Category: Uncategorized

  • Limang Alas, Tatlong Santo

    Limang Alas, Tatlong Santo

    ni Amado V. Hernandez

    I
    May uwing panalunan si Manuel nang gabing yaon: P700. Mahigit nang ika-11:00 sa kanyang orasan. Alam niyang inip na sa paghihintay si Naty, ang kanyang asawa, at walang salang nagkakagutom na naman. Mapapanis ang hapunan ay di-kakain si Naty habang siya ay wala, batid ni Manuel.

    II
    Ngunit anumang sama ng loob ngayon ay maaaring malunasan, inaasahan ni Manuel sa sarili, pagkat ibibigay niya ang buong napanalunang P700. Ang halagang ito ay hindi magaan kitain, lalo na ngayong siya’y walang tiyak na hanapbuhay. Dalawang buwan nang nasasara ang bahay kalakal na pinapasukan ni Manuel, sampu ng umuwi sa Estados Unidos ang Amerikanong may-ari sa dahilang kukuha ng kuwalta, subalit hindi na nagbalik. Nag-iwan dito ng maraming utang pati ng ilang buwang sahod ng may 20 kawani, kabilang si Manuel. Kaya naiisip niyang bagaman siya’y ginabing lubha ay ipagpapaumanhin na ni Naty kung makita ang salaping uwi niya na sapat ng magdulot ng kaluwagan sa kanilang kasulukuyang kagipitan.

    III.
    Ang totoo si Naty ay hindi nanayag sa pagsusugal ni Manuel. Malimit na ito ang kanilang ipagkagalit. Nagugunita niyang sa may sampung taon nang pagsasama nila na ipinagkaroon ng tatlong malulusog na anak ay walang ibang dahilan ang anumang alitan nilang mag-asawa liban na sa pagsusugal ni Manuel. Kapag si Manuel ay hinatinggabi sa labas ng bahay, talastas na ni Naty na siya’y nagsugal. Pag si Manuel ay hindi nakabili ng mga ipinagbilin ng kanilang mga anak bago umalis kung umaga, alam ni Naty na siya’y natalo noong araw na yaon. Kapag si Manuel ay hindi maisama sa sine or sa nightclub, kahit minsan sa isang linggo man lamang, batid na rin niyang nahungkoy ang lahat ng salapi ni Manuel sa mesa ng poker. At simula na ang kanilang pagbabangay.

    IV.
    “Kung dangan kasi’y palagi ka sa kalye at hindi mo nalalaman ang nangyayari dito sa bahay. Ano ang kuwenta sa iyo kung kami’y mahipan ng hangin o manigas sa gutom. Ano ang malay mo kung magkano ang ibabayad sa koryente, sa tubig, sa rasyon ng gatas, sa labada, sa matrikula ng iyong mga anak. Wala kang inaasikaso kundi ang iyong sarili. Mayroon kang naisusugal ay ni hindi ko makuha ang rasyong bigas. Mayroon kang ipinatatalo ay nakasanla na pati ang kuwintas na minana ko sa aking nunong nabulok!”

    V.
    Matangi sa “ikaw naman” “manong magtigil ka na” at “ano bang sugal ang sinasabi mo?” si Manuel ay hindi gaanong nagsasasagot kay Naty. Si Manuel ay isang lalaking may kapusukan sa kanyang kapwa lalaki; ngunit lagi siyang mapagpaumanhin sa kanyang asawa. Lasong-lason sa loob niya ang marinig ng kanilang mga anak na sila’y nagtatalo o malaman kaya ng mga kapitbahay na sila’y di nagkakasundo. Dinaraan niya sa lamig palibhasa’y hindi kaila sa kanya na ang isang babaeng nagagalit ay walang iniwan sa isang rabentador na putok nang putok ay hindi naman nakakasakit. Saka may subo ba ang sinaing na hindi naaawat at natapos sa mabangong aso ng isang isang pinggang kanin?

    VI.
    Si Manuel ay hindi naman isang manunugal na talaga. Ang sugal ay hindi isang bisyo niya, manapa’y isang libangan. Gaya rin ng alak, marunong siyang uminom at umiinom siya tuwing mapapasubo sa pagtitipon ng mga kaibigan, nguni at kailan man ay hindi siya napainom sa alak. Hindi pa siya naaalaalang umuwi siya ng bahay na lasing. Naglalaro siya kung nakakayag, ngunit hindi panay. Maari siyang maging kapupunan sa mesa ng mahjong o poker; nakikipagsapalaran siyang manakanaka sa blackjack o hearts. Kung minsan, kung may tip na sigurong plantsado ng nag-abuloy sa kanya, siya’y nagpaparaan ng ilang oras sa Manila Jockey Club, o sa Sta. Ana Racing Tracks kung linggong may karera. Datapwa’t siya’y hindi malakas ni subo. Kahanga-hanga ang kanyang pagpipigil sa sarili. Bihira siyang lumagpas sa puhunang P100 maging sa poker o sa mahjong o sa karera o sa jai alai. Kung matalunan siya ng isang daan ay kagyat na tumitigil na, at kailanman ay hindi niya tinangka o pinagpilitan habulin, bawiin ang halagang natalo na. Talos niyang may mga araw na sadyang malas at ang pagpipilit ay lalo lamang ikababaon. Ang pagkakabaon sa sugal ay isang kasawiang kalungkot-lungkot, at may matibay na panata si Manuel na ito’y huwag mangyari sa kanya kailan man.

    VII.
    Bukod pa sa rito, may palagay siyang kung ang sugal ay isang sakit ng kapisanan o ng isang bahagi ng kapisanan, ang sakit na kaipala’y hindi na malulunasan. Maaaring itulad sa pagbibili ng aliw na isang karamdamang matanda pa kaysa kasalukuyang sibilisasyon. Madalas niyang masabi na talagang mahirap sugpuin ang sugal at nabanggit niyang pati ang tunika ni Hesukristo ay pinagsugalan ng mga Hudyong naghuhubad at lumapastangan sa kanya. Sa ganang kay Manuel, magiging tapat at hindi kabilanin ang pamahalaan kung pagkakalooban ng lisensiya ang mga bahay-sugalan at club na ngayo’y pinagbabawal, at komisyon sa mga larong libangan, gaya ng sabong, jai alai, karera at sweepstakes. Sa gayong paraan maiiwasan ang suhulan at pagmamalabis at ang gobyerno nama’y makakapagpairal ng iisang batayan lamang ng pakikitungo sa lahat ng uri ng sugalan at sapalaran na di paris ngayong gumagamit siya ng tinatawag na double standard o sa lalong maliwanag na pamamaraang “sa pula, sa puti.”

    VIII.
    Naglaro sa isipan ni Manuel ang mga tinurang isipin habang siya’y nagdudumali sa pag-uwi na lulan ng isang taksi. Subalit higit kaysa ibang paksa ng pagbubulay-bulay ay pabalik-balik sa gunita niya kung papaanong nanalo siya sa poker ng P700. Ang akala niya ay talo na naman siya gaya ng karaniwan. Wala na ang P85 sa P100 labas niya. Di niya inaasahang siya’y makababawi man lamang. Ngunit walang anu-ano’y kinasihan siya ng suwerteng pambihira, sa tatlo o apat na huling “deal”. Sa isang karaniwang “senatorial” na sinalihan ng lahat ng anim na magkakaharap sa mesa ng poker, ang P15 niya ay naging P90. Sukat ba namang sa “senatorial” na sinalihan ng anim ay nanalo ang “trio de king” lamang hindi nagkaroon ng “flush” ni “straight”. Ang sumunod na “deal” ay “locktail” at natodo na naman ang P90, ngunit dalawa lamang ang “call” at siya ay kumabig uli sa pamamagitan ng “full house”. Ang ika-apat na baraha sa “obligado” ay “jack” at ang kasama ay isang “nueve” at isang “seis”; may hawak siyang dalawang “jack”, samakatuwid pagdating ng “jack” ay mayroon na siyang “highest trio”. Ang ika-limang baraha ay “duplicacion” ng “nueve” kaya siya ay nakayari ng tatlong “full de jack con nueve”. Sa kabila ng “red cross” ay “colapso” at “trio de dos” lamang ang pinakamataas. Kaya nasamsam niya ang buong “pot” na umaabot sa P300.

    IX.
    Ang pangatlong deal na naging “sensacional” ay “eight cards stud, choose your wild”. Kinakanan niya ang dealer. Pagdating sa ika-limang karta ay “good” na ang dalawang alas na nakataob. Samantala sa kinakaliwa niya ay may isang alas na nakabilad din ang “dealer” ay isang pang alas na “bistado”. Ang kinakanan ng “dealer” ay may “perde buen”. Ang “pas de buwan” ay nagmanda ng P120 na kasinglaki ng “pot”. Ang dealer ay matunong na nagsabi ng “good” ngunit si Manuel ang kanyang kinakaliwa ay kapwa “call”. Sa ika-anim na baraha’y dinatnan ni Manuel ng isa pang siyete; kaya siya ay may “par” na ring “ala vista”, bagamat mataas pa rin ang “par de buen” na dinatnan ng isang “king”. Ang kanyang kinakaliwa ay tiyak na may “royal” pagkat ang alas na espada ay natambalan ng isang “jack” at “diez” na espada rin. Ang “par de queen” ay tumaya ng P180 na parang tinapatan ang nalalabing kuwalta niya sa harap at kahit alanganin at alam niyang malamang ang kanyang katalunan kaysa kapanalunan, ay waring nagpanting ang kanyang tainga at itinulak na rin ang P180 sa kanyang harapan. “Call” ang mataginting na sagot ni Manuel. Ang “royal” sa kaliwa ay sali na rin, pagkat talagang “muerta natural.” Ang ika-pitong baraha niya ay isang “cinco” kaya hindi nagkaroon ng anumang “improvement.”

    X.
    Tago ang huling baraha “ang babala ng dealer” at idinulot sa kanya ang pangwalong baraha. Halos wala na siyang pag-asa. Gayunman, hindi maikubli ang panginginig ng kanyang mga daliri na dinampot ang huling “karta”, ipinailalim sa tatlong hawak niya, saka marahan at buong pananabik na pinintahan. Anong laking suwerte! Ang dumating ay isang siyete, ang kahuli-hulihang siyete, kaya siya’y nakayari: “Quinto de aces” o limang alas na siyang pinakamataas na “karta” sa “choose your wild”, ang “par de queen” ay nakayaring “quinto de queen” at ang kinakaliwa niya ay “royal” nga.

    XI.
    “Your money” at halos panabay na saad ang dalawang kalaban nang makitang inilahad ni Manuel ang dalawang alas at tatlong siyete. At nakatawa niyang kinabig ang lahat ng kuwalta. Nang bilangin niya ang inabot ng kanyang P15 ay kulang kulang na P1,000 pagkaraan ng tatlong “deal” lamang. Tinawag niya ang “waiter” at nagpakuha ng isang kahong “koronas” na alhambra at isang dosenang botelya ng serbesa; pinatakbo’t pinainom pati ng mga miron na parapara nilang mga kaibigan.

    XII.
    Isa pang round at nagka-ayawan na pagka 11:00 na halos ng gabi. Namahagi si Manuel ng kaunting balato at ang natirang malinis niyang pinanalunan ay P700 na kanyang ibinukod habang matuling tumatakbo ang taksi na patungo sa kanyang inuuwian.

    Pagtigil ng taksi sa tapat ng kanilang bahay ay si Naty na rin ang nagbukas ng pinto kay Manuel; wala ang dating ngiti at giliw ng mukha; sa halip ay nakamungot at nanlilisik ang mga mata.

    XIII.
    “Ano, hinatinggabi ka na naman sa sugalan!” ang padarag na bati sa kanya.
    Magsasalita sana si Manuel at magpapaliwanag, isasalaysay sana niya ang nangyari, datapwat hindi siya binigyan ng daan ng asawa.

    “Pihong natalo ka na naman, nalimas na naman ang iyong salapi,” ang patuloy ni Naty. “Halika,” at siya’y mahigpit na hinawakan sa isang kamay, pahilang inakay hanggang sa kabahayan sa itaas at halos pakalakad na ipinasok sa kanilang silid dalanginan.

    “Nakikita mo ba ang mga santong iyan?” ang tanong ni Naty at itinuro kay Manuel ang imahen ng Sagrado Corazon de Jesus, ang Nazareno at ang Mahal na Birhen na nakapaloob sa tig-isang sisidlang kristal na naiilawan ng tig-isang kandila. Ang tatlong santo ay tahimik na pinagmalas ni Manuel.

    “Hindi ka maaaring manalo sa sugal,” ang wari’y hatol na sinabi sa kanya ni Naty. “Imposible! sa sandaling maiisip kong nagsusugal ka ay dagli akong lumuluhod sa harap ng tatlong poong iyan at idinadalangin kong kahimanawari’y matalo ka.”

    Ipinagdiinan pa mandin ng babaing nagagalit ang mga katagang “idinadalangin kong kahimanawari’y matalo ka” at sinundan ng irap si Manuel na parang sinabing “nakita mo na”

    XIV.
    Hindi humuma si Manuel, ngunit marahang idinukot ang kanyang kanang kamay sa bulsa ng kanyang pantalon at sinalat at hinaplos ang bilot ng mga papel de bangkong ang P700 na kanyang napanalunan. At sa malamlam na liwanag ng mga kandila sa silid ng kaunting matuptop ni Naty ang isang makahulugang ngiting namulas sa kanyang mga labi. Natiyak ni Manuel sa kanyang sarili na mapaghimala man ang tatlong santo ay lalong mabisa at makapangyarihan kaysa kanila ang limang alas sa ibabaw ng mesa ng poker.

    XV.
    Kinabukasan, ng mabuti-buti na ang ulo ni Naty ay inabot ni Manuel sa kanya ang P700 at sinabing nasingil niya ang bahagi ng kanyang suweldong hindi nabayaran. Hindi ipinagtapat ni Manuel na yao’y panalunan sa poker pagkat ayaw niyang mapahiya ang tatlong santo sa kanyang asawa.

  • Kristal Na Tubig

    Kristal Na Tubig

    ni Antonio B. L. Rosales

    I.
    Sa malinaw na tubig ng ilog ay nasisinag niya ang isang larawan ng kamusmusan. Kinalawkaw niya ang tubig at nagsingsing-singsing ang mumunting alon…na nagpalabo sa larawan. Makailang saglit ay nanumbalik ang katiningan, ang nabulabog na tubig ay luminaw at muli niyang nasalamin ang kaayaayang larawan ng kamusmusan.
    “Bakit, Itay?” anang isang tinig-angel na nagmumula sa musmos na mukhang nakakatang sa kaniyang balikat at nakatanaw sa tubig. “Bakit, Itay, ang ating basong kristal, hinampas ko lang kahapon e nabasag na? Bakit ang tubig e hindi nabasag, ha, Itay?”
    Ang musmos na mukha ay pinupog niya ng halik.
    “Talagang ganoon, Anak.”
    At si Tasio ay napangiti.

    II.
    Dinampot niya ang sagwan, ang kristal na tubig ay umalimbukay sa hampas nito, at ang bangka ay itinabi niya sa pampang. Kinalong niya si Nene, marahang inilunsad at tinunton na nila ang landas na pauwi sa kanilang dampa’.

    Ang mga kasinungalingan ni Nene, ang sutsot ng hanging naglalagos sa kakapalan ng mga dahon, at ang awit ng mga ibon ay hindi na mapukaw sa diwa ni Tasiong nawala sa pagmumunimuni. Napakintal sa kanyang isipan ang kristal na tubig sa ilog, na kinasinagan niya sa isang larawan ng kamusmusan: sa mukha ni Nene. Napalimbag sa kanyang diwa ang musmos na katanungan ni Nene. A, ang kristal na tubig nga naman ay di nababasag, ni di nagkakalamat!

    Isang makahulugang ngiti ang namilaylay sa mga labi ni Tasio, na wari’y pinagitaw ng pagbubukang-liwayway ng isang katotohanan. Hamakin nga nila nang hamakin, dustain na nga nila nang dustain si Nene…ngunit ang dangal nito, ang kawalang-malay nito, ay kristal na tubig!

    III.
    Nakalapat na sa unang baytang ng kanilang hagdan ang kaniyang paa nang ang kristal na tubig ay lumabo at maparam sa kanyang dilidili. Pagkapanhik ng bahay ay hinubdan niya ng maruruming damit si Nene at sinuutan niya ng malinis. Sinuklayan niya, binigyan niya ng laruan, pinupog ng halik at tinungo niya ang batalan na dala ang maruruming damit. Ang malalaki’t magagaspang niyang kamay ay kakatwang malasin kung nagkukusot sa mumunting kasuutan ni Nene. Kung sabagay ay malimit na hinihingi sa kaniya ng mabait niyang kapitbahay na si Tandang Berta ang maruruming damit ni Nene upang siya na ang maglaba, ngunit si Tasio ay tumatanggi.

    “Kung buhay si Ninay ay ganito ang kaniyang gagawin,” ang naibubulalas ni Tasio kung pinapangatwiranan niya sa kaniyang sarili ang pagtanggi niya kay Tandang Berta.

    IV.
    Pagkatapos niyang maglaba ay inatupag naman niya ang mga gawaing kinagawian na niyang gampanan, ang mga bagay na”kung buhay lamang si Ninay ay siya rin nitong gagawin.” Sinulsihan niya ang mumunting damit ni Nene, pati na ang dati’y marikit na kasuutan ng manyikang ipinamasko ng isang nars kay Nene nang nakaraang Pasko.

    Kinagabihan, matapos niyang iligpit at hugasan ang kinanan nilang “mag-ama,” ay naupo siya sa sahig, gaya nang kanyang kinagawian, sumandal sa dingding at si Nene ay iniupo niya sa kanyang kandungan. Sinakit niyang sariwain sa gunita ang mga kuwentong malimit na ipinang-aliw nina Impong Teray at Apo Siano sa mga bata, mga kuwentong nauukol sa mga hari, mga prinsipe’t prinsesa, mga hayop na nagsasalita, mga duwende, at sarisari pang di matarok na mabuti ng kaniyang isipan…dangan at “kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kaniyang gagawin…”

    V.
    Dumalang-dalang ang pag-uusisa ni Nene, at ang kanyang musmos na mukha ay napapayukayok na sa pagaantok. Si Tasio ay tumayo at si Nene ay ipinagduyan niya sa kaniyang bisig. Ang mga kuwento ay nahalinhan ng mga awit na kagaya ng naririnig ni Tasio kay Tiya Sela kung ito’y may ipinagheheleng sanggol. Gumagaralgal ang kanyang tinig, kung saan-saang himig napapatungo ang kanyang kanta, dangan at “kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kaniyang gagawin.”

    Nang si Nene ay nahihimbing na ay inihiga niya sa banig na nakalatag sa kanilang sahig na kawayan. Mataman niyang minasdan ang musmos na mukha. Parang pinilas kay Ninay…

    May ilang taon na ang nakalilipas mula nang ang mukhang pinaghuwaran ng kaayaayang larawan ni Nene ay lagi na lamang niyang pinupupog ng halik. Sariwang-sariwa pa sa kaniyang gunita…Si Ninay ay ipinagkait sa kaniya hanggang sa napilit-pakasal sa iba. Nakararaan lamang ang isang buwan, ang mukhang yaon, kung di man uliran sa dilag ay lubha namang kaayaaya, lubhang kaibig-ibig sa kaniyang mga paningin, ay sumungaw sa pintuan ng kaniyang dampa.

    Si Ninay ay di na umalis pa sa dukhang tahanan ng maralita niyang talisuyo. Naisumpa na niyang matapos niyang isanla sa iba ang kaniyang katawan, ang puso niya ay siya naman niyang tatalimahin.

    VI.
    Si Tasio ay di nagpinid ng dibdib. Kinupkop niya si Ninay, sapagkat ang pag-ibig naman niya ay di nabibilanggo sa makitid na pagnanasa. Ay ano kung ang bungangkahoy ay naukit ng ibon nang mahulog sa kaniya? Nasa kay Ninay pa naman ang puso, nasa kay Ninay pa naman ang kaluluwa.

    Nang sumilang si Nene ay una siyang naratay sa piling ng isang bangkay, ng bangkay ni Ninay! Natuto siyang ngumiti, natuto siyang magsinungaling sa gitna ng pag-ismid ng isang buong nayon. Sibol sa katawan ng isang babaeng talipandas! Supling ng inaaruga ng makasalanang pag-ibig!

    Sa ulilang “mag-ama” ay lagi na lamang nakatudla ang mga mapang-uyam na paningin ng kanilang mga kanayon. Kung namamasid nila si Nene, sila ay napapaumis saka napapasulyap kay Tasio, nang may halong pagkutya.

    Sa harap ng ganitong paglibak at paghamak ng isang nayon ay ikinulong ni Tasio ang kaniyang sarili sa sarili niyang daigdig, upang doon ay mapagpala niya ang “pamana ng isang pag-ibig,” ang walang malay na si Nene. Kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kaniyang gagawin!

    VII.
    Kinabukasan, namimitak pa lamang ang araw ay nagbangon na siya, gaya nang kaniyang kinagawian. Sinimulan niyang tungkulin ang kaniyang “pagka-ama,” ang pagbabanat ng buto alang-alang sa ikabubuhay ni Nene, upang pagkatapos ay dulutan ng pagkakandili ng isang ina ang kulang-palang ulila.

    Ang pagsasabalikat ng mabibigat na tungkulin ng isang ama at ng isang ina, na pinalulubha pa ng malulungkot na alalahanin at ng pagtatakwil ng isang nayon, ay nahahalata sa namamayat nang pangangatawan ni Tasio. Kung gabi’y pinagpupusan siya. Kung sinasasal niya ang ubo ay napapatawag na siya kay Bathala, alang-alang sa walang malay na “pamana” ni Ninay.

    Nang mapauwi siya ng bayan, isang araw, may nakita siyang isang malaking trak na pinagkakalipumpunan ng mga tao. Samantalang nanonood siya’y nilapitan siya ni Kakang Terio.

    “Tasio, mabuti’y patingin ka riyan,” ang wika ni Kakang Terio.
    “Aba, ano ang patitingnan ko riyan?” ang patakang sagot ni Tasio. Ngunit nahila na siya ni Terio. Sinalubong siya ng ilang suot-nars at doktor. Nag-uulik-ulik man siya’y di na siya nakatutol. Hinubdan siya ng baro at sinilip sa isang parang pangkuha ng larawan, na ayon sa pagkarinig niya ay tinatawag na x-ray. Pagkaraan ng ilang sandali, siya’y kinausap ng doktor bago pinauwi.

    VIII.
    Pagkarating niya ng bahay, ang mga pisngi ni Nene ay walang nasalubong na matatamis na halik. Ang umuwi ng bahay ay isang bagong Tasiong wari’y nagmula sa isang mapanglaw na kabilang-buhay. Ibinagsak niya ang kanyang katawan sa isang bangko’ at doon ay napapako siyang kawangis ang isang bantayog. Nakatitig sa malayo ang kaniyang mga paninging tila di man lamang kumukurap. Maging ang kristal na tubig na lagi nang nakapupukaw sa kaniyang isipan ay nanlalabo na tila noon kung malasin niya sa kanyang gunamgunam.

    Si Nene, na naghahanap ng init ng kaniyang mga labi, ay lumapit at kumandong sa kaniya. Ngunit ang murang katawan ng ulila ay hinawakan niya at inilayo.

    “Malaki ka na Nene,” ang nawika niya sa isang tinig na siya man halos ay di makarinig.

    “Di ka na dapat pang halikan,” ang kaniya pang wika, na sinundan ng sunod-sunod na ubo. Sa kaniyang namamarak ng pisngi ay namalisbis ang luha. Si Nene ay napatingin kay Tasio, at tila ba dinadalumat ng kaniyang pahat na isipan kung ano ang nangyayari sa kaniyang “ama”.

    IX.
    Nang mapuna ni Tasio na siya ay pinagmamasdan ni Nene ay pinahid niya ang kanyang luha. Dinampot niya ang isang tagpi-tagpi ng damit nito at sinimulan niyang sulsihan. Ngunit ang kaniyang mga daliri ay lagi na lamang naduduro ng karayom. Kaya binitiwan niya ang damit at nanumbalik siya sa pagkatigalgal.

    “Maliit ka pa, Nene,” ang namulas sa kaniyang mga labi, ngunit siya lamang nakakarinig. Maliit nga at bata pa si Nene: tatatlong taon pa lamang. Ngunit musmos pa’y dinudusta na. Siya, siya lamang, si Tasio, sa kabila ng paglibak ng isang nayon ang tanging tagapagkandili ni Nene sa daigdig na ito, siyang tanging ama’t siyang tanging ina. At anang doktor…iilang buwan na lamang ang kaniyang buhay!

    X.
    Bigla niyang sinaklot si Nene at dinalang papanaog. Maglalakad siya, maglalakad ng maglalakad hanggang makatagpo siya ng mapapagkatiwalaan kay Nene. Naroon si Tiya Nena, na iisa ang anak. A, ngunit si Tiya Nena ay namumuhi sa kaniya. Sa bayan ay may isang mapagkawanggawa. Si Don Bartolo; maaandukha niyang mabuti si Nene, mapagbibihis ng maganda, mabibigyan niya ang marikit na laruan…Ngunit si Don Bartolo ay mayaman; si Nene ay hindi masisiyahan sa isang kakaibang daigdig. At si Nana Upeng? A, si Nana Upeng pa kayang maselan ang makakawatas kay Nene?

    Hindi maaari, hindi maaaring mawalan ng isa man lamang sa buong daigdig na ito na makakapagkalinga nang wasto kay Nene! Ngunit lahat na’y tila nagtatakwil kay Nene, at kung may tumatanggap man ay upang ipasok lamang siya sa isang daigdig na di niya nawawatasan at di nakakawatas sa kaniya.

    XI.
    Lumalatag na ang dilim nang ang “mag-ama’y” magbalik ng bahay. Si Tasio ay patang-pata. Si Nene naman ay natatalinghagaan sa mga kakaibang kilos ng kaniyang ama, na di maabot-abot ng kaniyang murang isipan.

    Nalalagas ang mga araw ay nauupos nang nauupos ang buhay ni Tasio. Ngunit di pa niya natatagpuan ang karapat-dapat na kamay na makakapag-kupkop sa kaniyang si Nene. Sa gitna ng kaniyang kasiraang-loob ay naisipan na niya tuloy ang dumulog sa mga magulang ni Ninay o dili kaya’y sa tinakasan nitong kaisang-puso, na siyang tunay na ama ni Nene…ngunit nangalisag ang kaniyang balahibo…hindi niya magagawa!

    “Iilang buwan na lamang!” anang doktor. At ngayo’y nakalilipas na ang ilang buwan. Nababanaagan na ni Tasio ang mapanglaw na wakas. Ngunit si Nene!

    XII.
    Si Nene ay itinakwil pa rin ng di nakawawatas na daigdig. Si Tasio ay natabunan na ng kasiraang-loob. Ang kaniyang puso’y nginangatngat na ng poot sa sangkatauhan. Kay lawak ng sangnilikha ay walang isa mang kaluluwang nakawawatas kay Nene, maliban sa kanya!

    Magdadapithapon na nang magunita niyang muli na naman niyang nakaligtaang dalhin si Nene sa ilog upang doon ay magtampisaw, mamangka at humanga sa kristal na tubig. Kaagad niyang binuhat si Nene at mabilis nyang tinungo ang ilog.

    Mabining umaagos ang tubig sa ilog. Ang lagaslas, ang mga ibon, ang hanging naglalaro sa mga dahon ng kahoy, ay nagsasaliw sa isang kaayaayang tugtugin ng kalikasan. Ang malamlam nang sinag ng araw ay tila ba nalulunoy sa tubig.

    XIII.
    Si Tasio ay napatigalgal. Ngayon lamang siya napuspos ng panggigilalas sa kalikasan. Napapako ang kaniyang paningin sa kristal na tubig. Biglang nagliwanag ang kaniyang mukha. May isa nang inang makapagkukupkop kay Nene!

    Kapagdaka’y dinampot niya ang batang nawiwili pa noon sa paglalaro sa buhanginan. Tinungo niya ang bangka at mabilis siyang sumagwan.

    “Natagpuan ko rin ang kaligtasan!” ang kaniyang bulalas.

    Pagdating sa gitna ay itinigil niya ang bangka. Hinawakan niya si Nene, itinaas … ilang iglap pa’y nalagak na ito sa sinapupunan ng Inang Kalikasan….Ngunit napatitig siya sa kristal na tubig. Nasinag niya ang larawan ng kamusmusan. Nagunita niya ang musmos na katanungan ni Nene. Batuhin man nang batuhin, yurakan man nang yurakan, ang kristal na tubig ay di nababasag. Bakit niya katatakutang maiwan sa isang mapanlibak at di nakawawatas na daigdig ang isang walang malay na si Nene kung ang puri’t dangal nito’y kristal na tubig?

    XIV.
    Siya namang paghihip ng hanging may inihahatid na isang awit, ang awit ng isang inang may ipinagheheleng sanggol. Napatitig siyang muli sa kristal na tubig. Nasinag niya ang isang matamis ngunit malungkot na gunita: si Ninay. Ang lagaslas ng tubig, ang awit ng mga ibon, ang sutsot ng hangin ay naitaboy sa kaniyang pandinig ng awit ng inang may ipinagheheleng sanggol.

    Ibinaba niya si Nene at hinawakan niya ang sagwan. Ang kaniyang mga tikhim, na nabubunot sa isang maysakit na dibdib, ay sumasalit sa mga hampas ng sagwan at sa sagitsit ng bangka sa kristal na tubig, samantalang sa hangin ay patuloy na nagduruyan ang awit ng ina. Sumadsad ang sasakyan sa pampang, kinalong niya si Nene, ipinagduyan niya sa kaniyang mga bisig, saka ang gumagaralgal niyang tinig, na halos naiimpit ng nangangapos niyang hininga, ay sumaliw sa awit ng inang may ipinagheheleng sanggol.

    “Kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kanyang gagawin…”

    Si Antonio B. L. Rosales ay ipinanganak noong 13 Hunyo 1913 sa Intamuros, Maynila; naging pangulo ng Ilaw ng Bayan; kasapi sa Manila Press Club at Ilaw ng Panitik; nag-aral sa Mapa High School at Far Eastern University; inihayag na 11 kuwentista ng 1937.

  • Ang Balikbayan Box ni Doray

    Ang Balikbayan Box ni Doray

    ni Percival Campoamor Cruz

    Ayon sa Greek mythology, si Pandora ang unang babaeng nilalang, na nilikha ni Zeus upang maging bukal ng lahat ng masasama at mabubuti sa mundo. Ginawa siyang tagapagtago ng isang kahon, na dapat ay di niya bubuksan; subali’t naging maging mausisa si Pandora, binuksan niya ang kahon, at agad-agad, ay kumalat ang sakit, inggit, pagdaraya, pagnanais, galit at lahat ng masasama. Isang bagay lamang ang naiwan sa loob ng kahon – ang pag-asa.

    Tatlong taong nakipagsapalaran sa Amerika si Doray. Nilisan niya ang Pilipinas at ang minamahal na pamilya sa pag-asang makahahanap ng higit na magandang kabuhayan at kinabukasan sa “lupa ng gatas at pulot-pukyutan”. Isa siya sa maraming pinalad na pinagkalooban ng U.S. Embassy, sa Maynila, ng visa upang makapamasyal sa Amerika bilang turista. Ang pahintulot na ito ay may bisa lamang nang anim na buwan; samakatuwid, pagdating ng takdang panahon, ang turista na pinagkalooban ng visa ay inaasahang lilisanin ang Amerika at babalik sa Pilipinas o alin mang pinanggalingang bayan. Isa rin si Doray sa marami nating kababayan na, sa halip na bumalik sa Pilipinas, ay nagpasiyang “magtago” at makipagsapalaran sa Amerika.

    Nakataguriang “TNT” ang mga kababayan nating katulad ni Doray, na ang ibig sabihin ay “tago nang tago”. Bagama’t hindi sila pinag-uukulan ng panahon at pinaghahanap na isa-isa ng mga kawani ng Immigration, kaugnay sa paglabag sa pinag-aatas ng visa, hindi rin sila maaaring lumantad o maging pansinin, at baka ang makaaalam sa kanilang katayuan ay magsumbong sa Immigration at sila ay madakip.

    Ang mamuhay nang nag-iisa at malayo sa mga minamahal sa buhay ay mabigat na
    pagsubok sa katatagan ng layunin at tibay ng loob ng isang nilalang. Lalo na kung ang kinaroroonan ay hindi inibig na puntahan, kundi ito ay atas lamang ng pangangailangan.

    Sa simula, ang buong panginorin ay kakaiba sa iyong kinagisnan at dati’y nakikita sa araw-araw. Iba ang hugis, kilos, tunog at amoy ng mundong ngayon ay bumabalot sa iyong katauhan. Kailangang ikaw’y managumpay sa pagka-ilang, pagkatakot, at pangungulila. At bagama’t ang pagkakaunawa sa bagong mundo ay dumarating nang unti-unti, sa paglipas ng sapat na panahon, ang taong “nakakulong” sa pook na hindi angkop sa kanya ay nagiging bihasa at handa sa pakikibaka.

    Magiliw na tinanggap si Doray, bilang panauhin sa tahanan ng kanyang pinsan na si Rosemary, sa Los Angeles . May isang guest room si Rosemary na masayang ipinagamit sa kanya habang siya ay wala pang tiyak na matutuluyan. Ipinasyal siya ng pinsan sa Disneyland, at makailang ulit, sa baybay-dagat ng Sta Monica. Ipinagamit sa kanya ang telepono, upang makausap ang asawa at mga anak, na naiwan sa Pilipinas. Ipinagmaneho siya sa ilang pinuntahang appointments kaugnay sa paghahanp ng trabaho. Isinama siya sa mga dinners sa restaurants. At sa loob ng isang buwan ay nabuhay siya sa California, sa Amerika, sa pagtatangkilik ng mabait na pinsan. Sinuklian naman ni Doray ang kabaitan ng pinsan sa pamamagitan ng paglalaba at pagpaplantsa sa mga damit ng mag-asawa at sa pag-aayos sa mga gamit sa magulong garahe, bukod pa sa pagluluto at paglilinis ng bahay.

    Isang umaga, habang nag-aalmusal si Rosemary, kasabay ang asawang Amerikano, ay naulinigan ni Doray mula sa kanyang kuwarto na ang mag-asawa ay tila nagtatalo.

    — Please be more understanding, — mahinang sabi ni Rosemary sa asawa.

    — How much longer are we gonna pay for her food and electricity and gasoline? Why can’t she stay in the hotel, Im sure she can find a cheap one. —

    — You don’t understand, — pakiusap ni Rosemary sa asawa.

    Nguni’t matigas ang asawang Puti, — What is the part of paying costlier bills that you don’t understand? —

    Paglisan ng mag-asawa nang umagang iyon, patungo sa kanilang trabaho, ay gumayak na si Doray na lisanin ang lugar na kanyang naging pansamantalang tahanan sa humigit kumulang na isang buwan, batay sa narining na usapan ng mag-asawa. Kahi’t na hindi niya alam kung saan siya patutungo, dahil sa narining ay nagpasiya na ipagpatuloy ang kanyang paglalakbay.

    Tinawagan ang pinsan sa telepono upang ipaalam na siya’y may nahanap nang lilipatan, kahi’t na wala pa, at nagpaalam dito at nagpasalamt sa kanyang kagandahang- loob. Bago lisanin ni Doray ang tahanan ni Rosemary ay nag-iwan siya ng isang liham na may kalakip na $100 na nagsasaad nang ganito: Hindi man sapat ang halagang ito upang mabayaran ang lahat ng kabutihang ibinigay mo sa akin, ay maluwag sa loob ko na iwanan ang maliit na halaga na aking makakayanan; salamat sa iyo at kay John; tatawag ako sa iyo upang ipaalam ang aking katayuan.

    Nagkapalad naman si Doray, na sa paglipas ng dadalawang araw pa lamang mula sa paglisan niya sa bahay ni Rosemary, ay nabigyan siya kaagad ng trabaho sa isang tahanan na may maliit na batang nangangailangan ng taga-alaga.

    Malimit na pangtawid-gutom ni Doray ang isang supot ng mansanas na kanyang nilalasap-lasap sa kanyang maliit na silid kapag nag-iisa. At kahi’t na ang mga mansanas ay mapupulang-mapupula at busog na busog sa katas, mababango at kanais-nais ang amoy, ang lasa ng mansanas sa panglasa ni Doray ay isang prutas na mapakla na ang dagta ay naiiwan sa bibig. Pumapatay sa kanyang gana sa pagkain at pumipigil sa kanya na magkaroon ng kasiyahan at sigla sa kanyang bago at kanis-nais naman na karanasan sa Amerika ay ang kanyang pangungulila sa mainit na yakap ng asawa at mga anak.

    Sila’y naiwan sa Pilipinas. Si Mario, na dalawampung limang taon na niyang katuwang sa buhay, ay namamasukan sa City Hall ng isang malaking lungsod bilang assistant. Ang panganay na anak na si Susan ay nasa kaligitnaan ng pag-aaral sa kolehiyo. At ang bunsong anak na si William ay nagsisimula pa lamang sa kolehiyo. Kung aasa lamang sa kinikita ni Mario ang pamilya ay hindi sapat iyon na magkaroon sila ng maginhawang buhay at mapag-aral pa ang mga bata sa kolehiyo. Mapalad sila sapagka’t ang ina at ama ni Doray ay malalakas pa at may kaunting kinikita. Sinasagot nila ang ano mang kakulangan sa pangangailangan, katulad ng pagkain sa mesa. Kinukupkop din nila ang pamilya ni Doray sa kanilang tahanan. Kung kaya’t libre na ang upa sa bahay.

    Nang bagong dating si Doray ay lungkot na lungkot siya. Malimit ay napapaiyak kung nag-iisa. Nawala sa kanyang piling ang asawang karamay sa araw-araw sa gawain at pagsubok sa buhay. Nawala ang bulungan nila ng matatamis na salita, ang haplos at yakap ng asawa pagsapit ng oras ng pagtulog. Gawi niyang ipaghanda ng damit at baon ang dalawang anak sa tuwing umaga na papasok sila sa eskwela. Pag-uwi nila sa hapon ay sabay-sabay silang nanonood ng tv, pagkatapos pagsaluhan ang hapunan. Paminsan-minsan ay pinuputulan niya ng kuko ang anak na lalaki o di kaya ay sinusuklay ang buhok ng anak na babae habang sila’y nagkukuwentuhan. Maliliit na bagay, nguni’t bahagi silang lahat ng kanyang alaala ng isang buo at masayang pamilya.

    Nagpapalungkot din sa kanya ang alaala ng mga bagay na likas sa iniwang pook, sa Baranggay Sta. Quiteria, na malapit sa Tandang Sora. Pagbubukang- liwayway ay lumulutang sa himpapawid ang tilaok ng manok, na tila tahimik na musika na bahagya nang pumupukaw sa mga natutulog. Ang mga unang maririnig sa umaga bukod sa tilaok ng manok ay ang mga huni ng mga ibon, ang atungal ng aso, ang palayaw ng mga nagtitinda ng pang-almusal – “Taho!” . . . “Mais!” . . . “Puto!” . . . “Pandesal!” At habang gumigising ang lungsod at gumagayak sa isa na namang bagong araw ay umiingay ang paligid sa sama-samang konsyerto ng mga hayop, ng masasayang hiyawan ng mga batang naglalaro, ng kuwentuhan at halakhakan ng mga lalaki at babae, ng himig ng mga sasakyan sa highway at ugong ng tren sa di kalayuan. Nakalulungkot alalahanin ang magkahalong amoy ng simoy ng hanging galing sa dagat at ang sari-saring amoy ng lungsod, kanais-nais man o hindi.

    Nguni’t alang-alang sa mga minamahal sa buhay at sa kanilang ikabubuti ay pinili ni Doray ang hamon ng pag-iisa at kalungkutan. Pinatibay niya ang kanyang kalooban at pinatatag ang pagkatao upang siya’y magtagumpay sa mga pagsubok sa banyagang lupa na piniling maging pangsamantalang tahanan.

    Ang akala ng mga tao sa Pilipinas ay pumupulot ng pera sa kalsada ang mga kababayang nasa Amerika. Malungkot at mahirap ang buhay sa Amerika. Kahi’t na masagana ang pagkain at madaling makabibili ng mga karangyaan sa buhay, gaya ng damit, awto o bahay man, wala namang panahon ang mga tao upang makapagpahinga, makapagbakasyon, makapag-aliw kasama ng pamilya, sapagka’t ang lahat ng oras ay oras para sa trabaho. Kayod nang kayod ang mga kababayan nating nasa Amerika, sa kabila ng akala na sila ay laging nag-aaliw at nagpapasarap lamang at namumulot ng pera sa daan. Kayod nang kayod upang makabayad sa mga utang at makapagpadala ng pera at pasalubong sa mga kamag-anak na nasa Pilipinas. Kayod nang kayod upang maka-ipon at nang, pagkatapos nang mahabang
    panahon, ay makapag-retiro at makabalik sa Pilipinas.

    Sabihin nang napapaligiran ng karangyaan at masasarap na pagkain at magagandang tanawin ang ating mga kababayan sa Amerika, sila nama’y pagal sa trabaho at lipos ng kalungkutan dahil sa sa pag-iisa.

    Nang si Doray ay nagsimula nang kumita bilang nanny, sapagka’t siya ay live-in nanny, libre ang kanyang pagkain at board and lodging at di niya kinailangan na gumastos sa transportasyon, siya’y nag-iiwan lamang ng maliit na bahagi ng kanyang kinikitang dollars para sa kanyang sarili; at halos lahat ng kinikitang dollars, ay ipinadadala sa asawa’t anak.

    Naging ugali ni Doray, sa buwan-buwan, bukod sa salapi, ang magpadala ng balikbayan box sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Ang balikbayan box ay isang kahong yari sa karton, na ang sukat ay 60 x 30 x 30 na pulgada. Pinupuno ito ng sari-saring bagay – gamit sa bahay, canned goods, chocolates, damit, appliances, libro, at ano pa mang bagay na ibig ibahagi ng nagpapadala sa kanyang mga minamahal sa buhay sa Pilipinas. Ito ang pinakamatipid na paraan ng pagpapadala ng regalo sa Pilipinas. Limampung dolyar ang bayad sa bawa’t kahon at ang timbang ay hindi tinutuos ng cargo company. Kahi’t gaano kabigat ang kahon, at kahi’t na ano ang laman ng kahon (maliban sa kung ang laman ay labag sa batas) ito’y inihahatid ng cargo company sa pintuan ng alin mang tahanan sa ilipinas, at ang bayad sa serbisyo ay limampung dolyar lamang, walang labis, walang kulang.

    Sa kanyang minamahal na asawa ay palaging may padala, sa pamamagitan ng balikbayan box, si Doray na magagarang polo shirts, mga pantalon, relo at pabango, na bawa’t isa ay may tanyag na tatak. Naging makisig si Mario sa paningin ng mga babaeng kasama sa trabaho, sanhi ng mga kasuotan at alahas na “Made in USA”, at idagdag sa kisig ay ang bisa ng salaping galing kay Doray, nagiging kaakit-akit na chickboy si Mario. Halos gabi-gabi ay may isinasama siyang kaibigang babae na inaaliw sa disco at night club, at doon niya inuubos ang mahabang oras at salapi. Humantong ang ganitong pamumuhay sa dako na nahumaling si Mario sa isang ka-opisinang babae, at hinimok niya ito na makipag-live-in sa kanya, lingid sa kaalaman ni Doray at ng mga anak niya. Naging palalo si Mario at hudas sa kanyang mapagtiis na asawa.

    Sa anak na babae na si Susan, ang laging padala sa balikbayan box ni Doray, ay ang mga libro at magasin na makatutulong sa kanya sa kanyang pag-aaral ng nursing sa kolehiyo. May kalakip din sa balibayan box na mga music cds at dvds ng mga pelikula na mapaglilibangan ng dalagita.

    Sa dahilang wala ang ina sa kanyang paligid, at ang tatay ay wala sa bahay sa tuwina, naging mapagpabaya si Susan sa kanyang pag-aaral. May mga araw na, sa halip na pumasok sa eskwela, ay naglalagi siya sa mall, kasama ang mga kaeskwela, upang doon mag-aksaya ng oras. May panahon din na uubusin niya ang maghapon sa kanyang silid o sa bahay ng isang kaibigan at doon ay manonood ng pelikula sa tv o makikinig sa kanyang mga cds na walang pakundangan. Malimit na siya ay punahin ng lola at lolo at paalalahanan na dapat ay ituon ang pansin sa kanyang pag-aaral, nguni’t naging bingi sa pangaral at mapaghimagsik si Susan.

    Sa anak na lalaki na si William, nag-ipon si Doray ng sari-saring bahagi ng isang motorsiklo, at ang mga ito’y isa-isang ipinadala sa pamamagitan ng balikbayan box. Sa tiyaga at haba ng panahon ay nakabuo ng isang motorsiklo si William. Naging pang-araw-araw na transportasyon niya ang maganda at matulin na motorsiklo. Gamit niya ito sa pagtungo niya sa eskwela at sa pag-uwi sa hapon. Maingat magpa-andar ng motorsiklo si Wiliam. Nguni’t hindi sapat ang pag-iingat kung may nagbabadyang kapahamakan. Minsan ay may taxi na nakasagi kay William. Napatilapon siya mula sa motorsiko at bumagsak sa kalye na una ang ulo. Nabagok ang kanyang ulo sa aspalto at nawalan ng malay. Salamat na lamang sa Diyos at hindi nasagasaan ng mga dumadaang sasakyan si William, habang ito ay nakahandusay sa kalye. Tumigil ang mga sasakyan at may mabubuting tao na tumulong sa kanya. Nadala siya sa ospital, nalapatan ng emergency procedure at nakaligtas naman sa muntik na kamatayan.

    Sa mga balikbayan box na ipinapadala ni Doray sa pamilya, laging may nakasingit na chocolates, cookies, corned beef, junk food, at iba’t iba pang pagkaing-Amerikano, na nakasiksik sa sulok-sulok ng kahon. Ang kanyang ina naman na si Aling Tessie ang nagtatamasa sa mga padalang ito, sapagka’t mahilig siyang magkakain ng tsitsirya. Di malaon ay nagkaroon ng mga sintomas ng diabetes at blood pressure si Aling Tessie, at ito ay natiyak ng doctor na sumapit na nga kay Aling Tessie, nang siya’y kumunsulta sa klinika. Nagkasakit si Aling Tessie sanhi ng pagkain ng matatamis at maaalat na pagkaing mula sa Amerika.

    Naging larawan ng pag-unlad ang pamilya ni Doray. Batid ng mga kapitbahay ang biyayang dumarating mula sa Amerika na nakapagpaluwag sa kabuhayan ng mag-anak. Hindi maitatago ang sunud-sunod na dating ng mga balikbayan box sa tahanan ng pamilya ni Doray. Ang bulag lamang ang di makapapansin sa mga dumarating na malalaking kahon na matingkad na dilaw ang kulay at kinakailangang dalawang lalaki ang bumubuhat dahil sa bigat ng mga ito. Ang mga kapitbahay, dahil sa matinding inggit, ay naging malamig ang pakikitungo sa mag-anak ni Doray.

    Ang balikbayan box ni Doray ay naging bukal ng paglililo at pagdaraya ng asawa, ng paghihimagsik at kapabayaan ng anak na babae, ng kapahamakan ng anak na lalaki sa motorsiklo, ng sakit ng ina, at ng inggit ng mga kapitbahay. Ang pakay niya ay makapagdulot ng ligaya, kabutihan at ginhawa, ang maibahagi sa mga minamahal sa buhay ang maliliit na pilas ng America; upang maranasan nila, nang bahagya man lamang, ang lasa ng “gatas at pulot-pukyutan”. Nguni’t ang naging bunga nito ay hilahil at kasamaan.

    Natakot si Doray sa nangyayari sa kanyang pamilya. Nabahala siya sa sunud-sunod na suliranin at kapahamakan na dumating sa kanyang mag-anak. Naramdaman niyang ibig na niyang bumalik sa Pilipinas, upang magampanan niya ang papel ng isang ina at makagawa siya ng mga hakbang upang mapigilan ang patuloy na paglubog ng kanyang pamilya sa malalim na balon ng kapahamakan.

    Isang araw ay may dumating na limang balikbayan box sa tahanan nina Doray sa Sta. Quiteria. Tuwang-tuwa ang mag-anak ni Doray na mayroon na namang dumating na maraming magagandang padala ang nagsusumakit na ina sa Amerika. Hindi pa nakikita ang laman ng mga kahon ay napapangarap na ni Mario ang mabibikas na damit at sapatos na maipagmamayabang sa mga kaibigan. Nananabik naman ang anak sa mga dvd ng pelikula, at ang kanyang ina at ama, sa mga corned beef na pabortio nilang pang-almusal. Nang buksan ang mga kahon, ang nakita ng pamilya na nilalaman ng mga kahon, ay mga lumang damit na pambabae, mga lumang sapatos at handbag, mga gamit sa kusina, mga retrato at sari-saring abubot na pambahay. Malaking sorpresa! Ano ang ibig sabihin nito, naisip ng bawa’t isa.

    Kumililing ang telepono at may long distance call mula sa Los Angeles. Si Doray ay nasa linya.

    — Mario, — sabi sa asawa, — uuwi na ako; ang arrival ko ay sa Miyerkoles na darating. Sunduin ninyo ako sa airport. Ang dumating na mga balikbayan box ay naglalaman ng mga kasuotan ko at sari-saring gamit na personal. Ipakilagay na lamang sa kuwarto natin ang mga kahon at ako na ang maglalabas at mag-aayos sa mga nilalaman nila pagdating ko diyan. Kumusta si Susan? Si William? Ang tatay? Ang nanay?

    Namutla at nagitla si Mario sa naririnig at nakikitang pangyayari. Ang mga bata naman ay nangingiti sapagka’t kahi’t hindi inaasahan ang mga pangyayari, maluwag sa loob nila na wala nang tatanggaping pasalubong sa pamamagitan ng balikbayan box mula noon, kung ang ina naman nila ay uuwi na. Wala nang pasalubong na hihigit pa sa pagbabalik ng isang napawalay na ina.

    Sa huli ay napagtiyak ni Doray na ang mahalaga sa buhay ay ang pagkakaisa ng kanyang mag-anak. Mahalaga ang salapi at mahalaga rin ang karangyaan, nguni’t ang mga ito ay hindi maaaring maging kahalili ng pagsasama-sama ng pamilya, sa hirap man at sa ginhawa. Mahalaga ang pagiging nandiyan ng isang ina sa tuwing siya ay kailangan ng asawa at anak. Mahalaga ang pagbabantay sa pamilya, bilang ina, at ang pagpapanatili na nagliliyab ang ilaw ng tahanan na nagbibigay-gabay sa landas na tinatahak.

  • Ang Diwata Ng Ilog Pasig

    Ang Diwata Ng Ilog Pasig

    ni Percival Campoamor Cruz

    May awitin na hindi mawawala sa alaala ng mga Tagalog sapagka’t ang magandang himig at titik ay nakahuhumaling, at ang pag-iibigan ng taong-bayan at ng Ilog-Pasig ay hindi magmamaliw.

    Kung gabing ang buwan
    sa langit ay nakadungaw;
    Tila ginigising ng habagat
    sa kanyang pagtulog sa tubig;

    Ang isang larawang puti at busilak,
    Na lugay ang buhok na animo’y agos;
    Ito ang Mutya ng Pasig,
    Ito ang Mutya ng Pasig.

    Sa kanyang pagsiklot a maputing bula,
    Kasabay ang awit, asabay ang tula;

    Dati akong Paraluman,
    Sa Kaharian ng pag-ibig,
    Ang pag-ibig nang mamatay,
    Naglaho rin ang kaharian.

    Ang lakas ko ay nalipat,
    Sa puso’t dibdib ng lahat;
    Kung nais ninyong akoy mabuhay,
    Pag-ibig ko’y inyong ibigay.

    Ang Ilog-Pasig ay tila asuling ahas na mahinahong gumagapang, “buhay” na likha ng Katalagahan; tabang at maligamgam na tubig sa pagmumula sa Look ng Laguna at nagiging malamig at maalat pagsasanib sa tubig-dagat ng Look ng Maynila. Sa paglalakbay nito ay sumasagi ang kasariwaan sa mga tuyot na pampangin ng maraming nayon.

    Sa Ilog-Pasig nagkakaroon ng kabuhayan ang mga taga-nayon, at ganoon din ang mga taga-lungsod. Ang Ilog-Pasig ang tampisawan at paliguan sa madaling araw ng mga nag-gagandahang dilag na sa oras na iyon ay maaari pang ikubli sa kadiliman ang kanilang pagpapasariwa sa katawan. Sa bandang tanghali naman ay sa Ilog-Pasig naglalaba ng damit ang mga maybahay, sa pook na batuhin, na maaaring gamitan ng palu-palo ang mga damit. Ito rin ang lagusan ng mga maginoo ng bukid at mga mangingisda na naghahangad na mabilis na marating ang bukid o dagat.

    Sa Ilog-Pasig naglalaro ang mga bata. Sa tuwing Tag-init, dito lumulundag ang mga nagmumurang binata, matapos na maisagawa ng arbolaryo ang pagpapatunay sa kanilang pagka-lalaki. Tuwing Mayo, dito dumaraan ang prusisyon ng mga kasko at lunday na ang sakay ay mga peregrinos a papuntang Antipolo upang doon ay magbigay dangal sa Birhen ng Kapayapaan at atiwasay na Paglalakbay. (Ang Birhen na maitim ang kulay, sinasabing dinala sa ilipinas ng isang galyon na nagmula sa Mehico. Dumaan ang galyon sa isang napakalakas na bagyo nguni’t hindi nasalanta ang mga sakay at matiwasay na nakarating sa pampangin ng Maynila. Ang pagkakaligtas ng mg biyahero ay ipinalalagay na bunga ng pagtangkilik ng Birhen.)

    Ang Ilog-Pasig ang daanan ng kalakal – dito namamangka ang mga negosyante na inihahatid ang kanilang kalakal sa iba’t ibang panig ng malaking lalawigan na kung tawagin noon ay Montalban; kabilang na dito ang mga Intsik at Bombay na matagumpay sa ikinabubuhay nila. Sila’y nagtatamasa ng mabuting pagtatangkilik ng mga taong-bayan at sanhi nito ay itinuring nang bayan na rin nila ang Bayan na Nasa Biyaya ng Ilog-Pasig. Nagdadala sila mula sa Tsina ng mga pinggang porselana, mga alahas na yari sa mga pambihirang bato, at sari-saring gamot na galing sa mga halaman; at mula sa Bombay ay inilalako ang payong, mga telang pangbestida o pang-barong Tagalog, at mga pabango.

    Isa si Don Ramon sa maraming nabubuhay sa pagtataguyod ng Ilog-Pasig. Siya ang may malaking bahay na bato sa tuktok ng isang burol sa may bunganga ng Ilog, sa dako ng Taytay. Tanyag ang kahusayan ni Don Ramon sa pangangalakal. Mula sa Maynila ay nagdadala siya ng mga tela at balat. Sa Taytay ay pinangangasiwaan niya ang isang malaking patahian at burdahan ng mga bestida, alampay, panyolito at belo. Doon tinatahi ang mga tela hanggang sa ito ay maging kasuotang pambabae, panglalaki, o pambata man. Sa isa pang pagawaan ay doon naman ginagawang sapatos at tsinelas ang mga balat ng baka at kalabaw. Mula sa Taytay ay nagdadala si Don Ramon ng mga nayari nang damit at sapatos, bukod pa sa mga bakyang yari sa kahoy at sari-saring punung-kahoy at kalamay na gawa sa
    bigas o kasaba at ang mga ito’y ibinabagsak sa Maynila.

    Nakaririwasa si Don Ramon at iginagalang ng madla. Maraming nakakikilala sa kasko niya na sa tuwing daraan ito sa Ilog-Pasig ay kumakaway ng pagbati sa kanya ang mga taong nasa pampang.

    May anak na dalaga si Don Ramon na nagngangalang, Clarita. Nang
    bata pa ay laging kasama sa kasko ni Don Ramon si Clarita sapagka’t inihahatid siya sa isang kolehiyo ng mga madre sa may Quiapo. Nakikita siyang naglalaro sa kasko habang ito ay mabagal na umuusad sa tubig. Nakamasid sa kanya nang palagian ang ama at ang inang si, Donya Josefa, at pati na ang isang yaya na laging puti ang suot na bestida.

    Naging dalaga na si Clarita at nagpatuloy ang pagsama niya sa kasko sapagka’t patuloy din ang kanyang pag-aaral sa Maynila. Kagila-gilalas ang gandi ni Clarita. Nag-aagaw itim at puti ang kanyang kutis, palibhasa ay may halong Kastila ang dugo ni Don Ramon. Si Donya Josefa naman ay likas na taga-Cainta, may kaitiman ang balat at kulutin ang buhok. Nakuha ni Clarita sa ama ang makikinang na mga mata, ang ilong na matangos at ang pisnging tila porselana sa kakinisan. Sa ina galing ang nag-aagaw itim na kulay ng balat, ang kuluting buhok at ang kaakit-akit na hugis ng katawan.

    Matalino si Clarita, isa siya sa pangunahing kolehiyala ng La Concordia. Mahilig siya sa musika; mahilig sa kanta at nag-mamay-ari ng isang tinig na animo’y tinig ng anghel. Isang pambihirang hiyas si Clarita! Dangal at ligaya ng kanyang mga magulang. Kaligayahan ng mga kasambahay at mga kawani ng kanyang ama sa pagawaan. Adhika ng mga lalaking nakasisilay sa kanyang ganda habang dumaraan ang kasko, habang nakaupo siyang tila prinsesa sa kanyang luklukan sa loob ng malaking kasko.

    Lingid sa kaalaman ng mga magulang niya, si Clarita pala ay umiibig sa isang lalaking ka-edad niya at taga-Maynila. Nagkilala sila sa La Concordia, minsang nagkaroon ng paligsahan sa pag-awit. Si Ruben, mahusay sa pagtugtog ng gitara, ang nag-akompanya kay Clarita. Bukod dito ay sunud-sunod ang mga pagtatanghal ng mga palatuntunang pang-musika sa auditorium ng kolehiyo. Napalapit ang kanilang mga damdamin sa dahilang kapuwa sila mahilig at magaling sa musika. Ang malimit na pagkikita upang mag-ensayo ay nauwi sa pagkakaibigang umusbong sa isang tunay na
    pag-ibig.

    Ito ang unang pag-ibig na naranasan ng dalawang nilalang na maituturing na wala pang malay sa mga kaparaanan sa Mundo ni Kupido, pag-iibigang inililihim, ikinukubli sa madla; nguni’t sa katotohanan, ay inilalantad ng kanilang di maitagong kaligayan, sigla at pananabik. Sa pagitan ng pag-eensayo, ang mga musikero ay nagkakaroon ng maiikling panahon upang makapagpahinga. Ang dalawa’y nauupo sa isang sulok ng bulwagan at nagbubulungan at naghahagikhikan -nalilibang sa mga kuwentuhan at mumunting lihim ng mga batang umiibig.

    Samantalang ang La Concordia ay paaralang natatangi sa mga babae, ang Letran, na pinapasukan ni Ruben ay natatanging pang-lalaki lamang. Ang kapuwa eskwela ay pinamamahalaan ng mga madre at pari. Pinagbabawal nila na ang mga estudyanteng babae at lalaki ay magkasama habang sila’y nasa loob ng paaralan, maliban na lamang kung may mga proyekto o palatuntunan gaya ng kinabibilangan nina Clarita at Ruben na may kinalaman sa pagtatanghal ng galing sa musika.

    Bagama’t bawal ang magkita ang babae at lalaki sa loob ng eskwela ay nakahahanap ng paraan ang dalawa upang sila ay magkaroon ng kahi’t na maiigsing panahon ng pagkakadaupang-palad. Malimit silang nagtatagpo sa ibaba ng burol sa likod ng eskwela na kung saan may lilim ang isang malaking punong mangga.

    Nagdadala si Clarita ng mga kakaning galing sa Binangonan – puto
    o kalamay na may latik. At si Ruben naman ay may baong kanin at ulam na luto ng
    kanyang ina. At sila’y nagsasalo ng pananghalian sa lilim ng punong mangga. Pagkakain ay mamamahinga ang dalawa, hihiga sa damuhan na magkahawak ang mga kamay, at panonoorin ang mga mapuputing ulap na lumulutang sa kalangitan.

    Minsan ay may dala-dalang alaala si Clarita para kay Ruben na isang umuusbong pa lamang na tanim na sampaguita na ipinunla sa isang maliit na paso. “Ruben,”sabi niya, “ito ang paborito kong bulaklak. Itanim mo sa inyong bakuran at palaguin. Masisiyahan ka sa kanyang halimuyak at sa tuwing makikita mo ito at malalanghap ang bango ay maaalala mo ako.”

    Nagpapalitan ng alaala ang dalawa, bukod pa sa mga liham ng pag-iibig na sa kanilang pag-iisa ay masususing binabasa at ninamnam ang nilalamang masasarap na pangungusap ng pag-ibig. Minsan ay isinabit ni Ruben sa leeg ni Clarita ang isang kuwintas na yari sa ginto na may nakasabit na kurus. “Clarita, ang kuwintas ay gawa ng aking amang mag-aalahas. Alam niyang iyan ay iaalay ko sa iyo kung kaya’t pinag-ukulan niya ang paggawa niyan ng may naiibang pagsisikap. Iya’y may bendita rin ni Padre Jose at iyong magiging kaligtasan kung hahantong ka sa ano mang panganib.” pahayag ni Ruben na lipos ng pagmamahal.

    Di pa nakatikim ang dalawa ng kaligayahan at kasiglahan na maidudulot lamang ng unang pag-ibig. Ang bawa’t araw ng pagkikita ay pinananabikan; at bawa’t araw na liliipas ay kinikipkip sa isipan na tila kalipunan ng mga mamahaling hiyas.

    Gawi ng magkaibigan na maglakad mula sa eskwela patungo sa
    daungan ng mga kasko sa may simbahan ng Quiapo, kapag papauwi na si Clarita. Bagama’t sila’y nagkikita nang halos araw-araw, ang tuwing pagpapaalaman sa hapon, ay lipos ng kalungkutan at pananabakik sa muling pagkikita.

    “Maghihintay ako sa iyo bukas, Clarita. Mabuting paglalakbay pauwi, matulog ka nang mahimbing; magkikita tayo sa ating panaginip,” masayang pamamaalam ng binata. At hinihinntay niyang makasakay sa kasko ng ama ang pinipintuhong paraluman at hindi tumitinag sa kinatatayuan hanggang sa magsimulang lumakad ang kasko.

    Bukod kay Ruben ay may iba pang mga binata ang naghahangad sa pansin man lamang ng magandang dilag. Katulad nina Joselito at Mariano.

    Si Joselito ay kompositor at mahusay sa pagtugtog ng piyano. Ang kanyang tahanan ay nakatayo sa may pampang ng Ilog-Pasig sa dako ng Buwayang-Bato. Mula sa kanyang durungawan ay natatanaw ni Joselito ang Ilog at ang mga bangka at kasko na nagsisidaan doon. Lagi niyang inaasam-asam na matunghan ang kasko ni Don Ramon at ang magandang nilalang na nakasakay doon. Umiibig siya kay Clarita bagama’t hindi siya nakikilala nito.

    Sa kabilang dako ng pampang sa may Pandakan ay doon naman naninirahan si Mariano, manunugtog ng biyolin at isang dalubhasa sa mga halaman. Ang kanyang bakuran ay punung-puno ng mga magagandang halaman at bulaklaking tanim, katulad ng rosas, gumamela, at sampaguita. Mula sa Ilog ay matatanaw ang “bakod ng bulaklak” na pumapaligid sa lupa ni Mariano.

    Nagpapaligsahan ang dalawang alagad ng sining sa pagtawag ng pansin ni Clarita.

    Sa tuwing daraan sa Ilog-Pasig ang kasko ni Don Ramon na sakay ang magandang binibini ay nagpapakitang gilas si Joselito at si Mariano. Sa dako ng Ilog-Pasig sa may lupa ni Joselito ay maririning ang napakatamis na himig ng sonata na nagmumula sa mga teklada ng piyano at malalantik na daliri ng mahusay na piyanista.

    Sa kabilang dako ng ilog, sa may lupa ni Mariano, ay kahanga-hanga ang masayang himig ng isang allegro na nanggagaling sa biyolin ng binata. Makikita siya sa may pampang ng ilog na pina-aawit ang kanyang biyolin habang ang katawan ay sumasayaw sa kunday ng musika.

    Minsang dumaan ang kasko sa gabi ay nagpakawala si Joselito ng
    dalawampung kalapating may turo at ang mga kalapati’y naglaglag ng mga bulaklak nang pangibabawan ang kasko. Ang ginawa naman ni Mariano nang dumaan ang kasko sa harapan ng kanyang lupa ay nagpalutang sa tubig ng limampung maliliit na bangkang lata na may kandilang nakailaw ang bawa’t isa, na sa paningin ay animong isang pulutong ng alitaptap na kumukutitap sa dilim.

    Nagpaligsahan din ang dalawa sa pagpapadla sa bahay na bato ni Don Ramon ng mga tula, liham, bulaklak, prutas, pagkain, mamahaling tela, at kahi’t na maliit na hiyas – alay na lahat kay Clarita.

    “Nababaliw ang mga lalaking ito!” hindi mapigilan ni Don Ramon
    ang magalit. “Kailan sila titigil sa paglabag sa ating katahimikan? Hindi ba
    nila alam na apatnapung araw nang wala si Clarita?” sabi pa niya sa asawa. (May paniniwala ang mga Pilipino na ang kaluluwa ng taong namamatay ay nananatili sa lupa hanggang sa ika-apatnapung araw; na pagdating ng panahong iyon ay saka lamang lumilisan ito patungo sa “walang
    hanggan”.)

    Pangarap ni Clarita na siya’y maging guro sa musika at nang
    maturuan niya ang mga bata sa Taytay at Binangonan na umawit o tumugtog ng alin mang instrumento ng musika. Ang ama at ina naman ay nangangarap na si Clarita ang magmamana sa bahay na bato at sa negosyo nila, ang makapagpapatuloy sa pagtatangkilik ng mga kawani at sa pagpapaunlad ng kanilang kalakal.

    Nabuwag ang lahat ng pangarap na nasabi na tila baga gumuhong
    kastilyong-buhangin. Isang gabi ay nagkalagnat si Clarita nang napakataas na grado at pagsapit ng umaga ay wala nang buhay ang hinagangaan ng balana. Iba-iba ang naging kuru-kuro ng mga nakaalam sa pagkamatay ni Clarita. May nakakagat daw na lamok kay Clarita at siya’y dinapuan ng malarya. Nakainom daw siya ng tubig na hindi kalinisan ang uri at kumalat ang mikrobyo sa kanyang katawan. Natuyuan daw ng pawis sa likod at nagkaroon ng pulmonya. Maging ano man ang dahilan ay di na inibig ni Don Ramon na malaman pa. Wala nang magagawa ang ganoong pagtitiyak; di na maibabalik ang buhay ng kanyang pinakamamahal na anak.

    Araw-araw ay naghihintay sa may tulay ang lalaking wagas ang pag-ibig kay Clarita. Sa tuwing dadaan ang kasko ay nakikita nina Joselito at Mariano si Clarita at ipinatutungkol sa dilag ang sari-saring handog, mapansin lamang sila. Datapuwa’t sino ang nakikita nilang nakaupo sa kanyang silyon sa kasko na nakasuot ng puting damit na manipis ang kayo at sa panahong umiihip ang hangin ay nakikita nilang nililipad ng hangin ang kanyang nakalugay na buhok? Gayong, wala na si Clarita sa mundong ito, at ang tanging naiwan niya ay ang alaala ng Diwata ng Pasig.

  • Mga Kuwento ng OFW – Liham Ni Kadama Para Kay Madam Bruha

    Mga Kuwento ng OFW – Liham Ni Kadama Para Kay Madam Bruha

    Ni Jovelyn Bayubay Revilla

    Dear Madam Bruha,

    Kamusta? Dapat ba kitang kamustahin? Ay, oo nga pala dalawang taon na ang nakalipas mula nang makalaya ako sa tahanan mo. Na miss mo kaya ako? Naalala mo kaya ang pagpapahirap mo sa akin sa tahanan mo? Dami kong tanong ano? Alam ko na lagi mo akong bukambibig sa mga bago mong biskara, na dati may kadama ka na kumokontra sa batas mo. At di basta-basta naniwawala sa ka-plastikan ng ugali mo!

    Kay tagal na panahon din ang serbisyong ginawa ko sa pamilya ninyo, kung di ko lang mahal ang mga apo mo, ay naku! Di ako tatagal ng ganun kahabang taon sa pamamahay mo. Sa bawat banat mo na mga kasinungalingan na ibinato mo sa akin, pati pagnanakaw ng ballpen? Ano? Kahit may diamante pa iyan na binili mo sa Ducan ay di ko kukunin! Mahirap lang ako pero, pinalaki ako ng magulang ko nang marangal. Hay, naku! Utak mo kay dumi lahat nalang sa paningin mo ay puro mali at masama. Pati pananamit ko kulang nalang na takpan ko ang aking mata, dahil laging linya mo ay HARAM! Sa puntong iyan sang-ayon ako dahil ayaw ko rin na mabastos sa pamilya mo, lalo na sa mga barako ng bahay mo kahit alam ko na di sila bastos na tao, andun pa rin ang respeto ko sa sarili ko at sa pamilya mo.

    Teka, naalala mo ba ang kadamutan mo sa pagkain? Kahit kailan ay di ko makalilimutan na sa pamamahay mo, naranasan ko ang mag halungkay ng pagkain sa basurahan! At ang kubos mo na bigay sa umaga na kailangan ko pang hatiin at ilagay sa aking bra! Para gawing pantawid gutom pag sikmura ko ay kumakalam dahil may kandado ang puti mong kaldero. Dinig ko lagi ang dakdak mo sa kada abot mo sa isang pirasong kubos at dalawang kutsaritang gatas na: PATAY GUTOM! Di ka man lang naawa sa payatot kong katawan na hahabol sa tatlo mong apo at puyatan na magdamagan dahil ako ang nagmistulang ina ng mga bata! Sabagay wala ka talagang awa taliwas sa maamo mong mukha ay kademonyahan naman ang ugali mo! Kaya, iyan ang rason na walang mga katulong na tatagal sa pamamahay mo kundi ako lang! Natiis kita ng limang taon, apat na buwan at limang araw! Kabisado ko talaga ano?

    Salamat sa mga pasakit na naranasan ko sa kamay mo, di man pisikal kundi ang pagpatay sa pagkatao ko. Dahil sa iyo Bruha na Madam natuto ako na mas maging matatag sa bawat hamon ko sa buhay bilang OFW. Kung gusto mo alamin buhay ko ngayon? Ito isa pa rin na KADAMA dito sa QATAR. Pero, isang malayang inday na makagalaw na walang kadena at posas sa kamay at paa. Ganito pala ang ang makalaya ano? Ang sarap ng pakiramdam parang may isang milyong tinik na nabunot at natanggal sa pagkatao ko. Na kahit kailan ay hindi ko na makikita ang pagmumukha mo.

    Pero, teka bago ko pala makalilimutan ito, ’di ba lagi mong dasal lagi na sana mamatay ako o ‘di kaya’y maghanap ako ng amo na na sasaktan ako? Well, nagdilang demonyo ka talaga. Hindi man ako namatay, pero wagas din ang sampal na naranasan ko sa una kong amo dito na katulad mo ay halang ang kaluluwa dahil pareho kayong walang puso! Pero, sabi ko naman sa iyo na makapal na ang kalyo ng mukha ko, kaya daplis lang ang sakit! Di ko na lang sasabihin sa iyo na umiyak ako dahil baka maglulundag ka sa tuwa at atakihin ka pa nang hindi oras. Bago ko pala tapusin ang liham na ito, nais ko pala ipabasa sa iyo ang ginawang sulat ng anak mo; na tunay kong amo, si Sir, na laging sunod-sunuran sa gusto mo.

    Letter Of Appreciation:

    I’m here by this letter acknowledge Mrs. Jovelyn Bayubay for her excellent work under my sponsorship from March 2005 till May 2010. Mrs. Jovelyn provided my family during this time love and care especially my three kids, where she was their loving nanny. She helped in their growing up, doing their school homework, and helping in english teaching which was great. She was a very hard working person with great potential in learning new things in terms of all house management which include cleaning and cooking with patience and persistence. Simlpy Jovelyn in those five years was family.

    Thanks a lot Jovelyn. Wish you all the best.

    Hamad Juma

    Sabay abot sa liham na iyan , kalakip ang 500 dirhams na bunos sa limang taon at mahigit na serbisyo. Isang pasasalamat ko sa anak mo. At isang karangalan sa pagkatao ko na naging bahagi ako sa pagpapalaki ng mga apo mo.

    Hanggang sa susunod! Sana maging mabuti ka nang tao sa mga katulong mo! Pahabol pala, bago mo idikit ang iyong tainga sa pinto ng CR, siguraduhin mo na ‘di ka hihinga para ‘di ka mahalatang nasa tapat ka ng pinto; lagi ka kasing huli sa style mo na iyan.

    Ang iyong Ex Kadama,
    Jovelyn

  • Nang Tumuntong Ang Paa ng Tao sa Mukha ng Buwan

    Nang Tumuntong Ang Paa ng Tao sa Mukha ng Buwan

    ni Percival Campoamor Cruz

    Enero 30, 1969. Kumanta ang Beatles sa huling pagkakataon bilang isang grupo sa bubungan ng Apple Records sa London. Biglaan ang konsyerto na tumagal ng 42 minutos. Pinatigil ng pulis ang walang-permisong pagtatanghal sapagka’t sa dami ng taong nag-ipon sa daan ay nagkaroon ng heavy traffic at gulo.

    February 5, 1969. Umabot sa 200 milyon ang populasyon ng Estados Unidos.

    Marso 2, 1969. Naganap ang pagsasagupa ng Tsina at Rusya sa border sa Zhenbao Island. Ito ang pinaka-seryoso sa iringan ng dalawang bansang komunista tungkol sa teritoryo. Binalak ng Rusya na atakihin ang Tsina sa pamamagitan ng nuclear missiles. Hindi naisagawa ang balak at naiwasan ang isang digmaang pangdaigdig sapagka’t ang Estados Unidos ay nagbanta sa Rusya: Magkakaroon ng Third World War kapag inatake ang Tsina. Gaganti ang Amerika at pasasabugin ang Moscow at 129 iba pang siyudad sa Rusya.

    Samantala, sa Tsina at Rusya, maraming mamamayan ang walang makain at namamatay sa gutom at sakit. Sa dalawang bansa ay wala ring kalayaan ang mga tao – walang kalayaang magsalita, magdasal, mamili ng hanapbuhay, at bumoto.

    Abril 15, 1969. Isang eroplano ng navy ng Estados Unidos ang pinabagsak ng North Korea habang lumilipad ito sa ibabaw ng Japanese Sea. Tatlumpu’t isang tripulante ang nasawi.

    Abril 28, 1969. Nagbitiw sa pagiging premiere ng Francia si Charles de Gaulle.

    February 9, 1969, lumipad sa kauna-unahang pagkakataon ang Boeing 747, ang pinakamalaking eroplano noong panahong iyon.

    Marso 2, 1969, ginanap ang unang test flight ng supersonic Concorde.

    Hulyo 20, 1969.

    Si Gloria Diaz, labing-walong taong gulang, kinatawan ng Filipinas sa Miss Universe Contest; nasa Miami Beach, Florida USA, naghahandang sumagot sa quiz portion ng paligsahan:

    Ang tanong: “Kung ang taong galing sa buwan ay doon magla-landing sa inyong bayan, ano ang gagawin mo upang siya ay mabigyan ng magandang pagsalubong?”

    Gloria Diaz: “Oh! Uh, gaya rin ng palagi kong ginagawa. Kung galing siya sa mahabang biyahe, palagay ko ay kailangan niyang magpalit ng damit.”

    Dahilan sa kanyang talino at ganda, si Gloria ang nagwagi ng pangunahing puwesto – Miss Universe ng taong 1969.

    Sa kabilang dako, may mga militanteng grupo ng babae na hindi sang-ayon sa mga beauty contests. Walang katuturan! Pagsasamantala sa babae! Sabi nila.

    Maria Lorena Barros, dalawampu’t dalawang taong gulang, dating coed sa Unibersidad ng Pilipinas, ay namundok at sumapi sa National People’s Army na kumakalaban sa diktadurya ni Ferdinand Marcos.

    Sumama siya sa mga “taga-labas”, isang hukbo ng mga kabataan na nagpasiyang lumaban sa galamay ng bulok na pamahalaan sa paraang marahas at “underground”. Ang marami sa aktibista ay hindi nilisan ang lungsod at ang pinili na pakikipaglaban ay ang mapayapa at lantarang pakikipaglaban sa kalye kontra sa pamahalaan gamit lamang ang tinig at tapang. Sila ay nasawi – biktima ng malupit na karahasan at pang-aabuso ng militar. Sila’y dinampot, ikinulong, ginahasa, “ti-norture”, o di kaya ay “si-nalvage”.

    Sa pananaw ni Lorena, kailangang lumitaw ang katangian ng bagong Filipina.

    “Ang babae ng bagong panahon, ang bagong Filipina, unang-una ay isang militante. . . At sapagka’t sa mga siyudad ang pagsali sa mga protesta ay nangangahulugan ng pagmamartsa at pag-ilag sa mga batuta ng pulis, pag-iwas sa mga yari sa likuran ng bahay na molotovs. . . husay sa pagdapa sa lupa kapag ang mga pulis ay nagpapaputok na. . . ang bagong Filipina ay siyang marunong magdala sa kanyang sarili sa ganyang mga pangyayari sa paraang may dignidad at makakukumbinsi sa mga lalaking kasamahan na hindi niya kailangan ang tulong, paki-usap l’ang.

    Ang bagong Filipina ay kayang makisama sa mga nag-ii-strike na manggagawa nang kahi’t ilang araw o gabi, pumulot ng dunong sa kanila na hindi niya napag-aralan sa mga eskwelang burgis. . . at higit sa lahat, mahalaga ang nakukumbinsi niya ang kanyang mga magulang na tama ang kanyang pagtulong sa mga manggagawa at magsasaka. . . isang pagtulong na humihingi ng mga husay at katangian na naiiba sa katangian ng pangkaraniwang babae. . . Siya ay isang babae na nakatuklas na may higit na magiting at malawak pa na pananagutan, isang babae na may pangako sa kasaysayan. . . hindi na siya ang babae na pangkasal lamang, kundi isang babae na panglaban.”

    Ilang taon pa ang lumipas ay napatay ng mga sundalo si Lorena sa isang labanan,

    Noong Marso 20 ay sinabi ni Richard Nixon, presidente ng Estados Unidos: “Tatapusin natin ang Vietnam War sa 1970.”

    Kung manunumbalik sa alaala ang mga pangyayaring naganap noong sumisiklab ang Vietnam War, mapagkukuro na yaon ay isang digmaang walang katuturan. Biyak ang bansang Vietnam noon. Ang Norte ay Komunista samantalang ang Timog ay isang Demokrasya. Dahil sa pangangamba, ang Estados Unidos ay nasangkot sa hidwaan ng Norte at ng Timog. Naniwala ang mga mga may kapangyarihan sa Washington na kung babagsak ang Timog-Vietnam sa kamay ng mga Komunista ay isa-isa at sunud-sunod na babagsak rin ang mga karatig na bansa gaya ng Cambodia, Laos, Thailand at iba pa, kawangis ng mga natutumbang tisa ng domino. Ipinadala ng Estados Unidos ang kanyang sandatahang-lakas sa Vietnam upang tulungan ang sandatahang-lakas ng Timog-Vietnam sa pagtatanggol sa Demokrasya, sa paghaharang sa pag-usad ng mga Vietcong (sandatahang-lakas ng Norte) patungo sa Timog. Sa gayong kaparaanan, ang maliit na sigalot sa pagitan ng dalawang panig ng Vietnam, dahilan sa pangamba, ang maliit na mitsa, ay sumabog at kumalat, naging pinakamalaking digmaan sa mundo pagkatapos ng World War II. Nasangkot ang maraming bansa, pati na ang Pilipinas, sapagka’t ang mga ito’y kumampi sa Estados Unidos at nagpadala ng contingent forces upang tumulong sa “pakikipaglaban sa Komunismo”.

    Kim Phuc, Vietnamese, anim na taon siya noong Hulyo 20, 1969. Noong siya ay siyam na taong gulang, noong 1972, siya ang batang nakita ng mundo sa isang retrato na lumabas sa mga pahayagan – isang batang babae na ang damit ay halos nahubad na sanhi ng init na galing sa napalm bomb. Tumatakbo siya sa isang lansangan, kasunod ang isang tila nakababatang kapatid na lalaki. Sa kanilang mga mukha ay makikita ang sindak, ang hapdi, ang nabibinbing kamatayan.

    Mary Joe Kopechne, noong Hulyo 18, 1969, sakay ni Sen. Edward Kennedy sa kanyang kotse, nasawi nang ang kotse ay nahulog sa isang tidal channel sa Chappaquiddick Island, Massachussetts. Nailigtas ni Kennedy ang kanyang sarili nguni’t si Kopechne ay nalunod. Siyam na oras ang lumipas bago nalaman ng mga pulis ang pangyayari. Dahilan sa eskandalong ito ay nawala ang pagkakataon ni Edward na maging presidente ng America,

    Roy Hamilton, sikat na mang-aawit, namatay sa sakit sa puso. Siya ang umawit ng “You’ll Never Walk Alone” at “Unchained Melody”. Isa siya sa daang-libong nilalang na namatay noong Hulyo 20, 1969 sanhi ng sakit, gutom, krimen, suicide.

    Agosto 15-17, 1969. Ginanap ang “An Aquarian Exposition: 3 Days of Peace & Music”, sa 240-ektaryang lupa ni Max Yasgur na pastulan ng baka sa Catskills, White Lake, Bethel, New York. Ang music festival ay nakilala bilang Woodstock. Noong weekend na iyon, tatlumpu’t dalawang awit at tugtog ng iba’t-ibang mang-aawit at banda ang napanood ng kalahating-milyung kabataan. Sabi ng Rolling Stone, ang Woodstock ay isang pangyayari na mahalaga sa kasaysayn ng rock-and-roll. Ipinahayag ng mga kabataan sa pamamagitan ng awit ang kanilang pag-asa na magkaroon ng kapayapaan sa mundo.

    Ini-record sa isang silicon disk ang mensahe ng mga pinuno ng iba’t ibang bansa at ito’y dala ng mga astronaut – iiwanan nila sa mukha ng buwan.

    Ferdinand Marcos, Pangulo ng Filipinas: “The age-old dream of man to cut his bonds to planet Earth and reach for the stars has given him not only wings, but also the intellect and the intrepid spirit which has enabled him to overcome formidable barriers and accomplish extraordinary feats in the exploration of the unknown, culminating in this epochal landing on the Moon.”

    Mohammad Reza Pahlavi Aryamehr, Shahanshah of Iran: “On this occasion when Mr. Neil Armstrong and Colonel Edwin Aldrin set foot for the first time on the surface of the Moon from the Earth, we pray the Almighty God to guide mankind towards ever increasing success in the establishment of peace and the progress of culture, knowledge and human civilization.”

    Queen Elizabeth, The Queen of the United Kingdom: “On behalf of the British people, I salute the skill and courage which have brought man to the moon. May this endeavour increase the knowledge and well-being of mankind.”

    Indira Gandhi, Prime Minister of India: “On this unique occasion when man traverses outer space to set foot on Earth’s nearest neighbour, Moon, I send my greetings and good wishes to the brave astronauts who have launched on this great venture. I fervently hope that this event will usher in an era of peaceful endeavour for all mankind.”

    Hulyo 20, 1969. Tumuntong ang paa ni Neil Armstrong sa mukha ng buwan; at, sa kauna-unahang pagkakataon, ay narating ng tao ang buwan. Kung may salapi, kung may dunong at galing, kung may marubdob na hangarin na marating ang buwan, bakit di muna pagtuunan ng pansin ang mundo, gamit ang mga nasabing kapangyarihan, upang mapawi ang gutom, ang digmaan, ang sakit, ang krimen, ang kawalan ng katarungan at pag-asa?

    “Isang maliit na tuntong ng tao, isang malaking hakbang sa buong sangsinukob,” wika ni Neil Armstrong na narinig at nakita sa telebisyon ng milyun-milyong taga-mundo.

    . . . “Isang malaking hakbang sa buong sangsinukob.” Kaya?

  • Ang Damo

    Ang Damo

    ni Alberto Segismundo Cruz

    (Unang nailathala ng Ilang-Ilang, Nobyembre 23, 1947)

    — Ang luntiang damo sa paanan ni Edmundo Rosal ay tagapagpagunita sa kanya ng buhay na wagas at walang pagkukunwari. —

    Marami nang taon ang nagdaan . . . marahil ay may labing-walo o dalawampung taon na, at sa makapal na Aklat ng Panahon, ay may nakasulat sa likod ng nanlalabo nang mga titik. Nguni’t hindi maaaring mabasa iyan ng karaniwang mata ng sinomang kinapal. Manapa’y si Tadhana lamang ang buong liwanag na makatutunghay.

    Ibang-iba na si Edmundo Rosal. Hindi na siya ang dating tinatangkilik lamang ng isang propyetaryong may malaking pasaka sa isang lalawigan sa Kalagitnaan ng Luson. Hindi na siya ang dating naglilingkod na halos ay parang utusan upang makapag-aral lamang. Hindi na siya ang dating probinsyanong pugot ang salawal, balanggot ang sumbalilo, at lilinga-linga sa gitna ng mataong lunsod. Hindi na siya ang bagong dating na kabababa pa lamang sa himpilan ng tren sa Tutuban, isang malamig na umaga ng Disyembre, na dala-dala ang isang maliit na balutan at ipinagtatanong sa balana kung saan naroon ang daang Pennsylvania . . .

    Noon ay patungo siya sa tahanan ng tinurang mayamang propyetaryo. Patungo siya roon upang maglingkod sa pangunahing dahilang iyon ang tanging pagkakataong dumating sa kanyang buhay na kung talagang siya’y papalarin o magkaroon kaya ng
    mabuting kapalaran, ang kahirapan niya ay maaaring mabihisan, bukod pa sa maari pa rin siyang tanghaling isang luwalhati ng sariling nayon – ng nayon ng Pinamulaklakan.

    . . . At makaraan ang mahaba’t mapagsumakit na pakikitunggali sa larangan ng buhay, siya ngayon ay ganap nang mangangalakal. Matapos na matamo niya ang katibayan sa pagiging dalubhasa sa karunungan sa kalakal ay isinakatuparan niya ang kanyang adhika sa buhay. Buhat sa pagiging ahente ng isang malaking bahay-kalakal, siya’y napataas at naging punong-tagapagpalaganap at tagapagbili hanggang sa makapagsarili na, sa bisa ng katamtaman niyang naimpok.

    Saka ngayon ay matunog na ang kanyang pangalan. Hindi lamang naririnig sa bibig ng balana sa pamilihan at sa purok ng kalakal, kundi naririnig pa rin sa radyo. Bukod dito ay nababasa pa rin ang pangalan niya sa mga anunsyo saka sa mga lathalaing may kinalaman sa pangangalakal.

    Kaugnay ng kanyang tagumpay sa larangan ng pangangalakal at pamumuhunan ay ang pagiging pulot-gata niya sa kababaihan. Sa mababang lipunan ay tinitingala siya ng mga nagsishihanga; sa mataas na lipunan ay sinusundan-sundan ng masid ang takbo at galaw niya, na walang iniwan sa isang ibong may malawak na pakpak sa himpapawid.

    Kay amo ng lahat sa kanya. Katulad ng maamong kalapati ang mga kaibigan. Marami siyang papuri’t pahayag ng pakikilugod na naririnig saan mang pagtitipon o pagkakataon. Sa panahong ito ay masasabing ganap na ang kanyang tagumpay sa buhay at dapat na sana siyang magpasalamat sa Lumikha, sa harap ng mga biyayang nagiging maamo sa paglapit sa kanya. Anak mandin siya ng kapalaran – ng magandang kapalaran. Habang lumalaon ay nagiging malaki ang kanyang puhunan, at habang lumalaki ang puhunan, ay nagiging malawak naman ang kanyang nagagalawan.
    Nagiging maliit ang daigdig sa kanya. Kaabutan niya ng palad ang “malalaki” kahi’t sa malayo. Kangitian niya kahi’t sa gabi ang nagkislap-kislap na mga bituin sa langit.

    Datapuwa’t . . .

    Isang hapon ng masayang Nobyembre . . . pagkatapos na pagkatapos ng idinaos na garden party sa Manila Hotel, sa karangalan ng ilang naglibot sa daigdig, ay ano ba’t napansin niya ang damo sa pinaka-bakuran ng otel. Ang damo – malawak na damuhang lungtian – na sa hihip ng hangin buhat sa dagat ay waring lumilikha ng maliliit na along nakakikiliti sa mga binti’t paang napaparaan doon. At ang kaaya-ayang tanawin ay sadyang marilag sa mata ng isang kinapal. Lalo na sa isang alagad ng sining, kung mapagsusuri ang makitid na landas na anak’y listong kayumanggi na pasikut-sikot at nawawala sa dako ng halamanan at ng hanay ng gumamela.

    Ang malaong panahong nakalipas ay “muling nagbalik” sa kanyang alaala. Parang biglang nabuksan ang Aklat ng Kahapon, at sa sarili niya’y naitanong ang ganito:

    — Nag-iisa ba ako sa daigdig na ito? Diyos ko! Ano kaya ang dahilan ng laging biglang pagkakatigatig na naghahari sa aking kaluluwa?

    Tinanaw niya uli ang damo – lungtian, anaki’y dulo ng sibat na hindi patalim, kundi hantungan ng hamog kung umaga at waring alpombra ng katalagahang sumasangga sa init upang ang magpasyal sa dakong iyon ay maging kaaya-aya’t kanais-nais lalo na kung dapit-hapong palubog na ang araw sa Look ng Maynila, na isang tunay na kababalaghan ng Dapit-hapon sa dako ng mga lunsaran.

    Damo! May kahulugan ang damo sa kanyang buhay, marahil ay may malaking kaugnayan pa, sapagka’t ang damong iyan, ang di miminsang bumasa sa kanyang mga paang walang sapin, kinunan niya ng hamog at ipinahid nang minsang magsikip ang kanyang dibdib, baka, kung matuyo naman ang luha ng langit na hamog ding iyan ay siya rin niyang ginagawang banig at hinihimlayan upang makita sa kaitaasan – sa kabughawan – ang langit, ang takbo ng panginorin, ang galaw ng alapaap…

    Napapansin din naman niya ang mga ibong bumabagtas sa kalawakan ng himpapawid, ang wari’y paghahabulan ng mga kinapal na ito na walang kaluluwa hanggang sa maliliit na sanga ng mga punong-kahoy saka ang biglang balantok ng bahaghari sa
    kabughawan, lalo na’t nagbabanta ang ulan sa dako ng kabukiran. . .

    Nguni’t ang mga alalahaning ito’y nauukol sa nakalipas. Sa isang panahon ng kabataan, at palibhasa’y nauukol sa panahon ng kabataan, kaya’t nagbabalik din naman sa isip niya’t alalahanin ang lahat.

    Na siya sa bukirin ng Pinamulaklakan ay malimit na magpastol ng kalabaw sa malawak na bukid na iyon ni Don Ernesto. Na gayong siya’y pastol ay kung bakit si Don Enrique, na marahas at mapusok sa mga kasama, ay naging mapagtangkilik at mapagmahal sa kanya. Sa katotohanan nang siya’y lumaki-laki na’t natutong makialam sa pagtatanin at iba pang gawain sa bukid, siya pa rin ang itinalaga ng mayamang propyetaryo upang maging pinaka-patnugot ng mga magbubukid sa gawain.

    At, anong ganda ng kabukiran, lalo na kung malapit na ang pag-aani! Natatandaan niya na katulong siya sa pagmamandala ng palay, isang araw ng malamig na Disyembre. At sapagka’t siya’y binata na, noon, at natuto nang kumalabit ng gitara, kaya’t natuto na rin namang magsalita nang patula – mga salita ng pusong nag-aatas!

    Paano’y naroon si Seni! — Nakasandig sa isa sa mga mandalang iyon, matapos ang gawain sa maghapon. Kung ano ang ganda ng kabukiran, kung gaano kayaman ng palayan, at kung gaano kadakila ang buhay sa nayon ay siya ring ganda, kayaman ng ugali’t kadakilaan ng puso ni Seni. Nguni’t si Seni’y naiiba sa karaniwan. Para sa kanya simula’t wakas na ng kanyang buhay ang panahon sa kabukiran. Para sa sariling pagpapahalaga, ang daigdig niya’y nasa kanyang nayon at ang dambana’y sariling tahanang halos ay dampa sa bukid.

    Tunay at nakapag-aral si Seni at nakatapos ng high school sa bayang-pangulo ng lalawigan. Tunay din naman at naging Mutya siya ng kagandahan nang ipagdiwang ang Arbor Day sa Pinamulaklakan, na dinaluhan pa ng ilang matataas na puno ng
    pamahalaan kabilang na rito ang kagawaran ng pagsasaka at paghahalaman.

    At, siya, si Seni’y kanyang nilapitan. Nilapitan upang pagparinggan ng isang “kabaliwan ng kabataan”. Nakapagtapos na rin si Edmundo, noon, sa high school at sariwang-sariwa sa kanya ang maririkit na tula ng mga makatang kanluranin, lalo na ni Edgar Allan Poe.

    Nguni’t ibang-iba, noon, ang pakita sa kanya ni Seni. Kung kailan pa inaasahan niya ang malapit na katuparan ng kanyang mga pinapangarap at saka pa niya napansin ang kunot ng noo ng dalaga at ang magagandang matang biglang pinangulimliman ng ilaw sanhi sa paggiti ng luhang nagpupumiglas wari sa pagpatak.

    — Bakit Seni? — ang kanyang naitanong.

    Hindi tumugon ang dalaga.

    — Sinugatan ko ba ang iyong dibdib? — ang muli niyang usisa.

    — Kahimanawari’y patnubayan ka ng Diyos! — ang sa wakas ay namulas sa mga labi ni Seni.

    Hindi nga naglaon at nabatid nang maaga ni Seni na siya (Si Edmundo) pala’y patutungo ng Maynila, sa pasiya ng makapangyarihang propyetaryo. Sa katotohanan, sa ilang matatanda sa nayon ng Pinamulaklakan ay narinig niya ang malungkot na kasyasayan ng buhay ni Edmundo, isang kasaysayang nababalot ng hiwaga. Datapuwa’t wala siyang lakas na makapagsalita! Sukat ang magparinig siya ng magandang hangarin sa binata. Nahahabag siya, ang ating dalaga, sa harap ng mapait na katotohanang nakapaligid sa buhay ni Edmundo. Nahahabag! Sapagka’t lingid kay Edmundo ang mapait na katotohanan . . . at siya, si Seni, na nakababatid ay sadya namang walang lakas ng loob na makapagtapat ng nalalaman.

    Sa likod ng lahat at sa matuling takbo ng panahon ay nalulugod naman si Seni sa mga balitang nanggagaling sa Maynila. Nguni’t sa kaligayahang ito ay nalulungkot din naman siya, hindi sapagka’t di man lamang nadadalaw sa sariling nayon ang kanilang luwalhating si Edmundo, ngayong isa nang tanyag na mangangalakal at mamumuhunan, kundi dahilan sa pangyayaring ano man ang kalagayan ni Edmundo ay sadyang malungkot din ang kanyang buhay.

    Paano’y nakaligtaan ni Edmundo ang dapat na maging laging sariwa sa isip at alaala ng isang tao o isang kinapal sa lupa. Nakakaligtaan nga ang lalong malapit sa kanyang puso, ang lalong dakila sa kanyang kaluluwa! At, nakaligtaang katulad ng damong laging nagpapala sa kanya sa bukid, lalo na’t hihimlayan niya kung kinakausap ang alapaap at sinasangguni ang kabughawang parang malapit na malapit sa kanyang mga mata.

    Ang isang kaisipan ng tao ay hindi maaaring manatili na habang panahon, sapagka’t hindi iyan ang batas ng Katalagahan. Ang batas ay nag-aatas na tumakbo ang mga pangyayri, kasabay ng karaniwang pag-inog ng daigdig. Ganyan ang kaisipan ng Tao. Malikot na tulad ng kanyang guni-guni. Walang makasasansala niyan. Katulad din ng pagiging lungtian ng mga damo, matapos na sumipot at tumubo sa alin mang panig ng lupa o ng bukirin. Maaaring ang damo’y mamamatay – ibig sabihin ay malanta o maunsiyami at mamula-mula o maging ganap na kayumanggi, – gaya ng pagkatuyot ng halaman, nguni’t darating ang araw …
    darating din ang araw na ang damong iyan ay mananariwa.

    Iyan ang nangyari sa kaisipan, katauhan at kaluluwa ni Edmundo nang makita niya ang damo at ang mga bakas ng paa sa wari’y listong landas sa damuhan ng tanyag na otel. Iyan ang biglang nakapagpasariwa sa kanyang alaala ng lahat ng bagay na nauukol sa kanyang kahapon, lalo na nga nang mamasid ang damong sariwa, ang damong lungtian, ang damong anaki’y inaalon ng mabining simoy na nanggagaling sa Look ng Maynila.

    Kaya’t mabilis siyang nagpasiya! Hindi maaaring makapagpatuloy siya sa kanyang landas sa buhay. Maaari siyang nagtatagumpay at nakikita pa ang luningning sa dako pa roon; datapuwa’t hindi siya maaaring hindi lumingon sa pinaggalingan. Iniaatas iyan ng isang mahiwaga, nguni’t mala-bato-balaning kapangyarihang nakapanaig sa karaniwang pasiya ng taong katulad niya. At, noon din, parang ipu-ipo ay nagbagong-akala siya; ipinihit ang mga hakbang sa tahanang nasa isang mataong purok, pinawalang-kabuluhan ang iba pang lakad at pakikipanayam, at sa unang biyahe ng tren, sa kinabukasan, ay sumakay siya’t walang abug-abog na lumunsad sa himpilan ng bayan. Buhat doon ay isang uuga-ugang karitela ang nilipatan niya at nagpahatid sa nayong Pinamulaklakan.

    Sa karitela pa lamang – (nakatatawa!) – ay inalis na ang kanyang sapatos; hinubad ang amerikana’t inalis ang kurbata, at walang inilabi kundi ang pantalong inililis niya ang dulo, na gaya ng dati, na sa biglaang tingin ay waring pugot na salawal. At, anong lamig, nguni’t kasiya-siyang hangin ang sumisimoy, noon, at humahalik nang masuyo sa kanyang mukha!

    Sa daan pa lamang ay dami nang mata ng madla ang buong pananabik na nakamasid sa kanya:

    — Mundong!—ang sigaw ng ilang kababata niya.

    — Ka Mundong! – ang narinig niya sa isang batang kasalukuyang nanunungkit ng kamatsile sa bakuran nina Tikang.

    Minsan pa, sa loob ng gayong katagal na panahon, ay nadama niya ang kasiglahan ng dugo ng kabataang nag-iinapoy pa rin sa kanyang puso. Sa ilang saglit pa’y nagpasiya na siyang bumaba ng karitela, nagbayad sa kutsero na lubhang malaki ang pagtataka: Sapagka’t malayu-layo pa rin ang Pinamulaklakan. Bumaba na nga siya, saka tuluyan nang yapak na lumakad, bitbit ang sapatos, saka pasampay sa kaliwang bisig ang amerikana at kurbatang pinawalang-kabuluhan niya. . . bilang katibayan ng makabagong kabihasnan.

    At siya’y pumaswit. Lumapit ang ilang bata; na sabay-sabay na nagsigawan, nang siya’y makilala.

    — Ka Mundong, narito ang tirador. May pugo na ngayon! Halina sa palayan.

    Parang bata rin, siya’y kumarimot nang takbo, at sumunod sa anyaya ng mga musmos.

    Pagkatapos na mabigyan niya ng kasiyahan ang mga bata ay nagpaalam at sinabing siya’y magtutuloy na. Nguni’t mainit ang araw, at nakaramdam siya ng kainitan. Dahilan diyan, ay naalaala niya ang matandang lungaw – ang anaki’y batis sa lilim ng punong-mangga ni Nana Tale – at doon ay para siyang musmos na naglunoy, at inilapag na parang walang ano man ang mga dala niya sa damuhan.

    Pagkatapos ay isinuot na muli ang kanyang panloob at kamisadentro, nguni’t itinaas din ang pantalon, saka nahiga sa damo. Katulad ng dati ay hinagod ng masid niya ang naghahabulang alapaap saka, sinalamin ang bughaw na langit.
    Hanggang . . . sa siya’y matigatig sa paglapit ng mga yabag, na nang mapaharap sa kanya, ay nakilala niya kung sino.

    — Seni! – ang sa biglang pagkahiya niya’y namutawi sa kanyang labi.

    — Mundong, bakit? – at napangiti, bago pinamulahan ng mukha ang dalaga.

    Lumungkot ang mukha ni Edmundo, bago ibinaba ang tingin na anaki’y isang tunay na binatang-bukid.

    — Dadalaw ako kay Inang kaya’t . . .

    At, naluha rin si Seni, sapagka’t ang ina ni Edmundo ay dating kapit-bahay nila at katuwang sa gawain sa bukid. Isang babaing maganda, mabait, nguni’t sanhi sa karalitaan, ay hindi nakatutol sa hangad ng masakim na propyetario. Inibig nang labag sa batas ang babaing iyon ni Don Ernesto, gayong ang mayamang propyetaryo ay may-asawa; at sa harap ng makasalanang pagibig, matapos na iluwal sa maliwanag si Edmundo, ay hindi naglaon at namatay din ang kahabag-habag na babae. Siya si Aling Clara – si Nana Clara – sa balana sa nayon. Nang mamatay ang tunay na asawa ng mayamang propyetaryo ay saka pa lamang nagpasiya nang buong laya ito. Tinangkilik si Edmundo, ngunit hindi ipinagtapat ang mapait na katotohanan, maliban sa pangyayaring siya, ang binata, ay may inang namatay at may amang hindi malaman kung ano ang naging kapalaran.

    — Kung dadalaw ka kay Nana Clara – ang paliwanag naman ni Seni, — ay kailangang magtungo tayo sa kamposanto. Narito ang lalong maikling bagtasan.

    — Oo nga, hindi ko tiyak ang daraanan. Nalimot ko na! — ang pahimutok na pagtatapat ng binata, bago inakay ang dalaga.

    — Halina kung gayon! — ang anyaya ni Seni

    Sa lilim ng mga punong-kahoy, sa panig ng anaki’y kasukalan sa bukid at sa tumana, sa mga pinyahan at sa isang sapang may uuga-ugang tulay na kawayan, sila’y nagpatuloy sa kanilang lakad, hanggang sa dumating sa matandang libingan ng nayong madaling mapagkilala sa maraming kurus na nagkalat doon.

    Inihatid sila ng kanilang hakbang sa isang ulilang puntod na may katamtamang laking kurus na nakatanda at nakatitik ang pangalan ng ina ni Edmundo.

    — Sariwa pa ang mga bulaklak dito! — ani Edmundo na lipos nang pamamangha.

    — Araw-araw sa umaga’t hapon ay nagdadala ako kay Nana Clara ng bulaklak-gubat at itinuro ang sariwang pumpon sa puntod.

    — Seni ang nakaliligtaan ko’y iyo palang . . . ang sa dikawasa’y nasabi ni Edmundo na lipos ng pagdaramdam.

    — Oo sapagka’t . . . nababatid kong hindi mo malilimot ang iyong nayon.

    — Oo Seni — ang matimyas na pangungusap ng binata, — habang narito ka at habang si Inang ay naririto rin.

    — Kung wala na? — ang parang pagsubok naman ng dalaga.

    — Kung wala na’y . . . hindi maaari! — ani Edmundo. — Habang sariwa ang damo at habang may damo akong namamasid sa balat ng lupa ang ating nayon, ikaw, si Inang . . . ay laging nasa aking puso — nasa aking kaluluwa. Iyan ang dahilan kaya ako’y nagbalik!

    — Tunay? — ang may hamong tanong ni Seni, na pinalagkit pa ang masid sa binata.

    — Ano pang katunayan ang ibig mo? — ang matatag na tanong ng binata, saka masuyong pinagpakuan ng mga mata niyang hilam sa luha.

    Kinagabihan din noon, si Don Ernesto’y madaliang nagpahanda at ibinunyag ang pagdating ng kanyang anak. Sa pagtitipon ay ipinagbunyi ang luwalhati ng Pinamulaklakan! Nguni’t ang pagbubunyi’y lalong naging makasaysayan nang ibunyag ni Edmundo na rin na hihingin niya ang kamay ni Seni sa mga magulang nito.

  • Iris – Ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay

    Iris – Ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay

    ni Alberto Segismundo Cruz

    (Nailathala ng Balaghari, Marso 6, 1948)

    Sa lahat ng bathala at dilag, si Iris – ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay o Reyna ng Bahaghari – ang siyang lipos ng hiwaga sa kanyang kapangyarihan at kaningningan. Tinatangkilik siya ng ilaw at lakas o biyaya ng buhay na dulot ni Apolo at siyang “kalaro” ng Langit na laging bughaw at ng Tubig na sinasalamin nito sa loob ng walang katapusang Tag-araw ng Buhay at Panahon ng Pamumulaklak ng Kabataan.

    Marami ang nagmimithing Dioses sa dilag ni Iris. May iba’t ibang taglay na kapangyarihan, balani, at baluting kaakibat sa katauhan, nguni’t ni sino man ay walang makatawag man lamang sa kanyang pansin, sa mula’t mula pa. Lahat ay umasa sa kanyang pagtingin at pagpapala, hanggang sa maging ganap na alipin, isa na rito si Hermes, na nagkapakpak na tuloy ang mga paa upang maging mabilis sa pagsunod sa kanyang mga pita, sa lahat ng panahon, pagkakataon, at lahat ng saglit sa buong buhay niya . . .

    Paano’y talagang si Iris ang “bukal na hiwaga” ng lahat ng kulay, na nagdudulot ng sining sa daigdig. Ang daigdig na walang kulay, tuyot, at hubad sa tulain ay magiging ganap na patay na planeta kung walang kulay. Datapuwa’t dahilan kay Iris na sadyang may isang bahaghari ng iba’t ibang kulay na nakabalantok sa himpapawid, na ang magkabilang dulo’y mahiwagang nakaangat sa langit at sa di matarok na hanggahan ng lupa, di kalayuan sa tinatawag na “guhit-tagpuan” ng daigdig ay nagkabuhay, nagkaroon ng kahulugan, at nangyari tuloy na magkatao ito, hanggang sa umunlad at makilala ang dalawang uri ng Paraiso, pagkatapos, ng daan-daang taon, ang Paraisong Nagmaliw, na nakita lamang sa guniguni ng isang dakilang Milton.

    Kaya nga’t buhat nang umusbong ang isang hamak na ugat, na nagmula sa isang mahiwagang binhi ng Katalagahan, iyang halama’y umunlad at yumabong din; datapuwa’t kasabay ng pagyabong na ito ay ang pagkakaroon ng likas na kulay ng kanyang mga sanga at dahon, na “hango” at “hiram” sa kulay na nasa bahaghari ng dakilang Iris.

    Ang bunga ng kahoy, na makikilala sa kulay kung hilaw o hinog na’y mahiwagang biyaya rin ng Katalagahan, na “ibiniyaya” naman nang lipos ng kababalaghan ni Iris, sa tulong ng kanyang balag na “bukal” ng kulay. Kaya’t ang mga unang tumao sa iba’t ibang panig ng daigdig, lalo na sa kagubatan, kabilang na rito ang mababangis na hayop at taong-bundok, ay nakakilala agad kung alin ang bungang-kahoy na maaaring mapakinabangan at maaaring makapagdulot pa ng pagkain sa kanila. Kasabay niyan, ay napagtiyak din naman nila, na ang mga dahon ng kahoy, sa taglay na kulay nito, ay maaaring mabatid agad ang lagay ng panahon at halumigmig. Kung luntian at nasa yamungmong, ang taglilim at panahon ng kasariwaan ay patuloy; datapuwa’t kung abuhin na at nangalalanta na, nangangahulugang mainit ang singaw ng panahon kundi man nananalasa ang matinding init ni Apolo, na nagpaparamdam sa ubaning Lupa ng kanyang lakas at kapangyarihan.

    Gayon din naman, si Iris, sa pamamagitan ng kanyang mahiwagang kapangyarihan, ay naaaring magpabatid, kapagdaka, sa paghihilamos lamang ng langit, alalaong baga, kung umuulan man, walang ibig na sabihin ito kundi ”naghihilamos” lamang ang kaayaayang mukha ng langit, matapos na maglamay sa buong magdamag sa pagtangkilik sa mga anak ng liwanag sa kandungan ng gabi. Ang mga anak na ito’y walang iba kundi sina Buwan at mga Bituin.

    Subali’t matapos ang mahabang panahon ng pag-inog ng daigdig at takbo ng mga pangyayari, ang pag-iisa ni Iris ay kanyang dinamdam. Maaaring mayaman siya sa kulay at kaningningan, maaring may mga alipin siyang Dioses, na pangunahin na si Hermes, na nauutusan niya nang kasing-bilis ni Kidlat, datapuwa’t ang puso niya’y laging tumitibok nang masasal.

    Sa wakas, samantalang nakasandig siya sa pagkakatulog nang di-sinasadya sa tabi ng kanyang mahiwagang balag, walang anu-ano, sa gitna ng karimlan ay parang may biglang napunit na dakilang bagay sa Langit-Silangan. Nagulantang siya at kinusot na mabuti ang kanyang magagandang mata, na nanghiram ng luningning sa mga bituin, sa pag-aalaalang baka iyon ay isang kaaway o isang makapangyarihang mandirigama na nagnanais na umagaw sa kanya.

    Hindi rito natapos ang kanyang agam-agam at sikdo ng dibdib. Kasabay ng pagkahawi ng dilim ay parang isinaboy sa kanya ang sandaigdig na halimuyak buhat sa pabango ng mga bulaklak-gubat, kasabay ang marikit na awit ng mga ibong nagpalipat-lipat sa mga sanga ng kahoy at ng lagaslas ng tubig sa dako roon, sa kabila ng kakapalan ng kakahuyan, na para bagang lumilikha ng isang marikit na kundiman ng pag-ibig na kailan man ay hindi pa niya naririnig sa buo niyang buhay.

    Lalong tumibok nang masasal ang kanyang puso. Hindi siya makatatagal. Hindi maaring di isuko ang kapangyarihan ng kanyang pagka-bathala sa gayong gayuma ng lalong makapangyarihang lakas at balani, na humihikayat sa puso niya.

    Umiibig si Iris. Umiibig ang Reyna ng Bahaghari. At nang unti-unti nang mahawi ang durungawan ng Langit-Silangan na magdamag na may lambong na luksa ng Gabi, ay nakilala niya si Bukang-Liwayway, ang bunsong binatang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag, na tiyak na magmamana ng buong kaharian ni Apolo sa buong panahon ng Katagarawan at Walang Maliw na Pagtanglaw sa Daigdig.

    Walang anu-ano’y narinig niyang may isang tinig na nangungusap, na sa bawa’t bahagi’y sumasaliw man din ang musika ng Katalagahang kangi-kangina lamang ay kanyang naulinigan.

    — Iris! Reyna ng lahat ng Kulay, ibig kong maging alipin mo sa habang panahon. Kung ako’y magiging marapat, nais kong maging himlayan ang iyong bahaghari. —

    — Sino ka? — ang usisa ni Iris, na lipos ng panggigilalas, bagaman naaakit na ganap ang kanyang puso. —

    — Sino pa? Kung hindi si Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag. — At narama, kapagdaka, ni Iris na ang kanyang sinapupunan ay nagka-ilaw, kasabay ng pagsaboy na muli ng mahiwagang halimuyak sa kanyang paligid.

    — Paano ko matitiyak ang katapatan ng iyong pag-ibig, kung ang iyong ama’y kailangan pang magpasiya? – tanong sa di-kawasa ni Iris.

    — Sa pag-ibig ay dalawa lamang ang nag-uusap. Puso lamang na tumitibok ang nagsasalita. Kaluluwa lamang ang nakababatid – ang sa dalawang kaluluwa ng sumusuyo’t sinusuyo! — anang Prinsipe ng WalangMaliw na Liwanag. . .

    — Kay tamis mong mangusap! Bukas din mababatid mo ang aking katugunan. Uutusan ko sa iyo si Hermes, na isang tunay na bayani ng pag-ibig. Inibig niya ang maging alipin kong utusan sa habang panahon, huwag lamang na marinig niya sa aking labi na siya’y hindi ko iniibig bagaman siya lamang ang maaaring makipaghabulan sa kidlat at makahuli ng aking mga kalapating tagapaghatid ng sariling damdamin sa apat na sulok ng himpapawid. —

    — Maghihintay ako, kung gayon! Sa oras ding ito! — At nagtangkang humalik ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag sa Reyna Iris o Reyna ng Bahaghari. Sa pagkakataong yaon, ang sandaigdig na kulay ay lalong kuminang: Gumanda wari ang kagubatan, sa biglang pagbabagong-damit ng mga punong-kahoy, halaman, at mga bunga nito. Gayon din ang pakpak ng mga ibon, paruparo, saka ang langit, tubig, at kalawakan. Lalong naghari ang “kagandahan” ng daigdig sa balat ng lupa, at nag-aanyaya mandin ang Katalagahan sa kabataan. Kaya’t biglang-bigla na lamang bumalantok ang bahaghari. . . Pula, dilaw, luntian, bughaw – mga saligang-kulay na naging tulay kapagdaka, na ang isang dulo ay nasa isang panig ng langit at ang kabilang dulo’y nakahangga naman sa isang mahiwagang pook ng lupa, na diumano’y siyang katutuklasan ng walang maliw na kayamanan.

    Nang masdan ng mga taong-bundok ang balantok o bahaghari sila’y nagpanakbuhan. Akala nila’y babala na iyon ng isang wakas, kundi man tanda ng isang masamang panahon. Nagpanakbuhan sila at sa mga lunday na nasa baybay-dagat ay nag-unahang magsisakay; nguni’t walang anu-ano’y bumuhos ang malamig na ulan – maninipis na hilatsa ng sutlang ulan – na bumasa sa kanila at sa hiwaga ng lamig nito’y nagkaroon sila ng panibagong dilidili.

    Nagsibalik uli sila sa daan upang mapanunghan ang isang maliwanag na katanghalian. Nakita nila, higit sa dati, ang dilag ng kanilang paligid. Nasamyo ang kailan man ay hindi nila nasasamyong hanging may pabango ng mga bulaklak-gubat. Saka nadinig pa ang kailan man ay hindi nila naririnig na musika ng Katalagahan: ang marikit na awit ng mga ibon, ang lagaslas ng batis, ang bru-bru ng dahon, ang dampi ng mayuming alon sa pasigan, saka ang langitngit ng kawayanan, sa dako roon, na sa kanilang humahangang paningin ay walang iniwan sa malantik na baywang ng isang hadang nagsasayaw sa kagubatan.

    Ang mga nagsipamayang ito sa kabundukan at mga kinapal sa lupa na di pa nakasisinag ng kahi’t bahagyang liwanag ng kabihasnan ay parang nahihikayat na lumapit sa mga punong-kahoy, halaman, batis at ilog; at noon nila natuklas, sa unang pagkakataon, na kailangan ang pagtatangkilik nila upang manatili ang mga biyayang nasabi ng Katalagahan na siyang makapagpapatuloy sa kanila sa kabuhayang kasiyasiya roon.

    Nasinag nila sa bughaw, nguni’t maliwanag na tubig, ang naglangoy-langoy na isda, napagkilala nila ang mga dahon ng kahoy na maaaring maging panlunas sa mga karamdaman, natuklasan nila ang bukal nang walang maliw na kabataan, (sapagka’t dalisay na maiinom), saka natagpuan din naman nila ang ilang uri ng hayop na maaari nilang pakinabangan at maaari pang makatulong sa gawain.

    Anopa’t ang sumunod na ikot ng daigdig sa Orasan ng Palad, na maikli lamang sa mga taong-bundok ay maitatala na nang kung ilang daang taon, hanggang sa matutuhan nila ang gumawa ng tahanan buhat sa mga kahoy at iba pang sangkap ng kagubatan at magsipagpatulo ng pawis, samantalang sumisikat ang araw, na nagpapasigla sa kanilang katawan.

    Datapuwa’t sa orasan ng mga Dioses, lalo na sa kay Iris at sa Prinsipe ng Liwanag, ay nagdaan lamang ang maghapon at isa pang magdamag upang sila’y magkawatasan na gaya nang kanilang pinagkasunduan.

    Sa buong liwanag ng araw na dulot ni Apolo, ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag, ay nagtapat sa kanyang ama. Ipinahayag ang laman ng dibdib at ang dahilan ng pagnanais na makita uli si Iris – ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay.

    –Talaga pong iniibig ko si Iris! – pagtatapat ng Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag.

    –Hangal! – ani Apolo.

    — Ibig mong sabihing isusuko mo ang Liwanag natin, na siyang biyaya ng lakas at buhay sa daigdig, sa isa lamang bahaghari ng mga kulay? –

    — Wala po sa isip ko ang isuko ang ating kapangyarihan. Puso ko po ang nagpasiya na ako’y umibig sa kanya hangga’t ako’y Prinsipe ng Liwanag at habang nagiging tungkulin ko ang pumunit sa Kortina ng Gabi sa Langit-Silangan. —

    — Ah! Talagang hangal ka, anak ko. Ngayon pa lamang ay napaaalipin na ang iyong kaluluwa kay Iris. Walang utang na loob. Malaon na akong may balak na ipagtapat sa iyo na ang hirang ko ay si Aurora. Mahabag ka kay Aurora na sa pagbabangon mo pa lamang sa Langit-Silangan ay nagsasabog na ng mga bulaklak sa iyong daraanan. Kahabag-habag siya . . . —

    — Ngun’t, ama ko. Na kay Iris po ang aking puso! — matigas na pahayag ng Prinsipe ng Liwanag.

    — Kung gayon ang ibig mo, kailan man, anak ko, ay hindi matutupad ang inyong nais, sapagka’t hindi maaaring paalipin ang Liwanag – ang biyaya’t lakas ng daigdig – sa kalipunan lamang ng mga kulay. —

    — Ama ko! – Sa kulay po nagkakahulugan ang buong daigdig. Nakilala ang bulaklak sa kanilang iba’t ibang kulay. Dumilag sila at lalong naging mapanghalina, bukod pa sa mga bunga ng kahoy, ay lalong nagkahalaga, sapagka’t nabatid ng mga kinapal sa lupa ang kahalagahan ng isa’t isa sa kanilang buhay at kabuhayan. —

    — Minsan lamang akong magpasiya, anak ko, — ani Apolo.

    Hindi na nakapangusap pa ang Prinsipe; at walang anu-ano’y narinig niya ang tinig ni Hermes na nag-usisa:

    — Ako po ang alipin ni Iris – ng aking Reyna. Ibig pong mabatid ng Kanyang Sanghaya kung magaganap ang inyong salitaan. —

    Napipi ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag. Napatungo sa lupa, at naluha.

    Lalaki ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag. Nguni’t lalaki man ay natutuhan din ang lumuha. Nalaglag ang mga patak ng luhang ito. Naging hamog sa mga bulaklak . . .

    . . . Samantalang si Hermes, na mabilis pa noon kaysa Kidlat ay nagbalik sa Reyna ng Bahaghari at inihatid ang malungkot na balita.

    Tugon ng Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag ay hindi nabigkas ng bibig. Nasabi sa kanyang luha. Madarama pa nga sa labi ng mga bulaklak. Lalo na ng mga bulaklak sa kagubatan!

    Noon din ay nagdalang-poot si Iris. Poot na may himig-panibugho. Batid niya ang lihim ni Apolo: Ang nais nito sa kanyang bunsong prinsipe upang makaisang-dibdib si Aurora.

    Kaya’t sa ilang saglit lamang ay nag-utos na kay Hermes upang makipaghabulan sa Kidlat. Pinakilos ang mga panginorin sa himpapawid. Pinapagdilim ang langit kahi’t katanghalian at nasa karurukan si Apolo. Nagluksa man din pati mga dahon at nagtungo ng ulo ang mga talulot at bulaklak. Noon din ay nagsala-salabat ang kidlat sa kalawakan. Narinig ang nakakabingaw na kulog. Nahintakutan ang daigdig!

    Kaya’t mula na noon ay nangupas na ang maraming kulay. Kulay sa mga dahon at bulaklak. Nagbago na ng lakad ang mga pangyayari. Namatay na ang sigla ng buhay. At, ang Tag-araw at Tag-ulan, ay sumasapit sa pana-panahon. Naging tiyak din naman ang Tadhana: ang mga bagay at kinapal sa lupa na walang maliw ay nagmaliw na ri’t napatakda sa Kanluran ang paghihingalo ni Apolo. Nguni’t patuloy ang ganyang takbo nga ng mga pangyayari. Saka ang lalong malungkot ay nalalanta na ang mga bulaklak kundi man nangungupas ang mga kulay . . .

    — Ay! — buntong-hininga ng Reyna ng Sandaigdig na Kulay.

    — Ay! – ang tugong buntong-hiniga rin ng Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag sa Langit-Silangan.

    Nguni’t kailan man ay hindi na natupad pa ang kanilang pangarap, kaya’t ang Reyna ng Bahaghari ay naging patrona na lamang ng mga alagad ng sining, lalo na ng mga batikang alagad ng D’Vina.

  • Saranggola

    Saranggola

    ni Efren R. Abueg

    Rading, Paquito, Nelson… pakinggan ninyo ang kwentong ito. May isang lalaki, walong taong gulang. Humiling siya sa kanyang ama ng isang guryon.

    “Anak, ibibili kita ng kawayan at papel. Gumawa ka na lamang ng saranggola,” wika ng ama.

    “Hindi ako marunong, Tatay,” anang batang lalaki.

    “Madali ‘yan. Tuturuan kita,” sabi ng ama at tinapik sa balikat ang anak.

    Bumili nga ito ng papel at kawayan at tinuruang gumawa ng saranggola ang anak.

    “Tatay… ibili mo ako ng guryon,” sabi uli ng bata sa ama.

    “Anak, pag-aralan mo na lamang mapalipad ang saranggola nang mataas. Madadaig mo ang taas at tagal ng lipad ng guryon!”

    Nainis ang bata sa kanyang ama.

    “Kinakantyawan ako sa bukid, Tatay,” anang bata. “Anak daw ako ng may-ari ng kaisa-isang istasyon ng gasolina sa bayan… bakit daw kay liit ng saranggola ko!”

    Nagtawa ang ama at tinapik na naman sa balikat ang anak.

    Tinuruan nga ng ama ang bata ng higit na mataas na pagpapalipad ng saranggola, pati na ang pagpapatagal niyon sa kalawakan. Nalagpasan nga ng saranggola niya ang ilang guryon. Ang iba namang guryon na lumipad nang pagkataas-taas ay nalagutan ng tali at nagsibagsak, bali-bali ang mga tadyang, wasak-wasak.

    Minsan sa pagpapataas ng lipad ng kanyang saranggola, napatid ang tali niyon. Umalagwa ang saranggola. Hinabol nilang mag-ama iyon at nakita nilang nakasampid sa isang balag.

    “Tingnan mo…hindi nasira,” nagmamalaking wika ng ama. “Kung guryon ‘yan, nawasak na dahil sa laki. Kaya tandaan mo, ang taas at tagal ng pagpapalipad ng saranggola ay nasa husay, ingat at tiyaga. Ang malaki ay madali ngang tumaas, pero kapag nasa itaas na, mahirap patagalin doon at kung bumagsak, laging nawawasak.”

    Nakalimutan na ng batang iyon ang tungkol sa saranggola nang maging katorse anyos siya. May iba na siyang hilig; damit, sapatos, malaking baon sa eskwela, pagsama-sama sa mga kaibigan.

    “Anak… dalawang sapatos lamang ang gagamitin mo sa pasukang ito. Kung masira, saka na papalitan. Magtitipid ka rin sa damit at huwag kang gasta nang gasta. Hindi madaling kitain ang salapi,” pagunita ng kanyang ama.

    “Kawawa nga ako, Tatay,” katwiran ng bata. “Anak ako ng tanging may-ari ng istasyon ng gasoline at machine shop sa bayan natin, pero ang itsura ko… parang anak ng pobre.”

    “Disente ka naman, a. Malinis ang damit mo, husto ka sa mga gamit sa eskwela at husto ka rin sa pagkain. Hindi dapat sobra sa mga pangangailangan ang isang kabataang tulad mo. Hindi natututuhan ang pagtitipid.”

    Hindi naunawaan ng bata ang paliwanag ng ama at nagkaroon siya ng hinanakit dito. Tinipid siya sa lahat ng bagay, hinigpitan sa pagsama-sama sa mga kabarkada at madalas, pinatatao sa istasyon ng gasolina at pinatutulong sa machine shop kung araw na walang klase.

    “Pinahihirapan talaga ako ng Tatay,” puno ng hinanakit ang tinig na pagsusumbong ng bata sa ina. “Kaisa-isa pa naman akong anak, ang turing niya sa akin… parang ampon!”

    “Hindi totoo ang sinabi mo, anak,” malumanay na sansala ng kanyang ina sa paghihinanakit niya sa ama. Alam mo mataas ang pangarap niya para sa iyo.”

    “Bakit? Ano ang gusto niya para sa akin?”

    “Ibig niyang maging mahusay kang inhinyero.”

    Hindi na kumibo ang bata at hindi rin napawi ang hinanakit niya sa ama. Gayunman, hindi siya makapaghimagsik dito. Iginagalang niya ito at pati ang kanyang ina.

    Nang labingwalo na siya napagkaisahan ng kanyang mga barkada na kumuha sila ng commerce.

    “Mabuti ‘yon. Magsama-sama tayo sa isang unibersidad,” mungkahi ng isa sa limang magkakaibigan.

    Pumayag siya. Ngunit nang kausapin niya ang ama, tumutol ito.

    “Inoobserbahan kita, anak. Hindi mo hilig ang commerce. Palagay ko mechanical engineering ang bagay sa iyo. Tanungin mo ang iyong ina.”

    Masama man ang loob, sumangguni pa rin siya sa ina.

    “Hindi sa kinakampihan ko ang iyong ama, anak. Pero sa tingin ko….engineering nga ang bagay sa iyo. May machine shop tayo…sino ba ang magmamana niyon kundi ikaw?”

    Nasunod ang kanyang ama at napilitan siyang tumiwalag sa kanyang barkada. Napag-isa siya sa pag-aaral sa lunsod at ngayong binata na siya, hindi na hinanakit kundi paghihimagsik sa ama ang kanyang nadarama.

    “Ayoko nang mag-aral, Inay,” sabi niya sa kanyang ina nang dalawin siya nito sa dormitoryo. “Tipid, pagtitiis, kahihiyan lamang ang dinaranas ko rito. Bakit ako ginaganoon ni Itay? Gusto ba niya akong pahirapan?”

    Pinayapa ng kanyang ina ang kanyang kalooban.

    “Magtiwala ka sa amin, anak. Wala kaming gagawin ng iyong ama kundi makabubuti sa iyong hinaharap.”

    “Makabubuti ba sa akin ang magmukhang basahan at magdildil ng asin?”

    “Makabubuting matuto kang magtiis. Pagkatapos mo naman ng pag-aaral at magtagumpay ka sa hanapbuhay, magiging magaan sa iyo ang lahat.”

    “Bakit kailangan ko pang magtagumpay? Hindi ba’t ipamamana ninyo sa akin ni Itay ang ating kabuhayan?”

    “Totoo iyan, anak…pero paano mo mapauunlad ang ating kabuhayan kung hindi mo alam ang mga hirap sa pagtatayo niyan?”

    Hindi maintindihan ng binata ang sinabi ng kanyang ina, subalit naisip niyang makapagtitiis pa siya. Isinubsob na lamang niya ang ulo sa pag-aaral.

    Nakatapos naman ng inhinyerya ang binata. Hindi siya pangunahin sa klase, ngunit sa pagsusulit sa gobyerno, nakabilang siya sa nangungunang unang dalawampu.

    “Ngayon anak…bibigyan kita ng limampung libong piso. Gamitin mo sa paghahanapbuhay,” sabi ng kanyang ama nang makuha na niya ang lisensiya bilang mechanical engineer.

    Namangha siya.

    “Akala ko…ako na ang hahawak ng ating machine shop pagkatapos ko ng pag-aaral,” nawika niya sa ama.

    “Bata pa ako, anak. Kaya ko pang mag-asikaso ng hanapbuhay na iyan. Saka ibig ko, magpundar ka ng sariling negosyo.”

    “Bakit pa, Itay? Mayroon na tayong negosyo.”

    “Mabuti na ‘yong makatindig ka sa sarili mong mga paa.”

    Tinanggap niya ang halagang ipinagkaloob ng ama. Humiwalay na rin siya ng tirahan sa mga magulang.

    “Alam kong malaki ang hinanakit mo sa iyong ama. Gayunman, ibig kong isaisip mong, ang kinabukasan mo ang lagi niyang inaalala.”

    Ngunit may lason na sa kanyang isip. Hindi na siya nanininwala sa sinabi ng kanyang ina. Naging lubos ang paghihimagsik niya sa kanyang ama.

    Nagtayo siya ng isang machine shop sa dulo ng kanilang bayan. Agad-agad siyang pinagsadya ng kanyang ama.

    “Bakit hindi pa sa ikatlong bayan ka nagtayo ng machine shop? Magkukumpetensiya pa tayo rito.”

    “Akala ko ba’y bahala na ako sa buhay ko, Itay?”

    Natigilan ang kanyang ama. Saka napapailing, nag-iwan pa ito ng salita bago lumisan.

    “Kung sa bagay…mabuting magturo ang karanasan!”

    May isang taon ding nagtiyaga ang binata sa pamamahala ng kanyang maliit na machine shop sa dulong bayan. Kakaunti ang kanyang parokyano dahil higit na malaki ang machine shop ng kanyang ama at mahusay ang mga tauhan nito. Nagkautang tuloy siya ng labindalawang libo sa mga kinukunan niya ng materyales. Nang hindi siya makabayad, inilit ang mga makinang kanyang ginagamit.

    “Nabigyan na kita ng pang-umpisang puhunan. Hindi ka sumunod sa mungkahi ko na umiwas sa kumpetisyon. Subukin mo namang maghanap ng puhunan sa sarili mong pagsisikap.”

    Noon nagsiklab ang binata. Nakalimutan niya ang paggalang sa mga magulang. Dumabog siya sa harap ng ama.

    “Ano kayong klaseng ama? Bakit ninyo natitiis ang inyong anak? Kasiyahan ba ninyong makitang nahihirapan ako?”

    “Ibig kong matutuhan mo ang lahat ng nangyayari sa buhay na ito. Hindi madali ang mabuhay sa mundo, anak.”

    “Hindi ba kaya may mga magulang ay para gumaan ang buhay ng mga anak?”

    “Ang ikagagaan ng buhay ng mga anak ay wala sa mga magulang kundi nasa mga itinuturo nila sa mga ito.”

    Nagkahiwalay ng landas ang mag-ama. Naglayas ang binata nang hindi man lamang nagpaalam kahit sa ina. Nagpalipat-lipat sa kung saan-saang trabaho hanggang pagkaraan ng limang taon, nakaipon siya ng sampung libong piso at nakabili ng maliit na machine shop. Kumuntrata siya ng paggawa ng tambutso sa isang auto assembler at kumita siya nang malaki. Sa loob ng tatlong taon, gumawa na rin ang machine shop niya ng mga partes ng kotse.

    Ang dugo ay dugo, anang kasabihan, kaya dinadalaw ang lalaki ng kanyang may edad nang ina. Isang araw, dumating ito sa kanilang bahay, gaya ng dati may pasalubong sa tatlong apong lalaki.

    “Ibig ng Itay mong makita ang kanyang mga apo, pero hindi siya makadalaw dahil sa hinanakit mo,” sabi ng kanyang ina.

    “Kinalimutan ko na, Inay, na nagakaroon ako ng ama!”

    Umiyak ang kanyang ina.

    “Kung gayon… baka hindi na kayo magkita, anak!” nawika nito bago umalis.

    Sa tindi ng hinanakit, hindi pa rin niya binigyang-halaga ang bulalas na iyon ng kanyang ina. Nagpakagumon siya sa trabaho, naghanap pa ng mga bagong kontrata hanggang sa loob pa ng dalawang taon, kilala na ang kanyang machine shop sa Pasay. Isang araw, hindi niya dinatnan ang kanyang asawa at tatlong anak sa bahay.

    “Nasaan sila?” usig niya sa katulong.

    “Umuwi ho uli sa probinsya. Patawirin daw ho ang inyong ama!”

    “Umuwi uli? Bakit, lagi ba sila roon?”

    Tumango ang tinanong na katulong.

    “May dalawang ulit na hong regular silang nagpupunta roon. Dinadalaw ang inyong matanda.”

    May poot na sumiklab sa kanyang dibdib. Nanlambot siya sa galit. Ngunit sa pagkaunawang patawirin ang kanyang ama, nagbalik sa kanyang isip ang masasayang sandali sa piling nito. Nagunita niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.

    “Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas, nasa husay, tiyaga at ingat iyan!”

    Magdamag siyang hindi mapalagay. Lagi niyang naiisip ang sinabing iyon ng kanyang ama. Kinabukasan, sakay ng kanyang kotse, nagbalik siya sa bayang sinilangan.

    “Patay na siya!” bulalas ng kanyang asawang umiyak sa kanyang dibdib.

    May nabugnos na moog sa kanyang puso. Nahalinhan ng pagsisisi ang hinanakit. Nilapitan niya ang ina at sa pagkakayakap dito, umiyak siya nang marahan, kasamang nagdadalamhati ang lahat ng himaymay ng kanyang laman.

    “Huwag kang umiyak… namatay siyang walang hinanakit sa iyo.” Anas ng kanyang ina.

    “Wa-walang hinanakit?”

    “Oo, anak… dahil natupad na ang pangarap niya. Nasa itaas ka na. At sabi niya sa akin, pati sa asawa mo… nakatitiyak siya na makapananatili ka roon.”

    Nang lapitan niya ang kabaong ng ama at tunghayan ang mga labi nito, parang lumundag ang kanyang puso at humalik sa pisngi ng yumao. Kasunod niyon, nagunita na naman niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.

    “Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas. Hayaan mo… tuturuan kita!” paliwanag na ama.

    Rading, Paquito, Nelson…tandaan ninyo ang kwentong iyan. Kwento ‘yan namin ng inyong namatay na lolo. Kwento naming dalawa.

  • Mapait na Kabihasnan

    Mapait na Kabihasnan

    ni Alberto Segismundo Cruz

    (Isa sa limampung kuwentong ginto na itinampok ni Pedrito Reyes sa kanyang kalipunan ng mga kuwento na may pamagat na “50 Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Kuwentista” (Ateneo Press, 1998. Ang “50 Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Kuwentista” ay inilabas ng Ramon Roces Publications sa kauna-unahang pagkakataon noong 1939.)

    ANG KABIHASNAN AY MINSAN pang nanagumpay sa kabundukan.

    Iyan ang sadyang masasabi sa pagkahikayat sa mga magulang na Igurote na mapababa sa kapatagan ang kanilang mga anak upang diumano’y papag-aralin at “nang mangaging tagapagmulat ng liping dapat na maging bihasa sa pagtatanggol man lamang ng sariling mga karapatan”. ..

    Nang tumulak ang pangkat ng kabataang nahikayat ng mga punong-abala sa kilusang ito ngmisyon ng mga Protestante sa Hilaga ng Luson ay kasama si Pad-leng, ang lalabinganiming taong batang lalaking Igurote, na sa mga pinili ug mga misyonero ay siyang natatangi sa kagandahang lalaki, sa kalusugan ng pangangatawan, at sa pagkakaiba ng kulay na anaki’y isang tubo sa kapatagan.

    Unang hakbang na ginawa ng mga misyonerong Protestante ay ang pagbibinyag sa mga batang Iguroteng ito, at sa kabutihang-palad, si Pad-leng, ay nabinyagan sa pangalang itinumpak sa pagkakatangi niya sa mga kasamahan; “Raul” saka isinunod ang apelyidong “Del Monte” upang magpakilala na siya ay “taong-bundok”.

    Buhat noon, si Pad-leng, gaya rin ng ibang mga kasamahan niya ay nakadadalaw sa kanilang pook na kinamulatan; makalawa sa isang taon, kung natatapos ang mga pagsusulit kung Marso. Sa mga pagliliwaliw na ito ni Pad-leng nagsimula ang pagkagising ng kaniyang puso sa pag-ibig. Halos naniningalang- pugad pa lamang siya at nasa huling baytang pa lamang ng intermedya ay nakakahumnalingan na niya ang maghihiling ng “everlasting” kay Puranti — sa lalabing limahing taong Igurota na sang-ayon sa mga matatandang pantas sa Bontoc, ay ipinaglihi sa bukang-liwayway; kaya’t may himaymay ng ginto ang buhok na malago, may ilaw ang mga mata, at may dugo ng araw ang mga labi, bagama’t kayumangging kaligatan ang balat na tila pangil ng baboy-bundok. . .

    Buhat noon hanggang sa dumating ang mga huling araw ng pag-aaral sa Maynila ni Pad-leng — may pag-aalinlangan man sa pagtatapat ng binata si Puranti — ay ganap pa rin ang kaniyang pag-ibig na nasasalig sa isang pag-asang sa kinabukasan ay sisikat din sa taluktok ng Tarik ang marikit na bukang-liwayway.

    Subali’t ang malaong pagkakahiwalay ng dalawang pusong magsing-ibig ay sadyang mapanganib, lalo na nga sa kalagayan ni Pad-leng at ni Puranti.

    Naroon ang dalagang Igurota sa kabundukan ng Hilaga, na walang nagiging aliwan kundi malas-malasin ang malulusog na binhi ng palay sa libis ng bundok; narito ang binatang Igurote, na sa liwanag ng siyudad na mailaw at sa halimuyak ng masangsang na pabango ng mga liwaliwan at palipasan ng oras, ay nagsisinaya sa kaniyang mga tagumpay; naroon nga si Puranti, na sa sariling himutok at sa imbay ng kamay sa paghahabi pinalilipas ang lalong malulungkot na sandali sa pag-aalaala sa kawagasan ng pag-ibig ni Pad-leng. . . At, bukod dito. . . si Pad-leng, ang ngayon ay kilala nang si Raul del Monte sa loob at labas ng campus ng Unibersidad ng Pilipinas, ay masasabing baliw na baliw sa kaniyang mga tagumpay.

    Kailan lamang ay nakamit niya ang katibayang “poet-laureate” sanhi sa kaniyang pagkadalubhasa sa paglikha ng tula sa kalikasan na siyang naging paksa niya sa ipinagtagumpay na tula sa timpalak-panitik na binuksan ng “Literary Guild” at itinaon sa kaarawan ng unibersidad ; kamakaiian naman, ay nakamit din niya ang medalyang ginto sa paghahagis ng tandus o “javelin”; at kailan nga lamang ay muntik na niyang masira ang rekord sa isang daang yardang layo sa Dulong-Silangan nang siya ay sumali sa takbuhang nilahukan ng Unibersidad ng Pamahalaan upang hirangin ang mga ipadadala sa Olimpiyada noon. O! kay inam gunitain ang pangyayaring yaon, nang tumakbo si Raul, na animo’y tumutugis ng baboy-bundok. . . subali’t hindt nagunita ng kaniyang mga katunggali sa paligsahan, na siya ay isang tunay at wagas na “taong bundok”.

    Sa bawa’t baytang ng tagumpay ni Pad-leng sa pag-aaral dito sa Maynila ay naging malaki mandin ang agwat sa pag-ibig niya kay Puranti. “Ang pag-ibig”, anang isang pantas, “ay pabangong lumilipas”. At masasabi naman nating ang pag-ibig na hindi nadidilig ng pagniniig at pagsusuyuan ay sadyang nalalaing.

    Paano’y talagang sa pagitan niya at ni Puranti ay may isa nang “gayumang” nakahadlang ngayon. May kumatlo na sa “triangulo” ng pag-ibig. Dati ay si Pad-leng at si Puranti — silang dalawa lamang; ngayon ay may isa nang dilag, sa katauhan ni Rita Miraflor.

    Iyan ang tunay na dahilan kung bakit si Raul ay hindi na nagnais na magliwaliw sa tanging dalawang pagkakataon sa loob ng panahon ng kaniyang pag-aaral sa unibersidad, sa taun-taon. Bagama’t ang mga magulang niya sa kabundukan, gaya rin ni Puranti, ay nagsisipanabik na siya ay makapiling at makaulayaw.

    Nagbago na ngang ganap si Raul. Sa palagay ng maraming nakababatid sa kaniyang kabuhayan, ni ayaw na siya ngayong matawag na Igurote. Ayaw na niyang masasabing siya ay isang “taong bundok”. Hindi na niya ibig marinig na siya ay galing sa Bontok. At maliban sa paminsan-minsang bugso ng damdaming likha ng pagmamahal sa magulang at sa kinamulatan, si Raul ay naging tunay na Raul nang napaalipin sa isang birhen ng Katagalugan.

    Sa campus, sa mga pagtitipon, sa mga palabas-dulaan, sa mga sayawan, sa mga piknik, si Raul del Monte at si Rita Miraflor ay napapansin ng madlang hindi nagkakalayo sa pag-uusap. Paano’y sadyang sila ay magkasuyo na, magkasintahan na, at sa bibig ng isang palabirong kaibigan nila, “minsan pa”, diumanong “nagtagumpay ang kapatagan sa kabundukan”. . .

    Subali’t sa Banawe, Bontok, ay isang dalagang Igurota ang naghihinagpis. Sang-ayon sa mga matatandang pantas doon, si Puranti ay nababaliw na. Paano’y malimit itong makitang lumuluha sa taluktok ng bundok, kung minsan, na nakatitig sa mga zig-zag a patungong Maynila ang paningin; kung minsan naman, ay napapansin ng mga kamag-anak na rin ni Puranti na ito ay nagbububulong at waring kinakausap ang mga dulo ng pinong tila sadyang nakikipaghalikan sa simoy ng hangin.

    O! Kabihasnan. . . kabihasnan! — ang halos ay isinisigaw ng damdamin ni Puranti na tila inihahanap ng katugunan sa mga yungib ng Bontok.

    Datapwa’t kinakailangan pa niyang gawin ang huling pagsubok. Ito ang sumilid na bigla sa kaniyang isip. Susubukin niya kung talagang siya ay umaasa nang wala siyang inaasahan.Kahuli-hulihan ngang tangka sa pagtiyak sa damdamin ni Pad-leng ang isinagawa ni Puranti. Isang maliit na tungkos ng mga “everlasting” na pinili niya sa mga pili ang maingat na inilagay sa isang maliit na buslo at sa pamamagitan ng isang amerikanang kakilala niya at nagkataong paluwas noon sa Maynila, ay ipinakiusap na paabutin lamang ang alaalang yaon kay Pad-leng.

    Nag-ukol din ng malaking pagsasakit si Puranti upang maisagawa ang gayong pagpapahatid ng mga “everlasting”. Namuhunan siya ng mabuting pakikisama sa nasabing amerikana, na isa ring alagad ng misyon ng mga Protestante sa Hilagang Luson; naglingkod siya rito sa pamamagitan ng pagiging paturo o “guide” sa pagdalaw sa mga liblib na pook ng lalawigan ng mga Igurote, maipadala lamang ang huling alaala ng pusong “limutin man yata ay hindi makalimot sa isang minamahal”.

    Subali’t nagdaan ang mga araw, lumipas ang mga linggo, at parang laho lamang na naparam ang mga pangyayari sa isang buwan.. . at hanggang sa mapabalik na muli sa Banawe ang misyonerang amerikana, ay hindi man lamang nakatanggap ng kahi’t anong uri ng “ganti” ang kahabag-habag na si Puranti.

    Paano’y haling na haling sa mga tagumpay si Pad-leng, ang binatang Igurote, sa tagumpay na halos ay nagiging pampasigla sa kaniyang pamimintuho at maalab na pagmamahal sa isang “co-ed” — kay Rita Miraflor, ang Birhen ng Katagalugan alinsunod sa mga tula sa pag-ibig ni Raul del Monte.

    Sa di-kawasa ay natapos din ang panahon ng pag-aaral. Isa nang manggngamot ngayon si Raul del Monte — ang binatang Igurote, na sa kaniyang kinamulatan ay lalong kilala pa rin sa pamagat na Pad-leng. Halos pagkatapos na pagkatapos matanggap niya ang katibayan, ay hiningi na niya agad sa mga magulang ni Rita ang kamay nito, yamang siya ay mapapatakda sa paglilingkod sa isang pagamutan ng mga misyonero sa Bontok. Tawag ng tungkuling hindi maaaring di niya dinggin, at kaway ng kinamulatang-lupa ang kaniyang namamasid, kaya’t kailangan niyang talikuran ang siyudad ng mga ilaw; ang kahanga-hangang Maynila.

    Buwang mabulaklak nang idaos ang kanilang biglang-biglang pag-iisang-dibdib; at pagkaraan nang mahigit na isang linggong paghahanda, si Raul at si Rita, taglay ang lahat ng kanilang mga kailangan sa isang tahanan, ay umakyat na sa kabundukan ng Bagyo, upang buhat doon ay tumungo sa Banawe, sa pagtugon sa tawag ng tungkulin at sa pagharap sa tunay na pakikibaka sa buhay.

    Napasinayaan na ang pagamutan sa Banawe ng mga di binyagan. Ang lahat ng mga Igurote ay inanyayahan pa, at naging isang dakilang pagkakataon ang pagbabalik doon ng isang dalubhasa at magiting na kalipi nila, na ayon sa puno ng lalawigang-bulubundukin, ay nagbalik upang maglingkod sa kinamulatang lupa at maging ilaw na patnubay ng mga kababayan niyang naghahanap at nangangailangan ng liwanag.

    Subali’t tumbalik ang pagkakataong nasabi sa tunay na dinaramdam ni Puranti. Umalis si Pad-leng na noon ay taglay “ang kaniyang pag-ibig at pananalig, subali’t nagbalik itong wari’y may pasalubong na dita upang ipalasap sa kaniyang naghihirap nang kaluluwa.

    At sa paghihingalo ng araw kung dapit-hapon sa Banawe, na ang mga huling sinag na ginto ay nagdudulot ng maputlang dilaw sa mga dulo ng pino, ay parang may nababasa si Puranti. Nasisinag niya ang batas sa kabundukan. Ang pag-ibig na hindi maipagtagumpay ay talagang dapat na humarap sa kamatayan. At para sa kaniya, anong timyas ng humimlay sa lilim ng pino at sa harap ng mga tiwangwang na taniman ng pa lay sa libis ng bundok!. . .

    Iyan ang kaisipang nasisilid sa nahihibang nang pag-iisip ni Puranti, at kung nang hapong yaon, ay tila may nagbabalang bagyo sa dakong Hilaga, ay may nangyayari na ring bagyo na ibig magahak sa mga pitak ng kaniyang dibdib na sugat-sugatan na sa dalmhati.

    Si Puranti ay may handa nang palaso. Palasong ang talim o tulislis ay pinahiran pa ng dagta ng ugat ng isang kahoy na may lason. Natitiyak noon ni Puranti na buhat sa taluktok ng bundok ay maaabot ng kaniyang palaso ang dibdib ng magkasing umagaw sa kaniyang kaligayahan. Tuwing dapit-hapon ay nababatid niyang ang magkasi ay nagsisipagpasyal sa libis, na walang gaanong agwat buhat sa pagamutan na siya rin nilang kinatatahanan, at doon nila inuulit ang awit ng dalawang kalapating pumaimbulong sa kaluwalhatian.

    O! Inaasam-asam ni Puranti na dumating ang dapit-hapon sa kinabukasan. Papatay siya, at siya man naman ay dapat nang humarap sa kamatayan. lyan ang batas sa kabundukan. Iyan nng sariling sigaw ng kaniyang damdamin upang makapaghiganti.

    At kinabukasan. . .

    Kay lamlam ng dapit-hapong yaon!

    Namumutla na sa pagbihingalo ang mga huling sinag ng iraw, ay kung bakit ang mga dulo ng pino ay tila pa hinahalikan ng maiitim na ibong bihirang makita sa mga pook na yaon.

    Sugo na kaya yaon ni Kamatayan? Yaon na nga kaya ang hudyat ng kasaliwaang-palad ni Raul at ni Rita sa kamayng Igurotang maghihiganti sa kasawian ng pag-ibig?

    Aywan natin! Subali’t ang totoo ay nakahanda na si Puranti. Nakapanganlong siya sa isang malaking tipak ng batong-buhay na nagagalaw ng kaniyang matipunong bisig, sapagka’t ang batong yaon ay nasa bingit ng isang bangin.

    Nakita ni Puranti buhat sa kaniyang kinalalagyan ang magkapiling na magkasi. Ibibinit na sana ang palaso sa busog na hawak. . .

    Subaii’t. . . bigla siyang nanggipuspos. . . Nawalan ng lakas ang kaniyang mga bisig. . .
    O! Ang lalaking yaon: ang pangarap at pag-ibig ng kanyang kabataang naghingalo sa kasawian ng kanyang pag-ibig!

    Hindi! Hindi! Hindi ang kamay niya ang maaaring pumatay. At parang baliw, ang buong bigat ng katawan niya’y nanabagsak sa bato sa bingit ng bangin, hanggang sa siya ay tuloy-tuloy na dumagusdos na parang isang tipak lamang ng lupang nalaglag buhat sa taluktok ng mataas na bundok. At kung anong himala ng kapalaran, ang batong-buhay ay sumunod pa sa kaniya at waring pabigat sa kaniyang katawan na humantong sa kapatagang malapit sa pagamutan.

    At naganap ang Tadhana: mamatay o pumatay! Walang lakas upang patayin ni Puranti ang lalaking yaon, subali’t ang Tadhana ang lalong makapangyarilian kay sa kaniya, at ang batas ng kabundukan ay sadyang dapat na maisakatuparan.

    Ang sawing pag-ibig ay dapat humarap sa kamatayan!

    Nang dumating ang magkasi sa pook ng sakuna, at isagawa ni Raul del Monte ang mga unang paglalapat ng lunas, ay namasid niya nang buong liwanag ang mukha ni Puranti, na nakangiti pa sa kaniya, bagama’t tigmak sa sariling dugo.

    “Puranti”, ani Raul.

    Kiang-wan. . . kiang-wan! . . Wala na, wala na!

    At pinangiliran na lamang ng luha si Raul at gayon din ang mga kubabayan niyang nagkagulo sa pook ng sakuna.

    Ang mga pantas sa Banawe ay nagsiiling na lamang.

    Sadyang malupit ang kabihasnan! Anila.