi. Mabibigo ang kaniyang pangarap. Muli siyang susumbatan ni Luisita.

    Nakaraan din si Maciong sa kumukutong mga tao.

    ” Teng… teng… teng…teng..,” ang tinig nang dumaragsang dambuhalang trambya
    na maraming sakay na hindi makapasok sa loob, tranbiyang tila baga isang kalabaw
    na ‘di makayang lumulon sa sinsamungal na sakate sa kanyang namumuwalang
    bunganga.

    Nangunyapit lamang si Maciong sa tansong hawakan sa tranbya.
    Doon siya nagpalumaging nakabitin.

    ” Pasok po sila… pasok po kayo… dito sa loob at maluwag. Pasok..,pasok.,.” ang dugtong na utos ng konduktor. Hindi alumana ni Maciong ang pagdudumali ng konduktor. Laging hindi napapansin ni Maciong na ang kanyang pagsambot sa tiket ng isang umibis ay sinusulyapan ng konduktor. Ang pagpasok ni Maciong sa loob ng trambya ay hindi nalingid sa kabatiran ng konduktor. Hindi pansin ni Maciong ang pagpapatunog ng taladro ng konduktor.

    ” Narito, ” sabay abot ni Maciong ng tiket na halos mainit – init pa buhat sa kamay ng kaiibis na mapagkawanggawa na sinambutan ni Maciong.

    ” Hindi ba kapapasok mo lamang?”

    ” Kanina pa po ako, bumago lamang ng upo. ”

    ” Saan kayo sumakay? ”

    ” Sa trambya, saan pa?”

    Hindi napigil ng mga nasa paligid na nakikinig ang pagtatawanan, na naging snhi g pamumutla ng konduktor.

    “Saan kang pook ng Maynila, nagsimulang sumakay?” ang buong linaw na tanong ng konduktor sa hangad na makabawi sa pagkapahiya, “Itinanong mo na kanina iyan,” tugon ni Maciong. “Itatanong mo na naman. Ewan ko ba? Tingnan mo sa tiket. Diyan mo iginupit kanina. Hindi ka ba marunong bumasa?”

    Naghagikgikan ng tawa ang mga nasa paligd nila na nakikimatyag sa
    kanilang pagmamainitan.

    Buong pagngingitngit na tinitigan ng konduktor ang gusot na buhok ni Maciong. Sinukat ang laki ng bisig nito; hinagod ng malas ang taas at nang ang kanyang mapanuring paningin ay dumako sa kupi-kuping tainga ni Maciong na tila kulubot na sitsarong – Bocaue ay nagkunwang tinungo ang pintuan ng trambya upang makaibis at makasampa ang maraming sakay.

    Mag-iikalabing-isa na at kalahati ng tanghali. May kalahating oras pang nalalabi sa ibinigay sa kanyang palugit upang maipagbili ang singsing. Natitiyak ni Maciong ang pakinabang na halos binibilang na niya sa kanyang palad na hindi nag-aamoy kwalta may ilang buwan na.

    Nagdudumaling nanaog si Maciong sa Plaza Burgos. Nag-uumihit na sinundan ang
    isang taong may bitbit na bayong. Tinawag niya sa pangalan ang taong iyon.
    Lumingon ang tinawag. Nagkakilala silang dalawa.

    ” Hoy Tasio dala ko ang singsing. Bumibili pa ba ang ating buyer?”

    “Aba, eh… kailan ba tayo huling nagkausp? Matagal na. Nawala na sa loob ko. Akala ko’y wala kang makukuha, sayang, nakabili na, Bayaan mo at sa ibang araw.”

    Hindi makuhang ilabas ni Maciong sa bulsa ang kanyang kamay na buong higpit na
    nakahawak sa singsing. Naaalala niya at inuulit-ulit ang kanyang gunam-gunam ang
    “Bayaan mo at sa ibang araw” na katulad na rin ng katagang ” mabibigo yata ako
    magpakailanman.” Tinitigan ni Maciong ang pagdaragsaan ng mga tao sa Plaza
    Burgos. Unahan sa pagsakay sa trambya. Hindi makaigpaw sa itaas ang ga may
    mahihinang mga tuhod lalong mahihinang bisig sa pagdaraingkilan. Ang mga babae
    ay naging mapagbigay sa paggitgitang yaon; hindi nila napansin ang pagkaipit ng
    kanilang katawan sa matitipunong bisig; halos mayupi ang kanilang mga likod-ang
    dibdib. Ang kutob ng dibdib ni Maciong ay halos magpatahip ng kanyang polo shirt
    na mamasa-masa na sa pawis.

    Sa paningin ni Maciong ay may kulay pa rin ang sikat ng arw, bagama’t ang matitingkad na kulay na yaon ay pilit na pinangungupas ng nagsalabat na dilim na pumipindong sa tuktok ng mga nagtatayuang gusali.

    Ang tinatahak ni Maciong ay makikinis na mukha ng aspalto na kadidilig pa lamang. Ang ganti ng liwanag buhat sa mararangyang tahanan ay tila matutulis na palasong nagtalusok sa makikinis na mukha ng kalsadang tinatahak ni Maciong.

    ” Balut… balut… Baluut… baluuut”.

    ” Putooo… putooo… puto… puto..!”.

    ” Maciong, kain na. Malaki ba ang tinubo mo kahapon?” ang naging tanong ni Liusita. ” Hindi
    mo na ako nabigyan ng balato. Ibibili ko lamang ng iyong sapatos.”

    Nangiti si Maciong. Nalalaman niyang siya ay nililibak o binibiro ni Luisita.

    ” Maciong, tigilan mo na ang lintik na buy and sell na iyan. Payat ka na, ang pambili mo lang ng sigarilyo ay hindi mo pa makita. Panay lakad… lakad… tuwid…lakad,,. tuwid.. sa libu-libong wala. Nasaan ang iyong lion’s share at itong chicken feed ko ang siyang inaalmusal mo. Panay na ang kita ko sa labada ang iyong nginangangahan para kang luklak na ibong nag-aantay ng ngungo ng ina.”

    ” Luisita, masasabi mo ang lahat sapagkat iyan ang iyong nakikita. Hindi abot ng isip mo kung bakit si Pedrong Makunat ay tagapangasiwa ngayon ng Lucky Sport Real State Agency, si Kamelong Palos, hayan… may malaking tanggapan ng bakal at ang halaga ng kaniyang bakal ay
    sampung ibayo ng kanyang dating puhunan. Sila ay nagsipamula sa walang katulad ko. Si Ruperto, si Mariano, kapwa may bahay na ngayong sarili. Hindi ba ang mga diyablong iyan ay katulad ko rin na nagsimula sa lapis at papel?… at si Calixto, si Melano, aba! Baka masilaw ka sa kanilang suot na brilyante? Mamatahin mo, ngunit mayroong libreta sa bangko. Sila ay para-paraang nauna sa akin, ngunit nahuli ako upang mauna. Hindi sila makatitiyak sa aking abilidad.

    ” Lubayan mo ako Maciong. Sa abilidad mong iyan, diyan ka magugutom. Kain na. Lalamig ang salabat. Baka naiinip sayo ang iyong kaisplit.”

    ” Nalalaman ko ang aking ginagawa. ang aking kapalaran ay hawak ng aking dalawang palad. Ang daigdig ay nakapaloob sa aking ulo.”

    ” Naku, magtigil ka na, Makita ko. Bagay sa iyo ang magsaka. Doon ka sa gitna ng bukid magbungkal at tiyak ang iyong pakinabang. Hindi mo kami mabubuhay sa swing-swing na iyan. Hindi namin makakain ang lintik na listahang iyan. Magsisilaking tanga at walang muwang ang iyong mga anak.”

    Kumain si Maciong ng walang imik. Ilang subo lamang ang kaniyang ginawa at ilang higop ng kapeng-mais. Kabilang na naman si Maciong sa hukbo ng mga nagbibili at bumibili ng hindi kanila at wala pa sa kanila.

    ” Tiyak ba ang iyong sinasabi? Malayo ba? Pick-up hane?’

    “Oo, pick-up lang. Malapit lang. Tayo na.”

    Pulu-pulo ang nag -uusap. Kani-kaniyang alok; kani-kaniyang tawad. May humihipo ng singsing. May sumisilip, may lumelente sa maliit na tapyas ng brilyante. Silip.., tingin… tawad… silip… tingin,.. tawad..

    ” Maciong, ano ba ang iyong line ngayon? Mayroon ka bang buyer na goma ng trak? Mayroon akong dalawampu.”

    ” Ako, kahit anong pagkakasalapian. Totoo ba ang goma mo? Magkano… malayo
    ba? Tingnan natin,” wika ni Maciong.

    ” Diyan lang sa tabi – tabi, isang libong piso ang halaga ng isa.”

    ” Diyan lamang? Tayo na, tingnan natin. Kung sa bagay dala na ako sa iyo. Madalas kang mag-alok ng wala. Nasusubo ako sa kompromiso sa aking mga kausap. Makita ko muna bago ko ialok.”

    ” Ikaw naman, patay-patay ka.” ang salag na kausap. Inialok ko sa iyo ang arina, pinabayaan mo. Ang pako, ang trak, ang makina, at ang makinilya. Mabagal ka naman eh…!”

    Hindi pa sila nalalayo sa kakapalan ng mga nagbibili ng wala ay nasalubong ni Maciong ang dati niyang kakilala, si Tasiong Abuloy na lalong kinasusuklaman niya tuwing magugunita ang kanyang kabiguan sa singsing.

    ” Mayroon ba tayo riyan?” ang bungad ni Tasio.

    ” May buyer ka ng goma?” ” Iyan ang hanap ko. Nasaan.., ilan… magkanao?”

    ” Dalawampu… isang libo’t dalawang daan ang isa; malapit lang.”

    ” Sold. Kung mapahigit ko sa halaga ninyo ay akin ha? Wala na kayong pakialam sa higit doon… Iba na amg malinawan,” pagunita ni Tasio.

    ” Halika na. Iyong lahat. Hoy, Tsiko, ang sabi mo sa akin ay isang libo lamang.” ang bulong ni Maciong sa kanyang kausap. ” Wala ka ring pakialam sa labis doon. Hayan”.. naririnig mo. Huwag kang magsasalita tungkol sa halaga at bayaran mo. Ako ang bahala.”

    Dalawang tango lamang ng pagsang -ayon ang iginanti ng kausap ni Maciong. Nagtuloy sila sa isang makipot na lagusan. Tuloy silang pumasok sa silong. Maraming agiw na nagsalabat sa daan. Nabulabog ang mga daga. Ang amoy ng mga lumang kasangkapan ay nakapagpapakalma ng sikmura. Tinalikwas ng nagbibili ang ilang piraso ng yero at nabuyangyang sa kanilang nag-aalinlangang paniniwala ang dalawampung goma ng trak na may balot pang papel.

    Lumabas na bigla si Tasio upang tumawag sa telepono. Nakilala ni Maciong ang kaugnayan ni Tasio nang ang goma ay hakutin ng trak. Kitang kita ni Maciong na binibilutan ng sapot ng gagambang bahay ang isang langaw na mabating sa hibla. Habang minamasdan ang agiw na naglawit sa may tagulamig silong na siyang
    nagpapangit sa silid na yaon ay hindi maubos – maisip ni Maciong kung bakit doon
    niya natagpuan ang kapalarang ipinagkait sa kanya ng makukulay na sikat ng
    araw.

    Pumailanlang ang isipan ni Maciong. Naririnig ni Maciong ang kiriring ng telepono. Nauulinigan niyang itinatanong kung si Manedyer Maximo Kabangis ay naroon at kung nais bumili ng goma, ng pako, ng langis, ng yero ng trak, ng makina, ng bahay ng lote. Naramdaman ni Maciong na ang hapo at bigong pag-asa niya ay dahan-dahang humihimlay sa malambot na kama. Bumabasa ng pang-umagang pahayagan ang mga paningin ni Maciong na namangha sa isang tagumpay na inaasam-asam at nang ito ay dumating ay hindi niya maunawaan. Naririnig ni Maciong ang awit sa radyo; dinig na dinig niya ang ” Tindig, aking Inang Bayan; Lahing pili sa Silangan.”

    Binalak pa rin ni Maciong na ihagis sa nanlilimahid na kandungan ni Luisita ang bungkos ng mga sasampuing piso. Gugulatin niya si Luisita. Hindi na siya bibili ng lumang damit sa panulukan ng mga daang Asuncio Azcarraga para sa kanyang apat na anak na kailan lamang ay hindi niya kayang ibili ng bago. Ipamumukha niya kay Luisita na siya’y may abilidad.

    Nagkukumahog si Maciong nang siya ay umuwi nang tanghaling iyon. Ang biglang pamimintog ng bulsa ni Maciong ay damang-dama at nabubunggo ng kanyang mga hita sa kanyang mabilis na paghakbang. Nakapaglagos si Maciong sa kakapalan ng mga tagapagbili ng wala sa kanila, ngunit di niya gaanong alintana ang mga pagtatawaran, ang pagtitipanan ang pagtutuwid sa ibayong pakinabang. Sa ganang kay Maciong ay kanyang lahat ng mga kalye ng Maynila – ang buong Maynila.

    ” Mama… mama… genuine camel po… genuine… gen…”

    ” Hoy, bigyan mo ako.” ang tawag ni Maciong.”

    ” Magkano? ” sabay dukot sa kanyang bulsa na naging masikip sa balumbon ng mga sasampuing piso at walang anumang kumuha ng tatlo nito, iniabot sa bata, kinuha ang sangkahang Camel at ang bata ay iniwang tuwid na tuwid.

    Mga ilang sandali pa, ang bata ay humahabol kay Maciong upang ibigay ang sukli.

    ” Mama… ang inyong sukli…”

    ” Ah! Hindi bale,” tugon ni Maciong, ” sa iyo na…” ang dugtong pa na ang tinig ay sinadyang ilakas upang marinig ng maraming nagdaraan. Hinigit ni Maciong ang kanyang balikat; tinutop ang kanyang bulsa; tumingala sa langit samantala’y patuloy ang usok ng kanyang sigarilyo at ang alingawngaw ng alukan at bilihan sa pamilihang kalye ay patuloy…

    Patuloy ang pagkiriring ng telepono. Ang pukpok na bakal sa hulo, sa liwasan ng lungsod ng Maynila, ay patuloy. Ang mga nagtatayugang gusali ay tila nagbabantang umabot sa rurok ng langit. Ang alimbukay ng aso ng alkohol sa lansangan ay nakahihilo, Tigb ang mga karitela, Punuan ang mga trambya. Humahangos ang mga tao sa lahat ng lansangan ng Maynila. Gumagalaw ang lahat ng bisig, ang lahat ng isip, ang buong katawan ng Maynila.